top of page

Proteksyon para sa mga Pilipino sa Middle East

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 4 hours ago
  • 3 min read

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | March 5, 2026



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go


Habang patuloy ang kaguluhan sa Middle East, patuloy din ang mga pagsubok para sa mga kababayan natin doon. Bilang Vice Chairman ng Senate Committee on Migrant Workers, prayoridad ko at laging nasa isip ang kapakanan ng overseas Filipino workers (OFWs) nasaan mang sulok sila ng mundo, lalo na sa mga lugar na may mabigat na krisis.


Dahil dito, nananawagan ako sa mga kaukulang ahensya na bantayan ang sitwasyon. Kung kinakailangang ilikas at i-repatriate ang ating mga kababayan, dapat itong gawin agad. Hindi sapat ang pagiging handa lamang; ang mahalaga ay mabilis at malinaw ang aksyon sa oras ng pangangailangan.


Kasabay nito, kailangan ding nakalatag ang sapat na tulong at mga programa para sa reintegration ng mga uuwing OFWs upang makapagsimula silang muli sa Pilipinas.


Lubos akong nababahala sa tumitinding tensyon at kaguluhan. Higit sa lahat, ang prayoridad ay ang kaligtasan ng ating mga kababayan na nasa gitna ng panganib. Kaya paalala natin sa OFWs na manatiling mapagmatyag at palaging makipag-ugnayan sa ating mga embahada at konsulado para sa mga security measures at mahahalagang anunsyo — lalo na ngayong idineklara na ng Department of Foreign Affairs ang iba’t ibang Alert Level Status depende sa kung nasaan sa Middle East ang OFW.


Bukod sa seguridad, dapat ding bantayan ang epekto ng krisis sa ating ekonomiya. Posibleng maging "domino effect" ito mula sa pagtaas ng presyo ng langis, na maaaring magdulot ng pagtaas din ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Hindi natin dapat hayaang may mga mapagsamantala sa gitna ng sitwasyon na lalo pang magpapahirap sa ating mga kababayan, lalo na ang mahihirap.

Susuportahan ko kasama ng mga kapwa ko Senador ang anumang hakbang na magpapagaan sa pasanin ng taumbayan.


Bukas ang aking opisina para sa mga OFWs at sa kanilang mga pamilya na nangangailangan ng tulong o gabay. Handa akong makipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensya upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan.


Sa gitna ng kaguluhan, nananalangin tayo para sa agarang pagluwag ng tensyon. Sa panahong ito, lalo nating pairalin ang malasakit at panalangin para sa kapayapaan at kaligtasan ng lahat.


Samantala, patuloy ang pagtulong natin sa mga kababayan nating nangangailangan. Personal nating binisita at tinulungan ang mga pamilyang nasunugan sa Brgy. Addition Hills sa Mandaluyong City. Noong nakaraang linggo, nagpaabot naman ang ating team ng tulong sa iba’t ibang biktima ng sunog, kabilang ang mga nasa Valenzuela City; Mandaluyong City; Tondo, Manila City; Muntinlupa City; Tanza, Cavite; at Iloilo City.


Nagbigay rin ang ating team ng ayuda sa mga naapektuhan ng pagbaha sa Compostela, Montevista, Maco, Mawab, Nabunturan, at Monkayo sa Davao de Oro; gayundin sa Asuncion, New Corella, Tagum City, at Carmen sa Davao del Norte.


Bukod dito, tumanggap din ng tulong mula sa aming team ang mga iskolar ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) mula sa Pagadian City; sa Basey, Samar; at sa Teresa, Rizal sa kanilang graduation.


Bilang inyong Mr. Malasakit, patuloy akong maglilingkod at tutulong sa abot ng aking makakaya sa aking mga kapwa Pilipino dahil bisyo ko ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.


Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page