Pramis, 'di raw tatakbo sa 2022… ALFRED, BALIK-SHOWBIZ
ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters | August 20, 2021

Walang planong iwan ni Alfred Vargas ang showbiz, ito ang sagot niya sa amin noong huling makausap namin siya sa mediacon ng pelikula niyang Tagpuan noong Marso 9, 2020 bago ipinatupad ang malawakang COVID-19 lockdown.
Nabanggit kasi namin na huling termino na ni Congressman Alfred sa 2022 kaya inalam namin kung may plano siyang tumakbo sa mas mataas na posisyon.
“Wala pa ‘yun sa radar ko sa ngayon, pero I’m doing my best to prove myself further para sa latest projects.
“Tuluy-tuloy (showbiz) kasi, at the end of the day, I want acting and producing will be my retirement job. 'Pag senior citizen na ako, gusto ko nag-a-acting pa rin ako,” ang sagot sa amin noon ng kongresista.
Kaya naman nang ialok sa kanya ang mainit na pinag-uusapang teleseryeng Legal Wives ay gustung-gusto niya dahil ganito ang mga tipong kuwento ni Alfred, kaya panay ang pasalamat niya at napasama siya sa programa kahit sandali lang ang karakter niya.
Say ng aktor-pulitiko, “Unang-una, I’m very proud to be part of such a beautiful and important project. Natuwa ako na I get to act again kaya I really worked hard on my role as Nasser Makadatu. Every role naman is a unique experience. Preparing for a role is always challenging and acting is always a fun experience. GMA Network has always given me meaningful roles. Gustung-gusto ko 'yung mga roles that inspire while challenging my craft. I think that’s what I love about being an actor.
“Nagulat ako. Akala ko, hindi mapapansin na nagbalik-TV ako, pero nagustuhan nila at marami nga ang nanghinayang kasi namatay agad ang character ko. It was a guest role. Short and meaty and sweet. At this point in my career, it’s really fulfilling na they still appreciate the effort I put into my craft.”
Sumakto ba na hindi siya nagtagal sa Legal Wives dahil kailangan muna niyang pagtuunan ng pansin ang natitira niyang buwan sa Kongreso para tugunan ang mga pangangailangan ng mga taga-5th District ng Quezon City?
“When I chose to serve, I already embraced serving as part of my life. Kaya I can’t really accept roles that require prolonged stay sa locked-in taping. Siyempre, hindi puwedeng maapektuhan ang paglilingkod ko sa tao.
“Public service is my utmost priority. Pero 'pag maayos ang latag ng schedules, 'pag maganda at substantial ang role, walang conflict. Acting and public service are already engraved in my heart. Hindi na siya trabaho para sa akin. I am blessed to have the opportunity to be in both fields,” pahayag ni Cong. Alfred.
At 'pag natapos na ang termino niya ay ipagpapatuloy niya ang pagpo-produce ng mga pelikulang kakaiba ang istorya.
“Gusto ko laging may meaning 'yung ginagawa ko. At kahit anong puwedeng gawin na makapagbibigay ng hope para sa iba, go ako d'yan.
"Being a producer helps me create works than can inspire and impact people in a positive way. I always try to effect positive change in everything I do. Oftentimes, the films we treasure sa memory natin ay 'yung nag-touch sa atin emotionally, 'yung pinag-isip tayo, 'yung ang resonance ay hanggang soul natin? That’s what I want to achieve.”
Dagdag pa, “Unang-una, malinaw sa akin na Pilipino ako. When I do something—even in acting or producing—first and foremost is I’m a Filipino who wants to tell a story. Tagpuan and Kaputol are the last two films I produced and both received awards and recognition in international film festivals. I’m very proud as a producer dahil nakakapag-ambag tayo sa pag-angat ng sining at kultura natin even in our own small ways. Sana, mabigyan pa ako ng maraming chance na maging parte ng marami pang makabuluhang pelikula.”
Samantala, napansing magaganda at guwapo ang mga anak ni Cong. Alfred kaya natanong kung okay na pasukin din nila ang showbiz pagdating ng araw.
“Oo naman, napakalaking parte ng buhay ko ang pagiging artista, ‘yan ang bumuhay sa pamilya ko. Pero I always tell them na never ko silang pipilitin kung anuman ang gusto nilang landas na tahakin. Malaki ang maitutulong ko if they become interested in this industry at lagi ko silang susuportahan and I’ll be the proudest father.
“Actually, I see potential sa tatlo when it comes to the arts. Si Ching, ‘yung panganay ko, has the eye sa photography, si Aryana naman loves performing at ‘yung bunso ko, si Cristiano, laging ginagaya ang mga pinanood namin sa Netflix. One time nga, ginaya niya si Joey sa Friends, tawang-tawa kami. Mahalaga ang love and passion for the arts kahit hindi nila gawing profession. Art feeds your soul,” sagot ng aktor.
At kung kailan naman pandemya ay maraming baguhang artistang napapanood ngayon sa mga indie films at mini-series na ipinapalabas sa iba’t ibang online platforms, tulad na lang ng GameBoys na bagama't matagal nang artista sina Elijah Canlas at Kokoy de Santos ay umingay nang husto ang mga pangalan nila dahil sa online series na ginawang pelikula na ngayon.
Ganito rin ang nangyari sa Boy Foretold by the Stars na sumikat sina Adrian Lindayag at Keann Johnson na pagkatapos ng pelikula nila ay heto, ginawang series ng iWant at soon, may part 2 ang pelikula.
“Here’s my advice; just be yourself. You don’t need to pretend to be somebody else. The pandemic is just a hurdle in the pursuit of your dreams. Challenging na hurdle pero kaya basta determinado. Work on your dreams without stepping on others. At kapag nasa tuktok ka na, huwag mong kalimutan ‘yung mga kaibigan at kasama na tumulong sa iyo dahil hindi mo ‘yan mararating nang mag-isa.
“Help others achieve their dreams as well. I think that’s the important lesson I’ve learned in this industry. Aanhin naman natin ang kasikatan kung hindi naman tayo nakatulong sa iba, 'di ba?” magandang sabi ni Alfred.





Comments