Illegitimate child, may karapatan sa life insurance ng namayapang ama

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | September 19, 2026

Dear Chief Acosta,
Ako ay anak sa labas ng aking ama. Pumanaw ang aking ama noong nakaraang linggo. Nabanggit sa akin ng aking ama bago siya pumanaw na ako ang beneficiary na inilagay niya sa kanyang life insurance policy. Nalaman ito ng kanyang legal na asawa at ako ay kanyang pinagsisigawan nang pagalit. Hindi diumano sila papayag na may makuha ako mula sa aking tatay. Maaari ba talaga nila itong gawin sa akin? Maraming salamat po. — Kris
Dear Kris,
Para sa iyong kaalaman, ang batas na sumasaklaw sa sitwasyon na iyong inilahad ay ang Section 53 ng The Insurance Code of the Philippines (Presidential Decree No. 612, as amended by Republic Act No. 10607), kung saan nakasaad na:
“Section 53. The insurance proceeds shall be applied exclusively to the proper interest of the person in whose name or for whose benefit it is made unless otherwise specified in the policy.”
Malinaw na nabanggit sa batas na ang maaari lamang mag-claim ng insurance proceeds ay ang insured o ang taong kumuha ng life insurance kung siya ay buhay pa, o ang taong itinalaga niyang beneficiary kung siya ay pumanaw na.
Paliwanag din ng ating Korte Suprema, sa kasong Maramag vs. Maramag (G.R. No. 181132, June 5, 2009, Ponente: Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Eduardo B. Nachura): “Petitioners are third parties to the insurance contracts with Insular and Grepalife and, thus, are not entitled to the proceeds thereof. Accordingly, respondents Insular and Grepalife have no legal obligation to turn over the insurance proceeds to the petitioners. The revocation of Eva as a beneficiary in one policy and her disqualification as such in another are of no moment considering that the designation of the illegitimate children as beneficiaries in Loreto’s insurance policies remains valid. Because no legal proscription exists in naming as beneficiaries the children of illicit relationships by the insured.”
Sa iyong sitwasyon, maaari kang mag-claim sa life insurance proceeds ng iyong namayapang ama dahil ayon sa ating batas, walang nagbabawal sa isang ama na gawing beneficiary ang kanyang illegitimate na anak sa kanyang insurance policy.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyong iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.





Comments