top of page
BIDA - ALEX EALA, MAY MGA BASHERS NA FOREIGNER-IG _alex.eala.jpg

Proteksyon sa mga batang content creator, tiyakin

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 5 hours ago
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | August 4, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Dapat lang na higit pang maprotektahan ang mga bata sa panahon ng social media. Habang dumarami ang mga batang lumalabas sa mga vlog, online advertisement, livestream at iba pang digital content, nararapat lamang na tiyaking hindi sila naaabuso, napagsasamantalahan o napipilitang magtrabaho nang labag sa kanilang mga karapatan. Ang kasikatan sa internet ay hindi dapat maging dahilan upang isantabi ang kapakanan ng isang bata.


Bilang tugon sa lumalawak na paggamit ng mga menor-de-edad sa digital content creation, naglabas ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng Labor Advisory No. 12, Series of 2026, na nag-aatas na ang mga batang wala pang 15 taong gulang ay kailangang kumuha muna ng working child permit bago makilahok sa mga proyektong pang-aliwan o pang-impormasyon, kabilang ang mga nilalaman na inilalathala sa social media at iba pang online platform.


Ipinaalala ng DOLE na sa ilalim ng Republic Act No. 9231 o Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act, ipinagbabawal ang pagtatrabaho ng mga batang wala pang 15 taong gulang. Pinapayagan lamang ito sa ilang pagkakataon, gaya ng kapag ang bata ay nagtatrabaho sa ilalim ng direktang pangangasiwa ng magulang o legal na tagapag-alaga at ang mga kasama lamang sa gawain ay miyembro ng pamilya, o kung ang paglahok ng bata ay mahalaga sa isang pampublikong pagtatanghal o proyektong pang-impormasyon. Sa alinmang sitwasyon, kinakailangan pa ring magkaroon ng permit mula sa DOLE bago payagang makilahok ang bata.


Nilinaw din ng ahensya na ang saklaw ng “public entertainment or information” ay hindi lamang telebisyon, radyo, pelikula, teatro at print media. Kabilang na rin dito ang mga vlog, livestream, digital advertisement, web series, podcast, educational content, streaming platform, social media at iba pang umuusbong na anyo ng digital media. Dahil dito, ang mga batang lumalahok sa paggawa ng online content na ipo-post sa internet ay maaari ring saklawin ng regulasyong ito.


Binigyang-diin ng DOLE na may pananagutan ang mga magulang o legal na tagapag-alaga sa pagsunod sa batas at sa pagkuha ng kinakailangang permit. Inatasan din ang mga employer at content producer na sundin ang mga umiiral na panuntunan laban sa child labor, kabilang ang limitasyon sa oras ng trabaho, wastong paggamit ng kinikita ng bata, at pagtiyak na hindi maaapektuhan ang kanilang pag-aaral, pagsasanay at iba pang pangunahing pangangailangan. Hinikayat din ng ahensya ang publiko na iulat ang anumang hinihinalang paglabag upang agad na maimbestigahan at maaksyunan.


Mahalagang paalala ang bagong patakarang ito na ang kapakanan ng bata ay dapat manatiling pangunahing konsiderasyon sa anumang uri ng trabaho o content creation.


Ang teknolohiya ay maaaring magbukas ng maraming oportunidad, ngunit may kaakibat din itong responsibilidad. Kung magiging mas maingat ang mga magulang, content creator at iba pang sangkot sa industriya, masisiguro na ang talento ng mga bata ay mahuhubog sa ligtas, makatao at makatarungang kapaligiran na tunay na nagbibigay-halaga sa kanilang kinabukasan.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page