top of page

Proseso sa pagsasampa ng kaso, sinisimulan sa barangay

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 3 hours ago
  • 2 min read

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | April 25, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Nais ko sanang magsampa ng kasong “Slight Physical Injuries” laban sa kapitbahay ko dahil sa pananakit niya sa akin. May nagsabi po sa akin na maaari ko diumano agad itong isampa sa korte dahil ito ay magaan na opensa lamang. Totoo po ba na maaari ko nang laktawan ang barangay at dumiretso sa korte? — Yobam





Dear Yobam, 


Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa mga probisyon ng Republic Act (R.A.) No. 7160, o ang Local Government Code of 1991, na naglalaman ng Revised Katarungang Pambarangay Law.


Alinsunod sa nasabing batas, bilang pangkalahatang tuntunin, ang lahat ng alitan sa pagitan ng mga indibidwal na naninirahan sa parehong lungsod o munisipalidad ay kinakailangang sumailalim muna sa barangay conciliation bago ito maisampa sa korte o alinmang tanggapan ng pamahalaan. Nakasaad sa batas ang sumusunod:


 “All disputes are subject to Barangay conciliation pursuant to the Revised Katarungang Pambarangay Law and prior recourse thereto is a pre-condition before filing a complaint in court or any government offices, except in the following disputes:

(6) Offenses for which the law prescribes a maximum penalty of imprisonment exceeding one (1) year or a fine over five thousand pesos (P5,000.00);”


Ibig sabihin, hindi na kinakailangan ang barangay conciliation kung ang kaparusahan sa krimen ay may maximum na higit sa isang taong pagkakakulong o multang lampas sa P5,000.


Samakatuwid, mahalagang tukuyin kung ano ang kaparusahan sa kasong Slight Physical Injuries. Ayon sa Artikulo 266 ng Revised Penal Code of the Philippines, ang parusa rito ay arresto menor. Ang arresto menor ay may tagal na:


“Arresto menor. – The duration of the penalty of arresto menor shall be from one day to thirty days.” (Article 27, Revised Penal Code)


Dahil ang parusang ito ay mula lamang isang araw hanggang 30 araw na pagkakakulong, malinaw na hindi ito lumalampas sa isang taon. Ibig sabihin, ang kasong Slight Physical Injuries ay karaniwang sumasailalim muna sa barangay conciliation bago ito maisampa sa korte. Ang pagdulog muna sa barangay ay isang kondisyon na dapat matupad bago magsampa ng kaso, maliban na lamang kung saklaw ito ng mga eksepsiyon na itinakda ng batas.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page