top of page
Search

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | January 19, 2026



SHEET - JENNYLYN, KASAMA ANG PAMILYA NI DENNIS SA PIKTYUR, INILABAS_FB Jennylyn Mercado

Photo: FB Jennylyn Mercado



Kahit na ano’ng paninirang gawin kay Jennylyn Mercado ay hindi nila mapapaniwala si ‘Nay Cristy Fermin dahil nakatanim sa kanya ang mga kabutihang nagawa ng aktres noong baguhan pa lamang ito sa showbiz. Ito ang mariing sabi ni ‘Nay Cristy sa Showbiz Now Na (SNN) vlog kasama sina Romel Chika at Wendell Alvarez na napapanood sa YouTube (YT).


Kamakailan lang ay viral ang isyung paninira sa asawa ni Dennis Trillo dahil pinagbawalan daw ang aktor na dalawin ang pamilya nito, bukod pa sa hindi rin umano kasundo ng aktres ang mga kapatid ng mister.


“Ako kasi, may naalala ako na kahit na ano’ng pilit pa ng ibang tao na sirain si Jennylyn sa akin, naaalala ko pa ‘yung musmos na bata na pinaso ng sigarilyo. Bakit kailangang magsakripisyo ng anak sa pagkakagulo ng relasyon ng kanyang magulang?” bungad ni ‘Nay Cristy, kaugnay ng panahong naging laman ng balita ang aktres nang siya’y bugbugin at pasuin ng sigarilyo ng kanyang amain.


Ang tiyahin ni Jennylyn na si Mommy Lydia Mercado ang tumayong ina niya at nag-aruga sa kanya hanggang sa sumikat siya sa showbiz.

“Ito po, ang babaw po ng aming kaligayahan. Kaunting bagay na ginawa sa amin ng artista, ‘di na namin ‘yun malilimutan.


“Taong 2006, nag-birthday ako sa Metro Bar (West Avenue). Napakarami na pong tao. May nakita kaming babaeng nagdadalantao, hawak ang ilalim ng tiyan, kagampan na parang manganganak na, bigat na bigat na, at umaakyat sa hagdan. Pagkakita ko, si Jennylyn Mercado!


“Sabi ko, ‘Anak, ‘wag ka nang umakyat, ako na ang sasalubong sa ‘yo.’ Sabi n’ya, ‘Di po, Nanay, aakyat po ako.’


“‘Di ko malilimutan ‘yung hitsura ng babaeng kagampan na umaakyat para lang makabati. At saka maraming pagkakataon na pinupuntahan nila ako ni Mommy Lydia kay Bambbi Fuentes. Umuulan, alam mo naman ang July, buwan ng kaarawan, ulanin ‘yan. Magdadala ng cake. ‘Di ko ‘yun malilimutan talaga.


“Sorry sa lahat ng may ayaw sa kanya pero buo ang kanyang kredibilidad sa akin. Kay Dennis pa nga ako ‘di close,” pahayag ni ‘Nay Cristy.


Nauna nang ipagtanggol ni Dennis ang asawa at sinabi niyang isa ito sa pinakamabuting tao sa kanyang buhay, na malinaw na nagpapahiwatig ng mabuting naidulot ng aktres sa kanyang buhay.


Nabanggit din ni ‘Nay Cristy na ang source ni Ogie Diaz ay hindi raw magsasalita kung

walang naganap na ganoong senaryo.


Si Ogie ang unang naglabas ng isyu sa vlog niyang Showbiz Update. Binasa lamang niya ang mensahe ng kanyang source, inilatag ito nang maayos, at inilabas din ang post ni Dennis at ng manager nilang si Tita Becky Aguila na ipinagtatanggol si Jennylyn.

“Maaaring may pinag-ugatan ito na pinagbabawalan si Dennis at nagagalit si Jennylyn kapag pupunta s’ya sa kanyang pamilya. Si Dennis ay ‘di nagpapabaya sa pagsusustento sa kanyang ama’t ina. Siguro, may pagkakataong hindi nagkaintindihan. May pinag-ugatan ito kasi ‘di puwedeng lumabas ang isang isyu nang walang pinagmulan,” diin ng SNN host.

Dagdag ni Romel Chika, “Maliban na lang ‘pag nagkukuwento ka kasi galit ka sa tao.”


Sabi naman ni Wendell, “Sigurado ‘yun kasi ‘di naman magkukuwento ‘yung source kung wala s’yang nakita at may dahilan talaga. ‘Di puwedeng wala.”


Naintindihan din ni ‘Nay Cristy ang pagtatanggol ni Tita Becky kay Jennylyn dahil alaga niya ito at sinabi niyang ‘she’s the sweetest person’ na nakilala niya.


