Pre-nuptial agreement, kailan dapat ginagawa?
- BULGAR

- Jun 10, 2024
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | June 10, 2024

Dear Chief Acosta,
Kinasal na kami ng asawa ko noong nakaraang buwan. Nakalimutan naming gumawa ng pre-nuptial agreement dahil sa rami ng inasikaso namin. Maaari pa ba kaming gumawa ng pre-nuptial agreement kahit naikasal na kami? -- Mikka
Dear Mikka,
Para sa iyong kaalaman, ang sagot sa iyong katanungan ay napapaloob sa Article 77 ng Family Code, kung saan nakasaad ang mga sumusunod:
“Art. 77. The marriage settlements and any modification thereof shall be in writing, signed by the parties and executed before the celebration of the marriage. They shall not prejudice third persons unless they are registered in the local civil registry where the marriage contract is recorded as well as in the proper registries of properties.”
Ang pre-nuptial agreement o marriage settlement ay isang boluntaryong kasunduan sa pagitan ng dalawang taong magiging mag-asawa, kung saan tatalakayin ang property relation o property regime na kanilang susundin pagkatapos nilang ikasal. Samakatuwid, ito ay kasunduan ng mga ikakasal kung anong mga ari-arian ang ihihiwalay o isasama sa kanilang magiging common properties bilang mag-asawa.
Kaugnay nito, kung ang kasal ay naganap habang ang Family Code of the Philippines ay umiiral na noong August 3, 1988, at walang pre-nuptial agreement o marriage settlement na napagkasunduan ang mag-asawa bago sila ikasal, ang regime of absolute community of property ang sasaklaw sa kanilang property relations. Ito ay nangangahulugan na ituturing na pagmamay-ari ng mag-asawa ang lahat ng mga ari-ariang mayroon sila bago sila ikinasal, kasama na rin ang mga ari-ariang makukuha nila habang sila ay kasal na. (Article 91 ng Family Code) Subalit, sinasabi ng Article 92 ng parehong batas na hindi kasama rito ang mga mana at personal na gamit ng mag-asawa, maliban sa mga alahas na itinuturing na kabilang sa common properties nila.
Upang sagutin ang iyong katanungan, ayon sa Article 77 ng Family Code, ang marriage settlement ay dapat na gawin bago magpakasal. Dahil wala kayong marriage settlement o pre-nuptial agreement bago kayo ikinasal ay hindi ninyo na ito puwedeng gawin ngayong kasal na kayo. Dahil dito, ang inyong magiging default property regime ay absolute community of property.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.




Comments