ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | Dec. 4, 2024
Photo: Vic Sotto at Piolo Pascual sa The Kingdom - IG
Inamin ni Bossing Vic Sotto nu’ng ialok sa kanya ang pelikulang The Kingdom (TK) ay hindi kaagad siya sumagot dahil nga serious drama ito at sanay ang publiko na nagpapatawa siya.
Naisip din niya kung bagay ba sa kanya ang karakter na gagampanan, pero dahil maganda ang kuwento nu’ng i-pitch sa kanya ni Direk Mike Tuviera, ang tanong niya ay sino ang makakasama.
At nang malaman niyang si Piolo Pascual, umoo raw agad siya.
“It’s not every movie kasi, we belong to different stations. We never had the chance to be together. So, this is one pagkakataon na hindi ko palalagpasin,” pag-amin ng Eat…Bulaga! (EB!) host sa nakaraang mediacon ng TK sa Novotel nu'ng Nobyembre 29.
Ang bonding moments kaagad nina Bossing Vic at Piolo ang tinanong sa una habang nasa set sila ng TK na entry ng MQuest Ventures Inc., M-ZET TV Productions at APT Entertainment Inc. ngayong 50th Metro Manila Film Festival (MMFF) na mapapanood simula December 25.
Kuwento ni Vic, hindi sila nag-bonding ni Piolo nu'ng simula dahil hindi magkakilala ang kanilang role sa movie. Pero sa huli, grabe na raw ang bonding nila.
“I heard things about him before and napatunayan ko na he’s a good actor. And as a matter of fact, in some of our sequences together, pinapanood ko s’ya and medyo nag-fan boy moment ako.
“Ang galing! Ang hahaba ng dialogues pero ‘di s’ya nagkakamali. Ako, ang ikli lang, pero nagba-buckle pa. At ‘yun, napatunayan ko na he’s a seriously good actor. Not just good actor but good person. Working with a professional like Piolo is a very good experience,” seryosong kuwento ni Bossing Vic.
Bumawi rin naman si Piolo at sinabing fan na fan din siya ni Bossing Vic.
“I’ve always been a fan. ‘Pag nakikita ko s’ya, para akong nangangarap. It was like living my dreams, you know, ang makasama ko ang isang Vic Sotto. Wow!” kuwento ng Kapamilya actor.
Hanga raw si Piolo sa pagmamahal ni Vic sa kanyang craft. Kahit komedyante ito, dahil seryoso ang kanyang role sa The Kingdom, hindi ito humihiwalay sa kanyang character.
“Once na naka-costume s’ya, hindi ko s’ya makakausap. Nasa isang tabi, studying his lines.
He’s really a pro. So, you have to give your best as well," sabi pa ni Piolo.
Sa The Kingdom, gaganap si Vic bilang si Lakan Makisig, ang hari na naiipit sa isang matinding desisyon habang nahaharap ang kanyang kaharian sa kaguluhan.
Kasama niya si Sulo (Piolo), isang magsasakang itinatwa ng lipunan ngunit magiging bayani sa pagnanais ng pagbabago sa kaharian.
Bahagi rin ng powerhouse cast sina Cristine Reyes at Sue Ramirez bilang sina Dayang Matimyas at Dayang Lualhati, ang matatapang na mga prinsesang may kani-kanyang mga hinaharap na hamon sa buhay.
Si Sid Lucero naman ay si Magat Bagwis, ang kapatid nilang prinsipe na pilit na ipinaglalaban ang adhikain na magdadala ng tensyon sa pamilya.
Si Ruby Ruiz naman ay gaganap bilang Babaylan, ang ispiritwal na lider ng kaharian, habang si Cedrick Juan ang gaganap na batang Lakan.
Kasama rin si Zion Cruz bilang apo ni Lakan Makisig.
Tampok din sa TK ang espesyal na partisipasyon nina Iza Calzado, Art Acuña, Giovanni
Baldisseri, at Nico Antonio, na maghahatid ng makabuluhang pagganap sa alternatibong mundong ito.
Palabas na ito sa Dec. 25 sa lahat ng sinehan sa buong 'Pinas.