top of page

Pramis ni PBBM... Walang guro na magre-retire na Teacher 1

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 1 hour ago
  • 1 min read

ni Mylene Alfonso @News | April 28, 2026



Bongbong Marcis PBBM at DepEd sa mga guro or teacher 1

Photo: Bongbong Marcos / FB



Muling tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang kanyang pangako na sisiguraduhin ng administrasyon na walang gurong magreretiro sa entry-level rank o Teacher 1.


Ito ay makaraang pangunahan ni PBBM ang mass oath-taking ng mahigit 8,000 bagong na-promote na mga guro at school heads mula sa Western Visayas, na itinuturing na pinakamalaking pagtitipon sa ilalim ng Expanded Career Progression (ECP) System ng kasalukuyang administrasyon.


Idinaos ang makasaysayang aktibidad sa Villareal Stadium sa Roxas City, Capiz, kasunod ng mga naunang mass oath-taking ng humigit-kumulang 3,300 guro at school heads sa Cebu, 2,600 sa Davao, at 2,100 sa Eastern Visayas.


“Kailangan natin ipatupad ang mga napakahalagang pangako na ating binigay sa inyo. Kaya't sinabi ko, hindi na tayo papayag na mayroong guro na magre-retire na Teacher I. Dahil hindi naman talaga tama 'yun,” wika ni Marcos sa kanyang talumpati.


“Mayroon pa kaming nakabinbin na promotions na kasalukuyan nating isinasakatuparan upang matiyak na walang guro na maiiwanan,” ayon sa Pangulo.


Mula Agosto 2025 hanggang sa kasalukuyan, umabot na sa 79,230 guro at school heads sa buong bansa ang nakinabang sa promosyon sa ilalim ng ECP System. Sa naturang bilang, mahigit 8,500 ay mula sa Western Visayas, kabilang ang 124 na mga gurong malapit nang magretiro.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page