top of page
BIDA - COSTUME NI BARBIE BILANG POISON IVY, ISINUOT NA NI SARAH NOON_FB Circulated.jpeg

Paghahanda laban sa climate change sa ilalim ng Republic Act No. 10174

Writer: BULGAR
BULGAR
2 hours ago
4 min read

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 1, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Napansin na natin ang mga epekto ng pagbabago ng klima o climate change sa ating pang-araw-araw na pamumuhay sa ating mga pamayanan. Kapansin-pansin na ngayon na kapag umuulan, madalas ay tuloy-tuloy ang buhos ng ulan na nagdudulot ng malawakang pagbaha at pagguho ng mga lupa. Ngayon, nakaamba naman ang panganib na maaaring idulot ng tagtuyot o El Niño. 


Sapagkat ang panganib ng climate change ay hindi maiiwasan, ang ating pamahalaan ay naghanda upang maibsan at labanan ang epekto ng nasabing pagbabago ng klima. Ipinasa bilang batas ang Republic Act (R.A.) No. 9729 o ang “Climate Change Act of 2009,” na inamyendahan ng R.A. No. 10174 na may pamagat na “An Act establishing the people’s survival fund to provide long-term finance streams to enable the government to effectively address the problem of Climate Change.”


Sa bahagi ng deklarasyon ng polisiya ng batas na ito, nakasaad ang mga sumusunod:


“Sec. 2. Declaration of Policy. – It is the policy of the State to afford full protection and the advancement of the right of the people to a healthful ecology in accord with the rhythm and harmony of nature. In this light, the State has adopted the Philippine Agenda 21 framework which espouses sustainable development, to fulfill human needs while maintaining the quality of the natural environment for current and future generations.


Towards this end, the State adopts the principle of protecting the climate system for the benefit of humankind, on the basis of climate justice or common but differentiated responsibilities and the Precautionary Principle to guide decision-making in climate risk management. As a party to the United Nations Framework Convention on Climate Change (UNFCCC), the State adopts the ultimate objective of the Convention which is the stabilization of greenhouse gas concentrations in the atmosphere at a level that would prevent dangerous anthropogenic interference with the climate system which should be achieved within a time frame sufficient to allow ecosystems to adapt naturally to climate change, to ensure that food production is not threatened and to enable economic development to proceed in a sustainable manner. As a party to the Hyogo Framework for Action, the State likewise adopts the strategic goals in order to build national and local resilience to climate change-related disasters.”


Maliwanag ang layunin ng batas na ito na bigyan ang Estado ng mga mekanismo upang makapaghanda sa mga panganib na maaaring idulot ng pagbabago ng klima. Kaya naman, kinakailangan ang pagtutulungan ng mga ahensya ng gobyerno na mayroong mandato sa ganitong usapin na magkaisa upang magkaroon ng ‘adaptive capacity’ ang ating pamayanan. Ang adaptive capacity ay tumutukoy sa kakayahan ng mga sistemang ekolohikal, panlipunan, o pang-ekonomiya na umangkop sa pagbabago ng klima—kabilang ang pabago-bagong kondisyon at matitinding pangyayari sa klima—upang pagaanin o bawasan ang mga posibleng pinsala nito, samantalahin ang mga oportunidad na kaakibat ng pagbabago ng klima, o kaya ay harapin ang mga bunga nito.


Sa ilalim ng batas ay nabuo ang Climate Change Commission (CCC). Ang komisyon ay isang independent at autonomous na ahensya ng pambansang pamahalaan na nasa ilalim ng Tanggapan ng Pangulo. Ang Komisyon ang magsisilbing pangunahing lupon ng pamahalaan sa pagbabalangkas ng mga patakaran, na may tungkuling mag-ugnay, sumubaybay, at magsuri sa mga programa at plano ng pagkilos ng pamahalaan upang matiyak ang pagsasama ng usapin ng pagbabago ng klima sa mga pambansa, sektoral, at lokal na plano at programa sa pag-unlad, alinsunod sa mga probisyon ng batas na ito. Ang Komisyon ay bubuuin ng Pangulo ng Republika ng Pilipinas, na magsisilbing Tagapangulo, at tatlong (3) Komisyoner na hihirangin ng Pangulo. Isa rin sa kanila ay hihirangin bilang Pangalawang Tagapangulo ng Komisyon. Mayroon ding magsisilbing advisory board na manggagaling sa mga ahensya ng pamahalaan, kabilang ang mga kalihim ng Department of Agriculture (DAR), Department of Budget and Management (DBM), Department of Natural Resources (DENR) at ng iba pang mga sangay ng pamahalaan. Kasama rin sa nabanggit na board ang mga kinatawan mula sa academe, business sector, at non-governmental organizations. 


Ang Komisyon ay bubuo ng isang National Strategic Framework on Climate Change. Ang nasabing framework ay magsisilbing batayan para sa pagpaplano, pananaliksik at pagpapaunlad, pagpapalawak, pagsubaybay sa mga aktibidad, at pagpopondo kaugnay sa pagbabago ng klima, upang protektahan ang mga mahihina at marginalized o nasa laylayan na komunidad mula sa masamang epekto ng pagbabago ng klima. 


Nabuo ang People’s Survival Fund (PSF) bilang isang espesyal na pondo sa National Treasury para sa pagpopondo ng mga programa at proyekto sa adaptasyon batay sa National Strategic Framework. Ang halagang Isang bilyong piso (P1,000,000,000.00) ay ilalaan sa ilalim ng General Appropriations Act (GAA) bilang panimulang balanse ng PSF. Pagkatapos nito, ang balanse ng PSF mula sa lahat ng pinagmulan, kabilang ang halagang inilaan sa GAA para sa kasalukuyang taon, ay hindi dapat bumaba sa Isang bilyong piso (P1,000,000,000.00): Sa kondisyon na ang balanse ng PSF ay maaaring dagdagan kung kinakailangan, batay sa pagsusuri at evaluation ng Office of the President at ng DBM sa mga nagawa ng Komisyon at iba pang kinauukulang lokal na gobyerno. Ang PSF ay hindi gagamitin upang pondohan ang mga personal na serbisyo at iba pang gastusing operasyonal ng Komisyon. Ang balanse ng PSF, kabilang ang halagang inilaan sa GAA na magiging bahagi ng pondo, ay hindi ibabalik sa pangkalahatang pondo (general fund).


 Ang Komisyon ay magsusumite sa Kongreso at sa DBM ng regular na ulat tuwing kalahating taon (semi-annual) na naglalaman ng pisikal/naratibo at pinansyal na datos hinggil sa paggamit ng PSF. Ang PSF ay maaaring dagdagan sa pamamagitan ng mga donasyon, endowment, grant, at kontribusyon, na hindi papatawan ng donor’s tax at ituturing na mga pinapayagang bawas (allowable deductions) mula sa kabuuang kita ng donor, alinsunod sa mga probisyon ng National Internal Revenue Code of 1997.


Ang strategic framework ay dapat buuin batay sa mga kahinaan sa pagbabago ng klima, mga partikular na pangangailangan sa adaptasyon, at potensyal na pagpapagaan, at alinsunod sa mga internasyonal na kasunduan. Ang framework ay sasailalim sa pagsusuri tuwing tatlong (3) taon, o kung kinakailangan.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page