top of page
Herlene Budol - IG.jpg

Dahil sa ‘di pagsipot ng mga saksi… Biktimang ilang ulit pinaputukan sa ulo, hustisya, bigong nakamit

Writer: BULGAR
BULGAR
2 hours ago
5 min read

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Daing Mula sa Hukay | November 2, 2026



  • Daing Mula sa Hukay ni Atty. Persida Acosta

ISSUE #417


Ang bawat biktima ng krimen, gayundin ang kanilang mga naulila ay walang ibang nais na makamit kundi ang karampatang hustisya. Ang anumang hindi makatarungang sinapit ng mga biktima ay nararapat na pagbayaran ng mga salarin sa pamamagitan ng naaangkop na kaparusahan.


Subalit, isa sa mga nakakalungkot na reyalidad sa ating lipunan ay may mga biktimang hanggang sa kabilang buhay ay nananaghoy pa rin para sa hustisya. Tulad na lamang ni alyas “Jukens,” ang biktimang pumanaw sa kasong aming ibabahagi sa araw na ito, na hango sa People of the Philippines vs. Edgar Linggi-an a.k.a. Edgar Linan and John Does (Criminal Case No. R-CDO-19-02133-CR, October 10, 2023). Samahan ninyo kami sa pagbabahagi ng kasong ito at alamin kung nagkaroon ng kalutasan ang pamamaslang sa isang inosenteng tao.


Ilang araw bago ang Pasko noong 2018, walang-awang pinagbabaril si Jukens. Hindi na siya nakapagdiwang pa ng Kapaskuhan kasama ang kanyang mga mahal sa buhay, sapagkat agad siyang binawian ng buhay sa naganap na malagim na insidente. 

Naganap ang pamamaril bandang alas-9:35 ng umaga noong ika-22 ng Disyembre 2018 sa isang barangay sa Cagayan de Oro City.


Sina Edgar at ilang John Does ang kinasuhan ng paglabag sa Artikulo 248 ng Revised Penal Code o krimeng Murder. 


Batay sa sakdal na inihain sa Regional Trial Court (RTC) ng Cagayan de Oro City, nagsabwatan at nagtulungan ang mga akusado, nang may pagtataksil at malinaw na paghahandang kitilin ang buhay ni Jukens, nang paulit-ulit nilang paputukan ng baril sa ulo ang walang kalaban-labang biktima. Ang malulubhang sugat na tinamo ni Jukens ang naging sanhi ng agaran niyang pagkamatay.


Naaresto si Edgar, habang nanatiling at large ang kanyang mga kapwa akusado. Siya ay binasahan ng sakdal noong ika-29 ng Setyembre 2022, kung saan “not guilty” ang kanyang naging pagsamo sa hukuman ng paglilitis.

Sa Pre-trial conference, kinilala ng parehong panig ng Tagausig at Depensa ang pagkakakilanlan ni Edgar bilang ang tao na inaresto, kinakasuhan at binasahan ng sakdal para sa pamamaslang kay Jukens. Kinilala rin ang katotohanan ng pagkamatay ni Jukens, gayundin ang oras at lugar ng pinangyarihan ng insidente.

Sa kabilang banda, pinabulaanan ng Depensa ang mga nilalaman ng Autopsy Report, ang pagsasagawa nito at maging ang mismong pagkakaroon ng naturang ulat.


Pinabulaanan din ang inilabas na PNP Incident Report Form: PNP Memorandum for the conduct of an autopsy, ang Photo Work Sheets 1, 2 at 3, ang tatlong larawan mula sa CCTV na kung saan ang isa sa mga ito ay nagpapakita ng pinangyarihan ng insidente, ang inialok na Sertipiko ng Kamatayan, at ang Sertipiko ng Kasal.


Itinakda ang pagdinig sa kaso laban kay Edgar noong ika-27 ng Oktubre 2022, subalit ito ay ikinansela sa kahilingan ng Tagausig at ini-reset sa ika-3 ng Nobyembre 2022.


Ang pagdinig na itinakda noong ika-3 ng Nobyembre 2022 ay muling ini-reset sa ika-19 ng Enero 2023 sa kahilingan pa rin ng Tagausig. Ang nasabing huling iskedyul ng paglilitis ay na-reset sa ika-16 ng Pebrero 2023 sapagkat dadalo ang namumunong hukom sa isang pagpupulong.


Sa naganap na pagdinig noong ika-16 ng Pebrero 2023, tumestigo ang pribadong nagrereklamo kaugnay sa sibil na aspeto ng kaso at siya ay na-cross examine rin ng Depensa. Matapos iyon, itinakda ang susunod na pagdinig sa ika-23 ng Marso 2023, subalit ang nasabing iskedyul ay ini-reset sa ika-20 ng Abril 2023.


Sa araw na nabanggit, tumestigo si Dr. Caballes ukol sa inilabas na Autopsy Report. Itinakda ang pagpapatuloy ng paglilitis ng kaso ni Edgar sa ika-25 ng Mayo 2023, kung kailan inaasahan na dadalo diumano bilang mga testigo ang dalawang mahahalagang saksi. Gayunman, sa itinakdang petsa ay hiniling muli ng Tagausig na ma-reset ang pagdinig sa ika-27 ng Hulyo 2023.


