“Prejudicial question,” puwedeng maging angkop sa magkaugnay na kasong sibil at administratibo
- BULGAR

- Mar 5
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | March 5, 2026

Dear Chief Acosta,
Mayroon akong tatlong ektaryang lupang sinasaka. Nalaman ko na ang isang bahagi nito ay isinama sa isang kontrata ng leasehold na pinasok ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at isang pribadong kumpanya. Nais ko sanang maghain ng protesta sa DENR upang ipawalang-bisa ang nasabing kontrata ng leasehold. Nangangamba ako na baka magsampa sila ng petisyon para ipawalang-bisa ang aking titulo sa lupa, dahil ito diumano ay peke, at bawiin ito ng gobyerno, bilang ganti sa aking protesta. Magsisilbi bang hadlang ang ganoong mga kaso sa aking protesta para sa pagkansela ng kontrata ng leasehold? – Alpaul
Dear Alpaul,
Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa kasong Alsons Development And Investment Corporation vs. The Heirs of Romeo D. Confesor, G.R. No. 215671, September 19, 2018, sa panulat ni Honorable Associate Justice Noel G. Tijam. Ayon sa Korte Suprema sa kasong ito, sa pangkalahatan, ang prejudicial question ay umiiral lamang kung may nakabinbing kasong sibil at kasong kriminal at may isang isyu sa kasong sibil na kinakailangang maunang maresolba bago magpatuloy ang kasong kriminal, sapagkat ang resolusyon ng kasong sibil ay tiyak at tuwirang magtatakda ng pagkakasala o kawalang-sala ng akusado sa kasong kriminal. Ganoon pa man, hindi ito isang ganap at mahigpit na tuntunin. Ang mahalagang pinagbabatayang dahilan ng konsepto ng prejudicial question ay ang pag-iwas sa pagkakaroon ng dalawang magkasalungat na desisyon.
Dagdag pa nga ng Kataas-taasang Hukuman sa nasabing kaso:
“Undeniably, whether or not IFPMA No. 21 (leasehold agreement) should be cancelled at the instance of the respondents is solely dependent upon the determination of whether or not respondents, in the first place, have the right over the subject property.
Thus, applying the wisdom laid by this Court in the case of Quiambao, indeed, the cancellation of the IFPMA No. 21 is the logical consequence of the determination of respondents' right over the subject property.”
Kaugnay sa naging desisyon ng Korte Suprema sa kasong nabanggit, isinaad nito na, dahil ang magiging resulta ng kasong sibil ang magtatakda sa isyung sangkot sa nasabing kasong, alinsunod sa dikta ng lohika, at umiiral na jurisprudence, ang nararapat na hakbang ay hintayin muna ang resolusyon ng nasabing kasong sibil. Tunay na sa puntong ito, ang pagpasok sa usapin kung wasto ba ang pagkansela ng kontrata ng leasehold ay wala pa sa tamang panahon (premature).
Batay sa mga nabanggit sa itaas, kaugnay sa iyong kaso, ang kasong sibil para sa pagpapawalang-bisa ng iyong titulo at pagbawi ng gobyerno sa iyong lupa ay maituturing na isang prejudicial question na magsisilbing hadlang o balakid (bar) sa aksyon para sa pagkansela ng kontrata ng leasehold na pinasok ng DENR at ng pribadong kumpanya. Marapat na malaman muna ang interes ng mga partido base sa nasabing mga sibil na kaso bago magkaroon ng pagdinig hinggil sa kaso sa pagkansela ng leasehold agreement.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.




Comments