top of page
FRANKLY - LEA, TODO-BILIB NA WINNER PA RIN ANG FORGOTTEN ISLAND KAHIT NAG-FLOP _IG _msleas

Pribadong usapan, bawal ipagkalat maliban kung hihingin ng korte

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 24, 2021
2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | January 24, 2021



Nakasaad sa ating Saligang Batas, partikular sa Artikulo III, Seksiyon 3, ang mga sumusunod:


“SEK. 3. (1) Hindi dapat labagin ang pagiging lihim ng komunikasyon at korespondensiya maliban sa legal na utos ng hukuman, o kapag hinihingi ang naiiba ng kaligtasan o kaayusan ng bayan ayon sa itinatakda ng batas.


(2) Hindi dapat tanggapin para sa anumang layunin sa alin mang hakbangin sa paglilitis ang anumang ebidensiyang nakuha nang labag dito o sa sinusundang seksiyon.”


Makikita natin mula sa nabanggit na probisyon ng Konstitusyon na pinahahalagahan ng estado ang karapatan ng bawat mamamayan na ang kanilang komunikasyon at korespondensiya ay mapanatiling pribado. Ang anumang gawaing magdudulot ng paglabag sa nasabing karapatan ay hindi pinahihintulutan. Hindi dapat labagin ng sinuman ang pagiging lihim ng komunikasyon at korespondensiya maliban na lamang kung mayroong basehan tulad ng legal na utos ang hukuman, o kung hinihingi ng pagkakataon kung saan kinakailangan ito para sa kaligtasan o kaayusan ng bayan ayon sa kung ano ang itinakda ng batas.


Malinaw na nakasaad na ang tanging dahilan para malabag ang karapatang ito ay kung ipinag-uutos ng hukuman at mayroon itong legal na basehan at kinakailangan ito para panatilihin ang kaligtasan at kaayusan ng estado. Maliban sa mga dahilang nakasaad na ito, lahat ng uri ng kadahilanan ay hindi sinasang-ayunan ng Saligang Batas.


Nasusulat na anumang ebidensiyang nakuha mula sa paglabag ng nabanggit na karapatan ay hindi maaaring gamitin para sa anumang layunin o hakbangin.


Kaugnay nito, ang sinuman na lumabag sa karapatang ito ay maaaring makasuhan sa hukuman ng paglabag sa Anti Wire-Tapping Law o Republic Act (R. A.) No. 4200, kung saan nakasaad na:


“Section 1. It shall be unlawful for any person, not being authorized by all the parties to any private communication or spoken word, to tap any wire or cable, or by using any other device or arrangement, to secretly overhear, intercept, or record such communication or spoken word by using a device commonly known as a dictaphone or dictagraph or detectaphone or walkie-talkie or tape recorder, or however otherwise described.”


Sang-ayon dito sa nabanggit na probisyon, labag sa batas, ang pagharang ng pribadong sulat o komunikasyon maging ng lihim na pag-rekord ng usapan nang walang pahintulot ang mga taong kasangkot dito.


Ayon sa Seksiyon 2 ng R.A. No. 4200, ang sinumang mapatunayang lumabag o tumulong para malabag ang probisyon ng nabanggit na batas ay maaaring maparusahan ng hindi mas mababa sa anim (6) na buwan at hindi hihigit sa anim (6) na taon na pagkabilanggo. Maliban sa pagkabilanggo kasama rin ang accessory penalty na perpetual absolute disqualification from public office kung ang napatunayang lumabag nito ay public official sa panahong ginawa ang nasabing paglabag. Kapag ang napatunayang lumabag ay banyaga, siya ay sasailalim sa deportation proceedings.


Maging ang sulat ng mag-asawa ay mananatiling pribado sa kung kanino nakapangalan ang sulat na ipinadala, hindi nangangahulugang ang pagiging mag-asawa nila ay magbibigay-kalayaan sa kanila para ito ay kanilang basahin. Maliban kung pinahintulutan ng nagmamay-ari ng sulat at sa kautusan ng husgado, walang sinuman ang maaaring bumasa ng sulat na hindi sadyang para sa kanya.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page