top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Presyo ng gamot, panatilihing abot-kaya kahit may krisis

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Apr 9
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | April 9, 2026



Boses by Ryan Sison


Mabuti na kahit umiinit ang tensyon sa Gitnang Silangan, hindi agad nadadamay ang bulsa ng karaniwang Pinoy para sa presyo ng gamot. 


Sa panahong sunud-sunod ang pagtaas ng langis at pamasahe, tila may kaunting pahinga ang mamamayan sa isa sa pinakamahalagang pangangailangan at ito ang kalusugan.


Sa pahayag ng Private Hospitals Association of the Philippines (PHAPi), iginiit ng isa sa kawani ng ahensya na wala umanong inaasahang pagtaas sa presyo ng mga gamot hanggang Hunyo. 


Sa ngayon, wala pang ulat mula sa kanilang mga miyembrong ospital hinggil sa kakulangan o pagmahal ng suplay kahit patuloy ang pagtaas ng presyo ng langis dulot ng digmaan sa Middle East.


Ipinaliwanag DIN na hindi agad nararamdaman sa sektor ng medisina ang epekto ng global na krisis. 


Karaniwan umanong inaabot ng dalawa hanggang tatlong buwan bago ipatupad ng mga supplier ang anumang price adjustment. Ibig sabihin, may “delay effect” na nagsisilbing pansamantalang panangga sa biglaang pagtaas ng presyo.


Hindi rin tulad ng industriya ng langis na mabilis magtaas ng presyo kahit may lumang stock, mas maingat ang galaw ng pharmaceutical sector. 


Dahil sa kompetisyon, napipilitan ang mga kumpanya ng gamot na panatilihin o ibaba pa ang presyo upang hindi mawalan ng kliyente. Praktikal ito para sa mga ospital na palaging naghahanap ng mas murang suplay upang mapanatili ang kita at mapagaan ang gastos.


Dagdag pa rito, hindi basta-basta nakakapagpatupad ng taas-presyo ang mga pribadong ospital dahil karamihan sa presyo ng gamot ay may kontrol ng pamahalaan. Isa itong mahalagang mekanismo upang maprotektahan ang publiko laban sa biglaang pagsirit ng presyo, lalo na sa panahon ng krisis.


Gayunpaman, nananatiling nakaamba ang posibilidad ng pagtaas sa hinaharap. Dahil karamihan sa gamot na ginagamit sa bansa ay inaangkat mula sa India at China, hindi maiiwasan na maapektuhan ang supply chain kung magtuluy-tuloy ang tensyon sa ibang bansa. 


Kapag dumating ang panahong iyon, tiyak na mararamdaman din ito ng mga ospital at gayundin ng mga pasyente.


Bagama’t may pansamantalang ginhawa ngayon, hindi dapat maging kampante ang pamahalaan at sektor ng kalusugan. 


Ang kasalukuyang katatagan ng presyo ay bunga ng timing, regulasyon, at kompetisyon—mga salik na maaaring magbago anumang oras.


Mahalagang samantalahin ang panahong ito upang palakasin ang lokal na produksyon ng gamot at bawasan ang sobrang pagdepende sa imported na suplay. Kung hindi ito tututukan, mananatiling vulnerable ang bansa sa bawat galaw ng pandaigdigang merkado.


Ang tunay na laban ay ang magkaroon ng maayos na sistemang pangkalusugan sa bansa at hindi lamang kung gaano kamura ang gamot sa ngayon, at sana nawa’y mapanatiling abot-kaya para sa mamamayan lalo na sa gitna ng anumang krisis.



Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page