Lisensiya, suspendido, nag-chopper pa-LTO… LACANILAO KAY GEO ONG: MAGING GOOD EXAMPLE, ‘DI ‘YUNG MAGYAYABANG KA PA

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | November 24, 2026

Photo: FB Geo Ong
Hindi nagustuhan ng hepe ng Land Transportation Office (LTO) na si Markus Lacanilao ang pagpunta ng kilalang rapper/vlogger na si Geo Ong sa opisina niya sakay ng helicopter.
Galing sa Ilocos Sur kahapon ng umaga (November 23) si Ong papuntang LTO at ipinost niya ito sa kanyang Facebook (FB) account habang naka-chopper.
Si Geo Ong ay inisyuhan ng Show Cause Order (SCO) para sa traffic violations niya dahil habang naka-motor ay walang helmet at nag-selfie pa.
Say ni Chief Lacanilao, “Big time pala. So dapat maging halimbawa lalo na kung nakakaluwag-luwag ka sa buhay at sikat ka, dapat maging halimbawa ka, lalung-lalo na sa mga kabataan. ‘Di ‘yung magyayabang ka, magcha-chopper ka pumunta sa opisina ng gobyerno, ‘di po katanggap-tanggap ‘yan.”
Ito ang pahayag ng LTO chief sa members of the media na naghihintay kay Geo Ong sa opisina.
Samantala, ipinost naman ni Ong sa FB account niya ang mga videos at litrato niya habang sakay ng chopper na may caption na: “Papunta na, Chief! Airborne to Diliman. Bawal pa mag-drive sa Land.”
At ang pahayag nito sa media, “As I say, do as I say, not as I do because I’m human too.
“Tao rin kami, minsan nagkakamali, so ‘di lahat ng ginagawa namin, dapat ninyong tularan.
“Minsan, kung ano ‘yung sinabi namin, natutunan na namin ‘yung isang bagay kaya namin nasasabi sa inyo kung bakit ito ‘yung dapat ninyong gawin.
“So, ‘yung nagawa naming kamalian, natutunan na namin at ‘yung tamang gawain, ‘yun ang isinasalin namin sa inyo, ‘di ‘yung kamalian.
“Kasi ‘di kami matututo kung ‘di kami nagkamali. Kami po ay isang pamilya na gumagawa ng memories at ina-upload namin sa YouTube in case po na mabura lahat ng files namin sa hard drive, mapapalitan po namin sa online. You can call us whatever you want, but it’s just an adventure.”
At dahil sikat si Geo Ong, maraming fans nito ang nagpunta sa opisina ng LTO at sadyang inabangan siya.
“Gusto ko lang sabihin na kaya ko kayo pinapunta dito, ‘di man tayo marami ngayon, kaunti lang tayo ngayon, pero gusto ko lang iparating, may videos naman.
“Alam ko na makakarating ‘to sa kahit saang sulok ng Pilipinas.
“Do as I say, not as I do. Kung ano ‘yung ginawa kong kamalian na ‘di ako nag-helmet, sana, ‘wag ninyong tularan.
“At sana, lahat ng mga ‘kamag-anak’ (fans) namin, mas proteksiyunan ninyo ang sarili n’yo dahil unang-una, ‘yung Land Transportation Office ay ‘di nila hangarin na mapahamak tayo kaya gusto nila naka-helmet tayo,” paliwanag pa nito.
Kinlaro ni Geo Ong na hindi siya vlogger o content creator kundi gumagawa lang ng memories kaya naglilibot siya sa iba’t ibang lugar ng bansa.





Comments