top of page
BULGARY - LUCAS LORENZO, NA-BANNED DAW SA GOLF DAHIL SA SABLAY NA ASA-IG _juliabarretto.jp

Prinsipyo ng delectus personae sa partnership

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 10, 2021
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | December 10, 2021



Dear Chief Acosta,


Ako ay inimbitahan ng aking kaibigan upang maging co-partner niya sa kanyang maliit na restoran. Sinabi niyang isa siyang manager at partner kasama ng iba pa niyang co-partners sa negosyo. Dagdag pa niya, kung tutulungan ko diumano siya bilang associate ay ipapasok niya ako sa kanilang partnership bilang co-partner at hindi na diumano kailangan ang basbas ng kanyang co-partners sapagkat siya diumano ang tumatayong manager ng kanilang negosyo. May batas ba na sumasaklaw sa ganitong sitwasyon? – Cabby


Dear Cabby,


Ang batas na sumasaklaw sa inyong katanungan ay ang Article 1804 ng New Civil Code, kung saan nakasaad ang sumusunod:


“Article 1804. Every partner may associate another person with him in his share, but the associate shall not be admitted into the partnership without the consent of all the other partners, even if the partner having an associate should be a manager. (1696)”


Malinaw na nakasaad sa nasabing probisyon ng batas na ang bawat partner ay maaaring makipag-associate sa ibang tao tungkol sa kanyang hati sa partnership, subalit hindi matatanggap sa partnership ang nasabing associate nang walang pahintulot ng lahat ng iba pang partners, kahit na tumatayong manager ang partner na mayroong associate.


Ang prinsipyo ng delectus personae sa partnership relations ay tungkol sa alituntunin na likas sa bawat partnership na hindi maaaring maging miyembro ng partnership association ang sinuman nang walang pahintulot ng lahat ng partners. Ibig sabihin, kahit magkaroon ng associate ang partner tungkol sa kanyang hati sa partnership, hindi pa rin maaaring matanggap sa partnership ang nasabing associate kung walang pahintulot ang lahat ng ibang partners, kahit na kung ang may associate ay tumatayong manager ng partnership (Jurado, Civil Law Reviewer, 21st Ed., 2009, at 1050 citing Art. 1804, New Civil Code).


Sa inyong sitwasyon, dahil sa mga nasabing batas, ang pagiging associate ng inyong kaibigan na siyang tumatayong partner at manager sa kanilang negosyo ay hindi nangangahulugang maaari na kayong maging co-partner nang walang pahintulot ng lahat ng iba pang partners sa nasabing negosyo. Ito ay dahil hindi maaaring maging miyembro ng partnership association ang sinuman nang walang pahintulot ng lahat ng partners.


Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyon na ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page