Pramis ni PBBM na ultimo buhok ni Sen. Bato ‘di mahahawakan ng ICC ‘pang-uunggoy’ lang
- BULGAR

- Mar 15, 2025
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Mar. 15, 2025

WALANG BUHOK SI SEN. DELA ROSA KAYA DAPAT NOON PA ALAM NIYA NA ‘INUUNGGOY’ LANG SIYA NI PBBM SA HIRIT NA ULTIMO BUHOK NIYA ‘DI MAHAHAWAKAN NG ICC -- Binalikan ni Sen. Ronald dela Rosa ang promise sa kanya ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) na siya at si ex-P-Duterte raw ay poprotektahan ng Marcos admin, na ayon sa senador ay tandang-tanda pa niya ang sinabi sa kanya ni PBBM na ultimo raw buhok niya ay hindi mahahawakan ng mga taga-International Criminal Court (ICC).
Dapat noon pa lang ay nahalata na ni Sen. Bato na hindi tutupad si PBBM sa pangako sa kanya na poprotektahan siya, kasi nga ang sinabi ng Presidente na ultimo buhok niya hindi mahahawakan ng ICC ay malinaw na ‘pang-uunggoy’ na sa kanya dahil alam naman ng senador na wala siyang buhok, boom!
XXX
SEN. CAYETANO, SABIT DIN PALA SA KASO SA ICC -- Ang pagpuna ni Sen. Alan Cayetano sa pagpayag ng Marcos administration na dakpin ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) si ex-P-Duterte at saka itinurn-over sa Interpol na siyang nagdala at nagkulong sa dating presidente sa ICC detention cell sa The Netherlands ay hindi maituturing na pagpapakita ng malasakit ng senador sa ex-president.
Kaya pala nagpahayag ng pagtutol si Cayetano sa ginawang pag-aresto kay ex-P-Duterte sa pamamagitan ng warrant of arrest ng dayuhang korte na ICC ay dahil ayaw niyang matulad siya sa nangyari sa dating presidente sa kadahilanang bukod kay Sen. Ronald Dela Rosa, pati pala siya (Cayetano) ay posibleng next na hulihin ng mga otoridad para i-turnover sa ICC dahil kasama pala siya sa isinangkot nina former Senators Leila de Lima at Antonio Trillanes na bloody drug war ng nakaraang Duterte administration.
Isinangkot nina De Lima at Trillanes si Cayetano dahil Foreign Affairs secretary pa siya ay ipinagtatanggol daw nito sa mundo ang bloody drug war ng nakaraang Duterte admin, period!
XXX
HINDI PALA NAAAWA KAY EX-P-DUTERTE, KAYA MAY NAG-IYAKANG MGA POLICEWOMAN DAHIL ANG TOTOO NASAKTAN SILA, PINAGPAPALO SILA NG CP NI HONEYLET AVANCEÑA -- May lumabas na video na may ilang policewoman na kabilang sa team na huhuli kay ex-P-Duterte ang mga nag-iiyakan.
Noong una, inakala ng netizens na naaawa ang mga policewoman sa pag-aresto kay ex-P-Duterte, ‘yun pala iba ang dahilan ng kanilang pag-iyak. Kaya sila nagsisipag-iyakan ay dahil nasaktan sila sa ginawang pamamalo sa kanila ng cellphone ng common-law wife ni ex-P-Duterte na si Honeylet Avanceña, ‘yung isa (policewoman) pa nga, grabe ang tinamong sugat sa ulo, nagkabukol pa, boom!
XXX
HINDI NANINIWALA ANG MGA DDS SA STATEMENT NG MALACAÑANG NA HINDI PABABAYAAN SI EX-P-DUTERTE -- Pinutakti ng batikos ng mga Duterte Diehard Supporters (DDS) si Presidential Communication Office (PCO) Usec. Claire Castro sa statement nito na hindi raw pababayaan ng Marcos admin si ex-P-Duterte na sa ngayon ay nakakulong na sa ICC jail.
Aba’y mababatikos talaga ang Malacañang kasi kung totoong hindi pababayaan, dapat daw ayon sa mga DDS ay hindi pinayagan ng Marcos admin na dakpin si ex-P-Duterte at hindi pinayagan na ibiyahe palabas ng ‘Pinas para ikulong sa foreign country, period!




Comments