Puring-puri rin ng SNN hosts ang blended family nina Dennis at Jennylyn dahil pareho silang may anak sa dating karelasyon na mahal na mahal ng bawat isa, at ngayon ay may sarili silang anak na si Dylan, ang nag-iisang babae.


“Dito po ay ‘di natin inaalis ang posibilidad na mayroong source na may alam na kuwento at ‘di lang natin alam kung gaano ito kakumpirmado.


“Sabi ni Dennis, hindi naman showbiz ang kanyang pamilya kaya ilabas na sa isyu. Chinese sila?


“Naalala ko pa tuloy ‘yung mga video ni Dennis kasama ang tatay n’ya na naggo-grow sila ng mga gulay sa bakuran. Natutuwa ako, pero bakit naman kaya magagalit si Jennylyn na magpunta si Dennis sa pamilya n’ya?”


Tingin ni Wendell ay may nanira sa mag-asawang Dennis at Jennylyn.

Nabanggit pa na magkaiba noon ang manager nina Dennis at Jennylyn hanggang sa lumipat ang aktor sa manager ng aktres upang si Tita Becky na lamang ang humawak sa kanilang karera.


Sabi pa ni ‘Nay Cristy na may mga larawang nakasama ng pamilya ni Dennis si Jennylyn, sabay pakita ng mga larawan sa SNN.


Aniya, “Siguro, may ilang pagtitipon na ‘di nakakapunta si Jennylyn. Multi-task ang routine ng aktres. Nag-aalaga ng mga anak, umaarte, nag-aayos ng bahay. Isang dakilang asawa rin. Multi-tasking ang ginagawa n’ya. Hahanapan pa ba natin ‘yun?”


Muling idiniin ni ‘Nay Cristy na kahit mataas na ang career ngayon ni Jennylyn ay mananatiling alaala sa kanya ang batang nagsakripisyo noon. Alam din ni Dennis ang mga pinagdaanan sa buhay ng kanyang asawa kaya ganoon katindi ang pagmamahal at pagpapahalaga niya rito.


“Sana ang kuwentong ito ay maputol agad at sana ang source ni Ogie ay hindi isang daang porsiyento. Si Ogie ay wala namang kasalanan dahil inilatag lang n’ya ang source n’ya at inilabas din ang post ni Dennis. Napakalaki ng naitulong ni Ogie sa karera ni Dennis Trillo,” sabi ni ‘Nay Cristy Fermin.

 
 

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | January 18, 2026



SHEET - VICE, NAGHUBAD HABANG NAGSASAYAW SINA VHONG AT DARREN_TikTok _vhongx44

Photo: TikTok _vhongx44



Umabot na sa 24M views ang ipinost ni Vhong Navarro sa kanyang Facebook (FB) account kung saan nakuhanan ng video si Vice Ganda habang nagtatanggal ng pantalon at jacket at natira ang panloob na one-piece sexy outfit.


Nagpa-practice ng sayaw sina Darren Espanto at Vhong at hindi nila sinasadyang mahagip sa video si Vice. 


Natawa na lamang ang dalawa nang makita nila ito na hindi aware at tuluy-tuloy sa pagtatanggal ng damit.


Ipinost ni Vhong ang video kahapon nang hapon. 


“Practice pa lang sana namin ni Darren, pero i-post ko na rin, baka mag-trending,” sabay emoji ng laughing face with tears.


Habang isinusulat namin ang balitang ito, umabot na sa 24M views, 3,100 shares at 7,900 comments ang nasabing video.


Wala pang sagot si Vice tungkol sa post ni Vhong nang itsek namin sa kanyang social media, na kadalasan ay may witty post agad kapag nagte-trending ang Best Actor ng 51st Metro Manila Film Festival (MMFF).


Either dinedma na ito ni Vice o abala lang siya sa ngayon, pero hinihintay pa rin ng madlang pipol ang kanyang reaksiyon.


Samantala, palabas pa rin ang pelikulang Call Me Mother (CMM) sa mga sinehan at dahil ipapalabas din ito sa international market, siguradong lalampas sa P400M ang gross nito.


Sitsit sa amin habang isinusulat ang balitang ito, “Awa ng Diyos, kumikita na. ‘Di ko sure kung umabot na ng P400 million kasi ‘yung international, ngayon pa lang, pero malapit na sa kinikita ngayon sa local box office.”



ANIM na pelikula ang nagbukas ngayong ikalawang linggo ng Enero na binigyan ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ng kaukulang ratings.


Ang anim na pelikula para sa linggong ito ay may mga temang komedya, pakikipagsapalaran, drama, pag-ibig, horror, at aksiyon. Nangunguna ang Pinoy thriller na A Werewolf Boy, isang remake ng 2012 South Korean film na may kaparehong pamagat.


