top of page

Proteksyon ng mamimili sa ilalim ng RA 10623

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 1 hour ago
  • 2 min read

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | May 3, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Nito lamang buwan ng Marso 2026, sunud-sunod ang naging pag-atake ng bansang Iran laban sa bansang Saudi Arabia, Kuwait at United Arab Emirates. Alam naman natin na ang karamihan sa ginagamit nating produkto ng petrolyo ay nanggagaling sa mga bansang ito. Kaya naman, hindi maiiwasan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa mga pagkakataong ito, bunsod na rin ng pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado. 


Bilang pagtugon sa ganitong uri ng krisis, ang ating Kongreso ay nagpatibay ng batas patungkol sa proteksyon ng mga mamimili sa panahon ng emergency. Ang batas na ito ay ang Republic Act (R.A.) No. 7581 o ang “Price Act,” na inamyendahan ng R.A. No. 10623. Layunin nitong protektahan ang mga mamimili sa pamamagitan ng pagpapatupad ng price control sa mga pangunahing pangangailangan at paglalatag ng mga hakbang laban sa hindi makatwirang pagtaas ng presyo sa panahon ng emergency.


Nakasaad sa nabanggit na batas ang mga sumusunod:

“Section 6. Automatic Price Control. –


x x x

“Unless sooner lifted by the President, price control of basic necessities under this section shall remain effective for the duration of the condition that brought it about, but not for more than sixty (60) days: Provided, that, in the case of basic necessities that are wholly imported and deregulated under existing laws such as, but not limited to, household LPG and kerosene, price control thereon shall remain effective for a period of not more than fifteen (15) days, taking into consideration the current inventory or supply levels thereof.”


Ayon sa nabanggit na batas, sa panahon ng emergency, magkakaroon ng awtomatikong pagkontrol sa mga presyo ng mga basic necessities o mga pangunahing pangangailangan. Kabilang dito, ngunit hindi limitado sa, ang mga sumusunod: palay, mais, root crops, at tinapay; sariwa, tuyo o de-latang isda at iba pang produktong dagat; sariwang baboy, karne ng baka at karne ng manok; sariwang itlog; maiinom na tubig sa mga bote at lalagyan; sariwa at naprosesong gatas; sariwang gulay at prutas; instant noodles na gawa sa lokal; kape; asukal; langis sa pagluluto; asin; sabon sa paglalaba at mga detergent; panggatong; uling; at household liquefied petroleum gas (LPG) at kerosene; kandila; at mga gamot.


Ang price control sa mga pangunahing bilihin o pangangailangan sa ilalim ng batas na ito, maliban kung maagang alisin ng Pangulo, ay mananatiling epektibo sa tagal ng kondisyong nagdulot ng emergency, ngunit hindi hihigit sa animnapung (60) araw. Gayunman, sa kaso ng mga pangunahing pangangailangan na ganap na inaangkat at deregulated sa ilalim ng mga umiiral na batas tulad ng, ngunit hindi limitado sa, LPG at kerosene, ang price control ay hindi hihigit sa labing-limang (15) araw, na may konsiderasyon sa kasalukuyang imbentaryo o antas ng supply nito. 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page