Presyo sa price tag lang ang dapat bayaran

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | September 17, 2026

Dear Chief Acosta,
Nag-sale po ang isang boutique sa mall at marami silang ibinenta na discounted items. Ako ay namili ng ilang damit, kasama ang isang bestida na ang presyong nakalagay sa price tag nito ay three hundred seventy-nine pesos (P379.00). Ngunit noong magbabayad na po ako sa cashier ay naging eight hundred ninety-nine pesos (P899.00) na po ang presyo ng bestida. Sinabi ko po sa cashier ang orihinal na presyo na nakalagay sa price tag, kaya dapat ito lang din ang babayaran ko. Sinabi ng cashier na diumano'y nagkamali lang sila ng lagay sa price tag. Para akong naloko at naramdaman ko ang labis na hiya dahil hindi naman kasya ang aking pera. Sa mga ganitong pagkakataon, ano po ba ang dapat bayaran ng mga mamimili? — Luna
Dear Luna,
Ang presyong nakalagay sa price tag ang dapat mong bayaran. Ayon sa Consumer Act of the Philippines (Republic Act No. 7394), ang mga tindahan ay inaatasan na maglagay ng price tag o presyo sa kanilang mga paninda at ang mga panindang ito ay hindi maaaring ibenta sa halagang mas mataas sa nakasulat sa price tag. Nakasaad sa batas na:
“Article 81. Price Tag Requirement – It shall be unlawful to offer any consumer product for retail sale to the public without an appropriate price tag, label or marking publicly displayed to indicate the price of each article and said products shall not be sold at a price higher than that stated therein and without discrimination to all buyers… Provided, further, that if consumer products for sale are too small or the nature of which makes it impractical to place a price tag thereon, a price list placed at the nearest point where the products are displayed indicating the retail price of the same may suffice.”
Malinaw na nakasaad sa batas na hindi puwedeng ibenta ang mga paninda sa halagang mas mataas sa nakalagay sa price tag nito. Kung kaya, dapat mo lamang bayaran kung magkano ang nakalagay sa price tag ng bestida na iyong nais bilhin. Hindi dahilan na nagkamali ang mga tauhan sa boutique sa paglalagay ng presyo para hindi nila sundin ang nakasaad sa batas.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyong iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.





Comments