Potensyal na benepisyo at panganib ng Ketogenic na diyeta
- BULGAR

- 2 hours ago
- 4 min read
ni PAO Deputy Chief Dr/Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | April 10, 2026

Dear Doc Erwin,
Maraming salamat sa praktikal na payong medical. Tunay na may pang-araw-araw na aplikasyon ang aming mga natutunan sa column na ito. Ako po ay may katanungan tungkol sa diyetang nauuso ngayon, ang tinatawag na Ketogenic na diyeta.
Ako ay may kalakihan ang katawan lalo na sa bandang tiyan, at ngayon ay sinubukan kong mag-gym. Nakausap ko ang ilang mga kasamahan ko at napag-alaman ko na sila ay may ginagawang kakaibang diyeta, na sa halip na umiwas sa matatabang pagkain ay lalo pa silang kumakain nito. Dito na nila nabanggit itong Ketogenic na diyeta at napag-alaman ko na madami ng gumagawa nito. Maaari n’yo po bang ipaliwanag ano itong diyeta na ito? Maaari ko ba itong subukan ng walang pangamba? — Ben
Maraming salamat Ben sa iyong pagsulat at pagsubaybay sa Sabi ni Doc at sa pagbabasa ng BULGAR newspaper.
Ang ketogenic na diyeta, na nailalarawan sa pamamagitan ng mataas na pagkonsumo ng taba na may kasamang malaking pagbawas ng carbohydrates, ay nagdudulot ng estado na ketosis na humahantong sa mahahalagang pagbabago sa metabolismo ng katawan. Bagama’t matagal nang kilala ang paggamit nito sa paggamot ng epilepsy sa loob ng mahigit isang siglo, sa mga nakaraang taon ay lumaganap ang kasikatan ng diet na ito sa paggamot ng iba pang mga sakit, kabilang ang mga metaboliko, sakit sa puso, kanser, at mga sakit na nagpapababa ng intelektwal na kapasidad. Sa kabila ng lumalaking bilang ng mga pananaliksik na nagpapatunay sa potensyal na benepisyo nito, marami pa ring mekanismo ng pagkilos ang hindi lubos na nauunawaan.
Ayon sa isang pag-aaral na nailathala sa Poland noong Hulyo 2025, hinggil sa mga epekto ng ketogenic diet sa katawan ng tao, ang aplikasyon nito sa paggamot ng iba’t ibang kondisyon, at ang mga posibleng masamang epekto nito, napag-alaman na ang ketogenic na diyeta ay may kapaki-pakinabang na epekto sa pagbabawas ng timbang at pagpapabuti ng regulasyon ng asukal ng katawan sa mga indibidwal na may type 2 diabetes, at sa kaso ng type 1 diabetes, maaari itong magdulot ng pagbawas sa pangangailangan ng insulin, bagama’t kinakailangan ang maingat na pagmamanman dahil sa panganib ng sobrang pagbaba o pagtaas ng asukal sa dugo na nakakaapekto sa pangkalahatang kalusugan. Ang mga pagbabagong nakikita sa taba ng katawan habang nasa diyetang ito ay hindi tiyak, na nagpapahirap sa malinaw na pagtataas ng epekto nito sa cardiovascular risk.
Bukod dito, maaaring makatulong ang ketogenic diet sa paggamot ng cancer sa pamamagitan ng paglilimita sa pagkakaroon ng glucose sa mga cancer cell at pagpapababa ng antas ng insulin. Sa mga neurodegenerative diseases, gaya ng drug-resistant epilepsy, Alzheimer’s disease, at Parkinson’s disease, ipinapakita nito ang neuroprotective effects sa pamamagitan ng pagbibigay ng alternatibong pinagkukunan ng enerhiya para sa mga selula at pagkontrol ng oxidative stress at pamamaga. Sa kabila ng mga potensyal na benepisyo, ang diet ay may kaugnayan sa mga masamang epekto, kabilang ang pagtitibi o paninigas ng dumi, pagbaba ng husto ng asukal sa katawan, mas mataas na panganib ng bato sa bato, at mga aberya sa taba ng katawan.
Ipinapakita ng ketogenic diet ang malawak na saklaw ng mga benepisyong pang-gagamot. Sa mga sakit sa metabolismo gaya ng labis na pagtaba at type 2 diabetes, nagdudulot ito ng makabuluhang pagbabawas ng timbang, pagpapatatag ng asukal ng dugo, at pagbaba ng maayos na paggamit ng insulin sa katawan. Sa type 1 diabetes, maaari itong magpahintulot ng pagbawas sa kinakailangan na insulin, bagama’t nangangailangan ng mahigpit na pagmamanman dahil sa panganib tulad ng sobrang babang asukal sa dugo.
Sa mga sakit na may kaugnayan sa puso, nakikita ang mga pagpapabuti sa lipid profile o antas ng taba sa dugo, na nakikita sa pagbaba ng triglycerides, pagtaas ng high-density lipoproteins, bagama’t nag-iiba ang mga pagbabago sa antas ng low-density lipoproteins, na nagpapakita ng pangangailangan para sa komprehensibong pagsusuri ng panganib.
Sa mga sakit naman na may kaugnayan sa kanser, maaaring pigilan ng ketogenic diet ang paglaki ng bukol sa pamamagitan ng pagbawas ng pagkakaroon ng asukal sa dugo at pangangailangan ng insulin, pati na rin ang pagpapataas ng pagiging sensitibo ng bukol sa gamutan.
Sa mga sakit naman na may kaugnayan sa utak, kabilang ang drug-resistant epilepsy, Alzheimer’s disease, at Parkinson’s disease, nagsisilbing alternatibong enerhiya ang ketones na galing sa ketogenic diet para sa mga selula at nagpapakita ng mga neuroprotective, anti-inflammatory, at antioxidant na epekto nito.
Gayunpaman, ang pangmatagalang paggamit o hindi balanseng pagsunod sa ketogenic diet ay maaaring magdulot ng mga masamang epekto, gaya ng ketogenic flu, mga aberya sa sikmura, panganib ng bato sa bato, at kakulangan sa bitamina at mineral. Ang mga kahirapan sa pagpapanatili ng diet sa mahabang panahon ay maaaring maglimit sa bisa nito sa paggamot ng mga malalang kondisyon.
Dahil dito, ang pagpapakilala ng ketogenic diet ay dapat isagawa sa ilalim ng mahigpit na medikal at pagsubaybay sa diyeta, na may angkop na pagmamanman ng mga naaayon na pamantayang pangmetabolismo at indibidwal na naangkop na diyeta para sa pangkalahatang kabutihang pangkalusugan. Bukod pa rito, kinakailangan ang mas marami pang maayos na dinisenyong pag-aaral upang masuri ang pangmatagalang benepisyo at panganib, at upang mapabuti ang mga estratehiya sa pagkain para sa iba’t ibang sakit. Maaari ding magpakonsulta sa doktor o espesyalista sa nutrisyon para masuri ang naaangkop na diyeta sa inyo. (Dr. Alexis Angelo L. Sulit, RN, MD, JD)
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com




Comments