Nakakuha ito ng PG (Patnubay at Gabay ng Magulang) para sa edad 12 pababa at kailangang may kasamang magulang o nakatatanda.


Tungkol ito sa isang dalagita na lumipat sa probinsiya kasama ang pamilya at nakatagpo ng isang misteryosong binata na naninirahan sa kanilang bakuran.

Nagbigay din ang MTRCB ng angkop na klasipikasyon sa limang international na pelikula, kabilang ang animated adventure-comedy na The SpongeBob Movie: Search for SquarePants (TSMSFS).


Pakikipagsapalaran ito ni SpongeBob upang patunayan ang kanyang tapang habang nilalakbay ang Underworld kasama ang multong pirata na si ‘The Flying Dutchman’.


PG din ang Indian comedy na Happy Patel: Khatarnak Jasoos (HPKJ) at ang American post-apocalyptic survival-disaster-thriller na Greenland 2: Migration (G2M).


Samantala, ang The History of Sound (THOS) na pinagbibidahan nina Paul Mescal at Josh O’Connor ay rated R-13 para sa mga edad 13 pataas. Kuwento ito ng dalawang lalaki na nagkakilala noong 1917 habang nag-aaral sa New England Conservatory of Music. Matapos ang Unang Digmaang Pandaigdig, naglakbay sila sa mga liblib na lugar ng Maine, USA, upang magtala ng mga awiting-bayan noong 1920.


Para naman sa mas nakatatandang manonood, ang post-apocalyptic horror film na 28 Years Later: The Bone Temple (28YLTBT) ay rated R-16 para sa mga edad 16 pataas.


Nagpaalala ang MTRCB na gabayan ng mga magulang ang kanilang mga anak sa mga pelikulang pinanonood.


“May ilang mga karakter na gumagawa ng mga katawa-tawang pag-arte o ‘di kaya’y mapanganib na kilos. Bagama’t malinaw na ‘di makatotohanan, mahalagang ipaalala sa mas batang manonood na ang mga eksenang ito ay hindi dapat tularan sa totoong buhay,” sabi ni MTRCB Chairperson at CEO Lala Sotto.



Sinasakyan lang ang trip para tumigil na…

SIKAT NA PERSONALIDAD, TODO-GIMIK MAPAG-USAPAN LANG


Blind Item

BLIND ITEM:

TSIKAHAN ng ilang kasamahan sa panulat ang iba’t ibang gimik ng isang kilalang personalidad para lamang mapag-usapan.


Ayaw na ayaw kasi ng kilalang personalidad na hindi siya napag-uusapan, lalo na kung maraming maiinit na tsika gaya ng isyu sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na tila hindi natatapos, mga pelikulang kumita at hindi kumita sa 51st Metro Manila Film Festival (MMFF), at mga celebrity couples na naghiwalay, nagpakasal, o nag-away.


Ayaw niyang hindi masali sa mga isyu kaya gumagawa ng sariling gimik na sinasakyan na lang ng mga nakapaligid at nakakakilala sa kanya para tumigil na, dahil may pinagdaraanan umano ito. 


Pero ang tanong, hanggang kailan siya maggagaganyan?


Minsan ay napapahamak pa ang ilang tao dahil sa mga isyung gimik ng kilalang personalidad. Kaya hindi na lang siya pinapatulan para hindi humaba ang isyu, pero tila baligtad dahil habang hindi siya pinapansin ay lalo siyang nag-iingay.


“Ano nga ba ang dapat gawin? Mas mabuti na ring ‘wag patulan at hayaang magsawa s’ya sa kakagawa ng gimik,” kaswal na komento ng lahat.

 
 

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | January 13, 2026



Onemig Bondoc at Aiko Melendez - IG

Photo: Onemig Bondoc at Aiko Melendez - IG



‘Kaaliw itong si Onemig Bondoc sa ipinost niyang: “Happy Together.. after 29 years,” na kasama si Konsehala Aiko Melendez sa kanyang Instagram (IG) account nitong Linggo dahil nagmukhang magdyowa na sila.


Inakala ng lahat na sila na, lalo’t nagkomento pa ang kapatid ni Aiko na si Michico Castañeda Bibit ng, “Love it, happy for you, guys!” at saka itinag sina Onemig at Konsi Aiko.

Sinagot naman ito ng konsehala ng “Thank you,” na parang inayunan nito ang pagbati sa kanila ni Uno (palayaw ni Onemig).


Sinundan pa ito ng “Aww!” na komento ng anak ni Aiko na si Marthena Jickain, na kasalukuyang nasa Chicago, Illinois, USA kasama ang amang si Martin Jickain.

Bukod sa mga komentong ito mula mismo sa mga kapamilya ng konsehala ng 5th District ng Quezon City, iisipin talaga na couple na ang dalawa. 

