top of page
Willie Revillame - FB.jpg

‘Di mo ba naririnig… ‘Di mo ba napapansin…

Writer: BULGAR
BULGAR
6 hours ago
4 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | September 19, 2026



Fr. Robert Reyes


Kamamatay lang noong nakaraang Martes ni Annie Dillard (April 30, 1945–September 15, 2026). Ito ang pinakakilalang sinabi ni Dillard: “Kung paano natin palipasin ang bawat araw, siya ring  paglipas ng ating buhay.” (“How we spend our days is how we spend our lives.”)

                  

Lumilipas at mabilis na lumilipas ang buhay. Mula sa sandali tungo sa susunod na sandali, kakaunti sa atin ang pumapansin at lalong kaunti ang maingat na pumapansin sa mga nangyayari sa kapaligiran: sa lipunan, maging sa kalikasan. Kung kakayanin, hindi palalampasin ni Annie Dillard ang “dakila sa maliliit at ordinaryong bagay.” 


Napakadaming mahahalagang nangyayari na hindi natin napapansin dahil sa ating “kabisihan”. Hawak tayo ng mapang-alipin na iskedyul mula sa paggising hanggang sa pagtulog. Ano ba ang mas mahalaga, ang pagiging produktibo o ang kasalukuyan? Pasensiya na’t wala tayong makitang katumbas ng salitang “being present” na isinalin nating “pagsasalukuyan.” Ito ang problema ng pagiging produktibo. Hindi natin palalampasin ang anumang pagkakataong lumikha ng anumang pakikinabangan o pagkakakitaan. Dahil dito, palalampasin at hindi papansinin ang mga bagay o karanasan na tila walang pakinabang o hindi pagkakakitaan.

                  

Habang unti-unting naisusulat ang artikulong ito, napapansin natin ang mga dahong marahang sumasaliw sa bawat patak ng ulan na bumabagsak sa kanila. Dinig na dinig ang tunog ng ulan na bumabagsak sa yero. At bagama't ikalawa pa lamang ng hapon, kulimlim at pawang paggabi na. Iba ang ulan sa matinding araw. Pawang tumatahimik at lumulungkot ang paligid at likas na nahihimok ang sinumang bumagal at tumigil upang mag-isip, magnilay o manalangin. Salamat ulan. Salamat sa mga dahon, sanga, tangkay sa mga punong walang kibong saksi. Heto na naman ang ulan na kamakailan nagsiyam-siyam at binaha ang buong bayan at lalawigan. Maganda, masagana, kasiya-siya, ngunit huwag sanang sobra-sobra.

                  

Mula tainga tungo sa mata, dumaan sa isip, sa puso, nagtapos sa salitang nakikiusap na sana’y huwag namang sobra-sobra dahil mauulit lang ang katatapos lang na bahang namerhuwisyo at naminsala.

                  

Ano kaya ang panahon sa mga bayan ng dalawang paring kapatid na kapapanaw lang noong nakaraang Biyernes? Kumusta kaya ang pagtanggap ng mga kamag-anak, kababayan, ng Simbahan na sumalubong sa kanila noong inuwi sila noong nakaraang Miyerkules. Sina Padre Edward Cometa sa Guian, Samar at Padre Mike Ty sa Davao City? Kay laking panghihinayang at kalungkutan ang bumalot sa buong Diyosesis ng Cubao. Nagluksa ang lahat mula sa obispo hanggang sa kaparian at mga layko na nakasama ang dalawang batang pari. Dumalo ang lahat sa huling misa at parangal sa dalawang pari noong nakaraang Martes ng gabi. Namaalam ang lahat sa dalawang pari, lalo na ang mga kapatid, mga kuya at lolong pari nila. 

                  

Sa pagpanaw nina Eduard at Mike, sa gitna ng panghihinayang ng marami sa bata at murang pagkapari ng dalawa, may mas malalim na panghihinayang na dumagok sa ating puso. Madaling manghinayang at sabihin ito sa mga salitang marubdob kasabay pa ng pagluha sa harap ng mga labi ng sinumang namatay. Ngunit kailan ba ang higit na mahalaga at mabungang panghihinayang? Hindi ba kapag buhay pa ang taong mahalaga sa atin? Naisip kaya ng marami na sa kahaba-haba ng panahong nakatira si Fr. Mike sa “7th Floor ng Chancery ng Cuba,  na dalawin ang kapatid naming pari na naging paralisado mula baywang hanggang talampakan? At sa kabila nito, ilang taon ding naglingkod ito bilang “Vice-Chancellor” ng Diyosesis at tagapag-Misa tuwing umaga sa Immaculate Conception Cathedral ng Cubao? May panahon, maraming panahong dalawin, kumustahin, tawagan, padalahan ng teks ang aming kapatid na pari. Ngunit ilan kaya sa amin ang nag-aksaya ng panahon sa pagpapakita at pagpapadama ng aming pagiging kapatid? Ganoon din kay Eduard, bagama't hindi siya matagal na naospital, matagal-tagal din siyang naghirap sa kanyang asthma at malubhang sakit sa puso.

                  

Naging “busy” ang karamihan sa aming mga pari. Sa aming kabisihan, hindi namin napansin ang dapat naming napansin. Ganito ang paglipas ng aming mga araw. Maraming ginagawa. Nilalamon kami ng kabisihan at dahil dito, hindi na namin napapansin ang higit na mahalaga. Pinuna rin ni Annie Dillard sa kanyang mga isinulat ang sakit ng kasalukuyang panahon, na higit na pinagpapahalagahan ang pagiging produktibo kaysa sa “presensiya” o sa pagsasalukuyan. 

                  

Merong lumalaganap na kamanhiran sa lipunan at buong mundo. Panahon pa ni Victor Hugo nang isinulat niya ang Les Misérables. Isang awit sa nabanggit na obra ay ang “Do you hear the people sing? Singing the song of angry men,” na isinalin sa “‘Di n’yo ba naririnig ang tinig ng bayan na galit?” Madali-daling marinig ang tinig ng bayan na galit, subalit kapag naging manhid na ang marami, lalo na ang mga nasa itaas, maaaring ituro at palaganapin pa ang kamanhiran. Dumaan ang maraming sandali na sumisigaw ang marami, “Ikulong na ‘yang mga kurakot!!!” Tila tumatahimik na sa kabila ng pagkaaresto sa ilang malalaking isda. 

                  

Mukhang mas madaling pansinin, tingnan, damhin ang mga nangyayari sa kapaligiran. Ngunit labis na tinutulak tayo ng puwersa ng produksyon na maging “busy” at lumahok sa kumpetisyon ng produksyon. Tahimik, malungkot, nanghihinayang ang mga pari at obispo ng Cubao, hindi lang sa pagpanaw ng dalawang nakababatang kapatid. Tahimik, malungkot, nanghihinayang at sana’y dumadagok sa kanya-kanyang dibdib sa ibinungang kabingihan at kamanhiran ng buhay ng pagkakanya-kanya sa madamot na mundo ng produksyon? Padre Mike at Padre Eduard, paalam at pakiusap, lagi n’yo kaming paramdamang makinig, dumama, pumansin sa lahat at higit sa lahat sa isa’t isa bilang paring magkakapatid.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page