Proteksyon sa kabuhayan at kalusugan ng mga Pilipino sa panahon ng krisis
- BULGAR

- Mar 26
- 3 min read
ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | March 26, 2026

Nitong mga nakaraang linggo, hindi natin maikakaila ang bigat na dala ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo. Dahil sa tensyon sa Middle East, apektado ang pandaigdigang suplay ng langis at tayo sa Pilipinas ay direktang tinatamaan nito.
Bilang inyong lingkod na nakatuon sa aking health reforms crusade, alam ko na ang bawat pisong dagdag sa krudo ay may epekto sa kalusugan at nutrisyon ng pamilyang Pilipino dahil sa pagmahal ng mga bilihin.
Sa gitna ng krisis na ito, nananawagan ako ng mabilis at konkretong aksyon. Sabi ko nga noon pa, domino effect talaga ito. Kaya naman kaming mga mambabatas sa Senado ay handang tumulong. Kung kailangan nating i-suspend ang excise tax kapag umabot na sa $100 ang bawat bariles ng langis sa world market, dapat natin itong gawin upang maibsan ang hirap ng ating mga kababayan.
Ang aking layunin ay simple: dapat lang ibalik sa taumbayan ang pera nila ngayong panahon ng krisis. Pondo naman ng Pilipino ‘yan, kaya nararapat lang na ito ay mapakinabangan nila nang direkta. Hindi katanggap-tanggap ang mga ulat na maraming tsuper, halimbawa, ang hindi pa rin nabibigyan ng kanilang fuel subsidy dahil sa bagal ng proseso o dahil wala sila sa listahan.
Umaapela ako sa mga ahensya ng gobyerno, lalo na sa DOE, DA, at DOTr, na bilisan at ayusin ang inyong mga fuel discounts at subsidy programs. Unahin po ninyo ang mga mahihirap nating kababayan—iyung mga driver na “isang kahig, isang tuka” na siyang pinakaapektado sa bawat paggalaw ng presyo ng langis. Hindi puwedeng nakabinbin ang tulong habang patuloy na tumataas ang presyo ng petrolyo.
Bilang inyong senador, kasama ng mga kapwa ko mambabatas, patuloy kong isusulong ang mga hakbang na layuning magpapagaan sa pasanin ng pamilyang Pilipino. Ang bawat polisiya at tulong ay dapat magresulta sa mas maayos na buhay at kalusugan para sa lahat.
Patuloy akong magseserbisyo at tutulong nang may malasakit sa kapwa sa abot ng aking makakaya dahil ang kapakanan ng bawat Pilipino ang aking prayoridad.
Samantala, patuloy ang ating suporta sa mga kababayan nating Pilipino. Noong March 20, kasabay ng pagdiriwang natin ng Women’s Month at bilang Chairperson ng Senate Committee on Sports, dumalo tayo sa All-Women Sports Awards sa Philippine International Convention Center, Pasay City, kung saan binigyang-pugay natin ang dedikasyon at kahusayan ng mga atletang Pilipina na patuloy na nagbibigay ng inspirasyon sa ating mga kababayan.
Binisita rin natin ang 228 biktima ng sunog sa Agdao, Davao City. Kasabay ng Fire Prevention Month ngayong March, patuloy ang ating paalala na ang gamit, nabibili. Ang pera, kikitain. Subalit ‘yung pera na kikitain, hindi po nabibili ang buhay. A lost life is a lost life forever. Ang importante ay buhay tayo. Magtulungan lang po tayo.
Kahapon naman ay dumalo ako sa Vice Mayors' League of the Philippines CARAGA Regional Chapter Legislative Congress 2026 fellowship night, kung saan nakasama ko ang mga local officials mula sa CARAGA.
Samantala, nakiisa rin ang aking team sa Liga ng mga Barangay - Masbate Provincial Chapter Annual Congress 2026. Patuloy din ang ating pagtulong sa mga nangangailangan, tulad ng mga nasunugan sa Antipolo City; Bacoor City, Cavite; Cebu City; Orani, Bataan; Bacolod City; Pasay City; Puerto Princesa City, Palawan; at Loboc, Bohol.
Nabigyan din ng tulong ang mga TESDA scholars mula sa Makati City. Tumulong din tayo sa mga mahihirap na kababayan natin sa Calauan, Laguna.
Bilang Mr. Malasakit, pahahalagahan ko ang tiwalang ibinigay ninyo sa akin. Magseserbisyo ako sa ating mga kapwa Pilipino sa abot ng aking makakaya, dail bisyo ko ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.




Comments