top of page
RUN WILD - “I AM A GOOD PERSON. NO ONE CAN TAKE THAT AWAY” - ALDEN_IG _aldenrichards02.jpe

Gobyerno, protektahan ang mga bata, sugpuin ang online grooming

Writer: BULGAR
BULGAR
14 minutes ago
2 min read

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | October 27, 2026



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Nitong nakaraang linggo, nahuli ng mga otoridad ang isang 16-taong gulang na lalaking sangkot diumano sa online grooming at hinihikayat ang iba pang mga kabataan na gumawa ng karahasan. Kasalukuyang nasa kustodiya ng mga social worker ang menor-de-edad.


Ayon sa National Bureau of Investigation (NBI), bahagi ang naturang binatilyo sa isang online group kung saan tinalakay ang mga paksang tulad ng mga armas, pamamaril, at iba pang mga gawain ng karahasan. Nakabase ang binatilyo sa Cebu at ayon sa mga otoridad, administrator ang naturang menor-de-edad ng isang online group. 


Sinimulan ng NBI Special Action Unit sa rehiyon ang imbestigasyon matapos makatanggap ng impormasyon mula sa mga otoridad sa ibang bansa. Bahagi ng natanggap na impormasyon ang isang insidente ng mass shooting na binabalak gawin sa isang paaralan. Nakatanggap din ang mga otoridad ng impormasyon na isang livestream ng karahasan ang binabalak at nakatakdang gawin sa Disyembre o sa Pebrero. 


Nakakabahala ang balitang ito dahil sinasalamin nito ang mga ulat na una nating natanggap noong nagsagawa ng mga pagdinig ang Senado tungkol sa mga karahasang kinasasangkutan ng mga kabataan, pati na rin ang papel ng mga social media at gaming platforms sa mga insidenteng ito. Una nang pinuna ng mga otoridad ang nihilistic violent extremism (NVE), kung saan ginagamit ng mga masasamang loob ang social media at iba pang mga platforms upang i-target ang mga kabataan at hikayatin silang gumawa ng karahasan.


Matatandaang noong unang bahagi ng taong ito, napigilan ng mga otoridad ang isang binabalak na pag-atake ng isang grupo ng mga mag-aaral sa isang paaralan sa Lungsod ng Calamba. Ayon sa mga ulat, naimpluwensyahan ang mga mag-aaral na ito sa mga online gaming platforms kagaya ng Roblox. Nakitaan din ng posibleng kaugnayan ang NVE sa naging insidente ng pamamaril sa Lungsod ng Tacloban noong Hunyo.


Kaya naman isinusulong ng inyong lingkod ang pagkakaroon ng batas na tutugon sa bantang dulot ng NVE. Patuloy din nating isinusulong ang pagsasabatas sa panukalang Safe Media Access and Responsible Technology for Kids in Digital Spaces (SMART KIDS) Act (Senate Bill No. 2424) upang tuluyang ipagbawal ang mga batang wala pang 18 taong gulang sa paggamit ng social media at iba pang high-risk digital services.


Patuloy nating isusulong ang mga programa at polisiya upang sugpuin ang mga pinsala at panganib na hinaharap ng mga kabataan dahil sa social media at iba pang online platforms. Mananatiling prayoridad ang kaligtasan at kapakanan ng ating mga kabataan.



May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page