Kaya naman halos iisa ang sinasabi ng mga netizens. 


“Yown! Congrats, nakabalik na, kilig naman hanggang dulo,” at marami pang iba.

Kaya nagpadala kami ng mensahe kay Aiko kung sila na ni Uno.


“Hindi pa, Ate. His post was a reference na after 29 years, sinipot ko na rin s’ya,” sagot ni Aiko sa amin.


Sabi namin na hindi kasi ito naipaliwanag nang malinaw kaya inakala ng marami na after 29 years ay natuloy na sila bilang lovers, lalo’t nag-like pa si Marthena at may mga bumati na.


“Nasa getting to know and catch up kami kasi ang tagal naudlot ng story namin,” paliwanag pa ni Aiko.


At dahil siguro maraming nag-assume na may relasyon na sina Uno at Aiko, nag-live sila sa TikTok (TT) para sagutin ang mga tanong ng mga netizens.


Sa tanong kung magdyowa na sila ni Uno, diretsahang sagot ng konsehala, “Hindi!”

Susog ng single dad, “I wish. Pero ‘di n’ya pa ako sinasagot.”


Dagdag pa ni Onemig na seryoso siya at totoo ang nararamdaman niya kay Aiko at hindi ito AI (artificial intelligence).


Bakit nga ba magkasama sina Onemig at Aiko at ang posisyon nila sa larawang ipinost ng una ay parang magdyowa na, o baka naman pareho lang silang content creator at for views ito?


Agarang sagot ng single mom, “Hindi po kami gagawa ng pelikula. Wala po kaming anumang project together. You know naman that Onemig is not active anymore in showbiz.


So it has nothing to do with tsismis or whatever.”


Sundot ni Uno, “We’re just friends. Real friends.”


Hayan, malinaw na getting to know each other pa lamang ang dalawa dahil marami na ring nabago sa kani-kanilang buhay pagkalipas ng 29 years na binata’t dalaga pa sila noon.



Sa away ni Dennis at mga anak…

GENE: ‘DI KAMI GUMAGAWA NG KUWENTO, LALO NA NG KASINUNGALINGAN



UNANG beses pa lang daw na-bash si Gene Padilla dahil sa issue ng kapatid na si Dennis Padilla at ng mga anak nito sa kasal ni Claudia Barretto last year, kaya dapat ang tanong sa kanya ay kung ano ang natutunan ng mga bashers sa kanya.


“Dapat, ano’ng natutunan nila, ‘di po ako. Dahil unang-una, ‘yung mga bashers, actually, that was the first time na nagkaroon ako ng ganu’n karaming bashers dahil hindi naman ako sanay sa ganu’n.


“Matagal na po ‘yung alitan, ‘yung mga salitaan, pero never po akong nakialam.

“Kung may pag-uusap man, it’s between the family. Sa side ko, with my brother, pero hindi naman kami sumagot pagkatapos ng interbyu ng kabila kasi ‘pag sumagot pa kami, ‘di po matatapos.


“At pareho kaming parte nila at parte namin. Pareho lang maaapektuhan, kaya ang pinili namin ay maging mabuting tao na lang,” paliwanag ng aktor.


Dagdag pa niya, “Sa tanda ko na po sa industriya at bilang tao, napakahirap para sa akin at sa aking kapatid na gumawa ng kuwento, lalo na ng kasinungalingan. Kaya dapat, mag-move on na lang tayo at ‘wag patulan ang mga trolls o bashers. Sila po ang tsismoso at tsismosa ng social media.”


Ang hindi raw malilimutan ng kapatid ni Dennis ay sinabihan siyang mawala na raw at idinamay pa ang kanilang ina.


“Mabibigat po ang binitawan sa akin na sana mamatay na ako, mamatay ang kapatid ko, at mamatay ang nanay ko. Wala po kayong narinig sa akin. Kaya ayoko pong magpainterbyu. Natsambahan n’yo lang ako,” ani Gene.


Kaya ang payo niya sa mga bashers, “Naniniwala po ako na habang tumatanda tayo, panahon na para mag-ipon ng kaibigan dahil sa edad namin, napakaiksi na po ng oras.”


At ang komento ng aktor para sa mga pamangkin niyang anak ni Dennis kay Marjorie Barretto, “Kung may mga pamangkin po na ayaw sa amin o sa akin, okay lang po. Basta gusto ko pa rin sila. Ganu’n po talaga ang buhay. God bless na lang to each and everyone.”


‘God bless’ din ang mensahe ni Gene kay Marjorie, at kapag nagkita raw sila ay babatiin niya ang dating hipag.


Sey niya, “Babatiin ko po kasi makatao naman kami.”

Well, pansinin kaya siya ni Marjorie Barretto? Abangan!


 
 
RECOMMENDED
bottom of page