top of page
BINI Gwen.jpg

Ibang-iba raw sa ibang bansa… BINI GWEN, TODO-HINAING SA SOBRANG HABA NG PILA SA MRT AT LRT

Writer: BULGAR
BULGAR
15 hours ago
3 min read

ni Vinia VIvar @Frankly | October 28, 2026



BINI Gwen

Photo: IG BINI Gwen



Hindi na nakapagpigil pa ang BINI member na si Gwen Apuli at naglabas ng kanyang saloobin tungkol sa kalagayan ng Pilipinas, partikular sa political system at mga problemang kinakaharap ng ordinaryong mamamayan pagdating sa public transportation.


Sa isang livestream sa BINI Weverse, diretsong ibinahagi ng singer ang kanyang frustration sa mabagal na pag-abot ng mga Pilipino sa mas maayos at komportableng pamumuhay, sa kabila ng matagal na nilang paghahangad ng pagbabago.


Ayon kay Gwen, nakakalungkot isipin na ang ilang serbisyong itinuturing na normal at accessible sa ibang bansa ay nananatiling mahirap makamit dito sa Pilipinas.


“Hay, I love the Philippines but matagal na nating deserve ‘yung ‘better,’ ganu’n,” ani Gwen.

“At parang hays, kailan ba ‘yan? Kailan ba natin maa-achieve ‘yan? Na parang normal lang s’ya sa ibang bansa, pero sa atin, parang ang taas-taas n’ya, ang hirap n’yang mangyari,” dagdag pa niya.


Bukod sa kanyang hinaing tungkol sa kalagayan ng bansa, binigyang-diin din ni Gwen ang kahalagahan ng pagiging mapanuri sa pagpili ng mga lider.


“Nai-stress ako sa ‘Pinas, sa sistema natin… Kaya bumoto nang tama. Bumoto nang tama,” sey niya.


Isa sa mga isyung binigyang-pansin ni Gwen ang public transportation sa Metro Manila, partikular ang mahahabang pila sa MRT (Metro Rail Transit) at LRT (Light Rail Transit) stations tuwing rush hour.


“Pati public transpo, guys, naiisip n’yo ba ‘yun? Ang haba ng pila sa MRT and LRT. Samantalang sa ibang bansa, may bansa nga akong nakita, libre Wi-Fi sa paligid, libre ang transpo. Tapos dito, Diyos ko po, male-late ka na lang talaga,” saad niya.


“‘Pag bumagyo, wala, ‘di ka makakapagtrabaho. Grabe, ‘pag nakikita ko ‘yung rush hour, tapos ang haba ng pila, ‘di ba?” dagdag pa niya.


“Imbes na nakakapagpahinga ka na, overworked ka na nga, tapos pipila ka pa nang napakahaba sa MRT,” hinaing pa ni Gwen.





ISANG taon pa lamang ang P-Pop girl group na Kittrix pero unti-unti na nilang pinatutunayan na may puwang sila sa Philippine music industry.


Patunay rito ang mainit na pagtanggap sa kanila ng mga fans at music enthusiasts sa katatapos na 11th Philippine Popular Music Awards (PPMA), na ginanap sa Araneta Coliseum.


Hindi lamang nila ipinagdiwang ang kanilang first anniversary sa naturang event, kundi nakamit din nila ang titulong Female Star of the Night kaya naman sobrang saya ng grupo na binubuo nina Leia, Joy, Aya, Sam, Jill, at John. 


Ang Kittrix ay binuo ni Ms. Maria Lourdes Meñez, may-ari ng Red Tiger Multimedia noong Oktubre last year.


“Sobrang grateful po kami sa management namin dahil talagang ginagawa nila ang lahat at talagang gusto nilang sumikat kami,” sey ng lider na si Jill.


“Naghahanap s’ya ng maraming projects for us and sobrang confident n’ya sa ‘min na lagi n’yang sinasabi sa amin na kaya namin. At dahil du’n, isang taon pa lang kami pero grabe ang milestone na nangyari sa ‘min,” dagdag pa niya.


Sa kabila ng pagiging baguhan sa P-Pop scene, mayroon nang mga achievements na maipagmamalaki ang Kittrix. Kabilang na rito ang mga parangal na Emerging P-pop Girl Group, Rising P-pop Girl Group, at MosLiv Emerging Girl Group of the Year sa 10th Nation Builders and MosLiv Awards noong April 22.


Nakapag-release na rin sila ng ilang awitin tulad ng Ngiting Tagumpay na kanilang debut single, Seen Mode Pero Kinikilig (SMPK), Rampadora, at Feel na Feel. Ang mga kanta nila ay komposisyon ng kanilang manager na si Aqua Rider.


Bukod dito, nominado rin ang grupo sa 11th PPOP Music Awards sa mga kategoryang Leader of the Year, Emerging Girl Group of the Year, at Fandom of the Year.


Sa aming panayam sa mga girls, nabanggit nilang pangarap nilang maka-collaborate o makatrabaho ang mga P-Pop Superstars na SB19 at BINI.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page