Nagbigay na ng babala ang hukuman ng paglilitis na ipag-uutos nito ang pansamantalang pagbabasura ng kaso kung mabigong muli ang Tagausig na iprisinta ang mga naturang saksi sa hiniling na panibagong iskedyul. Kaugnay nito, hiniling na rin ng Tagausig sa hukuman ng paglilitis ang pagpapalabas ng subpoena para sa naturang mga saksi.


Hindi sumipot ang mga naturang saksi ng Tagausig sa itinakdang pagdinig noong ika-27 ng Hulyo 2023. Bumalik din sa hukuman ng paglilitis ang ipinadalang subpoena para sa dalawang saksi sa kadahilanang hindi umano natagpuan ang mga nakapangalan sa nasabing subpoena.

Sa tulong at representasyon ng PAO-Cagayan de Oro City District Office, hiniling na ni Edgar ang pagbabasura sa kasong inihain laban sa kanya. 


Iginiit ng Depensa na ang mga naganap na pagkaantala sa pagdinig ng kaso ay paglabag na sa karapatan ni Edgar para sa isang mabilis na paglilitis.


Sa pagdedesisyon sa kasong ito, binigyang-diin ng hukuman ng paglilitis na ang karapatan ng bawat akusado sa mabilis na paglilitis o right to speedy trial, gayundin ang karapatan sa mabilis na paglutas ng mga kaso o right to speedy disposition of cases, ay isang konsepto na maaaring iangkop sa bawat sirkumstansya at hindi sapat na ibatay o sukatin lamang sa bilang ng araw ng pagkaantala ng pagdinig. Kaugnay nito, nagkakaroon ng paglabag sa mga nasabing karapatan ng akusado kung ang pagkaantala sa paglilitis ay mapagpahirap na sa akusado, kung ang paghingi at pagbibigay ng mga pagpapaliban ng pagdinig ay hindi makatwiran, o kaya naman ay pinahihintulutan na, nang walang makatuwirang motibo, ang paglipas ng mahabang panahon nang hindi nililitis ang kaso.


Pagpapaalala ng hukuman ng paglilitis, mayroong mga salik na maaaring isaalang-alang upang masabi kung mayroon nang nagiging paglabag sa karapatan ng akusado para sa isang mabilis na paglilitis at sa mabilis na paglutas ng mga kaso tulad ng mga sumusunod: (a) ang haba ng panahon ng pagkaantala, (b) ang dahilan ng pagkakaroon ng pagkaantala, (c) ang paggigiit o pagkabigong igiit ang karapatan ng akusado sa speedy trial at speedy disposition of cases, at (d) ang pinsala na dulot ng pagkaantala.


Binigyang-diin ng hukuman ng paglilitis na mayroong malinaw na paglabag sa karapatan ng akusado sa mabilis na paglutas ng mga kaso kung mayroong labis na pagkaantala sa pagdinig sa kanyang kaso. At ito ay masasabi na naganap sa kaso ni Edgar. Dahil sa kabiguan ng Tagausig na maiprisinta sa hukuman ang dalawang saksi na inaasahang magpapatunay sa partisipasyon ni Edgar sa krimen, minarapat ng hukuman ng paglilitis na ibasura ang kasong Murder na inihain laban kay Edgar. Ang Resolusyon na ito ng RTC Cagayan de Oro City, na nilagdaan noong ika-10 ng Oktubre 2023, ay hindi na inapela o kinuwestyon pa.


Sa kasamaang-palad, hindi nakamit ng namayapa na si Jukens, maging ng kanyang mga naulila, ang inaasam na hustisya dahil sa hindi makatuwirang pagkaantala sa kasong kriminal na isinampa, gayundin ang hindi pagsipot ng mga saksi na magsisilbi sanang susi sa krimen.

Tungkulin man ng aming Tanggapan na iprisinta ang mga kuwalipikadong akusado, tulad ni Edgar, ang Prosekusyon ang mayroong tungkulin na usigin ang mga akusado sa mga kasong kriminal, gayunman, hangad ng aming Tanggapan na makamit ng bawat biktima ang karampatang hustisya, na naaayon sa ating Saligang Batas at bawat legal na tuntunin at hurisprudensiya.


Nais na rin naming kunin ang pagkakataong ito upang ipaaalala, para na rin sa kaalaman ng bawat mambabasa ng pahayagan na ito, ang mahahalagang probisyon ng Artikulo III ng ating Saligang Batas ng 1987:


Section 14 (2) “In all criminal prosecutions, the accused shall be presumed innocent until the contrary is proved, and shall enjoy the right to be heard by himself and counsel, to be informed of the nature and cause of the accusation against him, to have a speedy, impartial, and public trial, to meet the witnesses face to face, and to have compulsory process to secure the attendance of witnesses and the production of evidence in his behalf. However, after arraignment, trial may proceed notwithstanding the absence of the accused: Provided, that he has been duly notified and his failure to appear is unjustifiable.”


Section 16 “All persons shall have the right to a speedy disposition of their cases before all judicial, quasi-judicial, or administrative bodies.” (Emphasis supplied)

Nawa ay nakapulutan ninyo ng aral ang kuwento na aming ibinahagi sa araw na ito. Mangyari na antabayanan ang mga susunod pa naming kuwento upang sama-sama tayo na natututo sa mga legal na aspeto.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page