top of page

Posisyon sa pagtulog, may epekto sa kalusugan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 12 minutes ago
  • 4 min read

ni Dr/Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | March 13, 2026



Sabi ni Doc Sambong


Dear Doc Erwin,


Maraming salamat sa inyong mga payong medikal sa column na ito, na karaniwan ay hindi natatalakay ng ibang mga eksperto o medical professionals. 


Nais ko lamang ibahagi ang aking katanungan tungkol sa pagtulog ng mister ko. Nadadatnan ko siyang natutulog nang nakatihaya at napansin ko na malakas ang kanyang paghilik. Bagaman napansin kong nababawasan ito kapag siya ay natutulog na nakadapa sa kanyang tiyan, hindi siya nagiging komportable dahil may kalakihan ang kanyang tiyan. 


Dahil din sa posisyon na ito, nagdudulot ito ng mapait na lasa at pangangasim sa lalamunan. Madalas din siyang nagigising dahil dito at may reklamo ng pananakit ng likuran. May maipapayo po ba kayo para mabawasan ang mga sintomas na ito sa pagtulog at mapabuti ang kanyang pangkalahatan na pakiramdam? – Ana



Maraming salamat, Ana sa iyong pagsulat at pagsubaybay sa Sabi ni Doc at sa pagbabasa ng BULGAR newspaper. 


Bilang kasagutan sa inyong katanungan, aming maipapayo na bigyang-pansin ang posisyon ng inyong mister habang natutulog. Bagama’t madalas na binibigyang-pansin ang dami at kalidad ng pagtulog, ang posisyon kung paano natutulog ang isang tao ay maaari ring magkaroon ng malaking epekto sa kalusugan. 


Ayon sa isang pag-aaral na nailathala sa Journal of Sleep Disorders and Therapy, ang posisyon sa pagtulog ay may mahalagang papel sa pangkalahatang kalusugan at kagalingan ng ating pangangatawan. Ang pag-unawa sa mga benepisyo at disadvantages ng iba’t ibang posisyon sa pagtulog ay makatutulong sa mga tao na gumawa ng tamang desisyon, at magpatibay ng mga estratehiya upang mapahusay ang kanilang postura sa pagtulog. 


Sa pamamagitan ng tamang pagpili ng unan, kutson, at mga teknik sa suporta, maaaring mapabuti ng mga tao ang kalidad ng kanilang pagtulog, mabawasan ang hindi komportableng pakiramdam, at maisulong ang mas magandang kalusugan. Dahil ang pagtulog ay isang mahalagang bahagi ng pang araw-araw na buhay ay ang pagbibigay-pansin sa posisyon sa pagtulog na isang mahalagang hakbang tungo sa pagkakaroon ng mahimbing at nakapagpapasiglang pagtulog. Bawat posisyon ay may natatanging implikasyon sa kalusugan at kaginhawaan.


Natalakay sa pag-aaral na nabanggit na ang pagtulog nang nakatihaya, na bagaman may mga maituturing na benepisyo sa pagtulog ay mas maaaring magdulot ng paghilik. Maaaring lumala ang paghilik sa posisyon na ito dahil bumabagsak ang dila pabalik at humaharang sa daanan ng hangin. Isa pang disadvantage ng posisyon na ito ay kapag walang tamang suporta, maaaring ma-strain ang ibabang bahagi ng likod na sumusuporta sa bigat ng katawan. 


Ang isa pang posisyon sa pagtulog na nakakasama sa iyong mister ay ang pagtulog nang nakadapa sa tiyan. Bagaman ang pinakaprominenteng naitutulong ng posisyon na ito ay ang pagpapanatiling bukas ng daanan ng hangin para mabawasan ang paghilik, ito ay nakakaipit ng mga lamang-loob tulad ng sikmura na magdudulot ng pag-akyat ng asido sa lalamunan. Ang posisyong ding ito ay maaaring magdulot ng ngalay sa leeg at ibabang bahagi ng likod, na nagreresulta sa pananakit at hindi komportableng pakiramdam. Ang matagal din na pressure sa kasu-kasuan at ugat ay maaaring magdulot ng pamamanhid at pakiramdam na parang tinutusok-tusok.


Ayon sa impormasyong iyong binigay at sa pag-aaral na ating tinalakay, ang pinaka makakatulong na posisyon sa pagtulog ng iyong mister ay ang pagtulog nang nakatagilid. Ang posisyon na ito ay may iba’t-ibang uri. Una, fetal position o yung nakabaluktot sa isang tagiliran na nakataas ang tuhod papalapit sa dibdib. Pangalawa, log position o yung nakahiga sa tagiliran na nakalapat ang dalawang braso sa gilid. At pangatlo, na mas mairerekomenda natin na posiyon sa inyong mister, ay ang yearner position o yung nakahiga sa tagiliran na nakaunat ang mga braso pasulong.


Ang benepisyo ng pagtulog nang nakatagilid ay ang mga sumusunod. Una, pagbawas ng paghilik. Ang pagtulog nang nakatagilid ay nakatutulong upang manatiling bukas ang daanan ng hangin habang humihinga, kaya nababawasan ang paghilik. Pangalawa, pagkakaayos ng gulugod. Sa tamang suporta ng unan, nakatutulong ito sa maayos na pagkakahanay ng gulugod. 


Inirerekomenda ang pagtulog sa tagiliran sa mga buntis at may kalakihan ang tiyan dahil nakabubuti ito sa sirkulasyon ng dugo papunta sa puso at nababawasan ang pressure sa atay. Kung sa kaliwa nakaharap habang nakatagilid, mapapanatili nito ang natural na posisyon ng sikmura at mababawasan ang pag-akyat sa lalamunan ng asido sa tiyan na dulot na din ng pagkakaipit ng ating mga lamang-loob. Hindi mairerekomenda na masyadong nakataas ang tuhod papalapit sa dibdib dahil maaari itong makaipit din ng ating mga lamang-loob.


Ang mga disadvantage ng pagtulog nang nakatagilid ay ang mga sumusunod. Una, ang epekto nito sa “pressure points.” Ang matagal na pagtulog sa tagiliran ay maaaring magdulot ng pananakit sa balikat at balakang dahil sa patuloy na diin sa mga bahaging ito, na karaniwan nating tinatawag na pangangalay.

Pangalawa, maaari itong magdulot ng kulubot sa mukha at paglaylay ng dibdib. Ang patuloy na pagdiin ng mukha sa unan ay maaaring magresulta sa paglitaw ng kulubot, habang ang epekto ng gravity sa paglipas ng panahon ay maaaring makaapekto sa tisyu ng dibdib.


Tunay na ang pagtulog ay isang mahalagang aspeto ng kalusugan ng tao, na kinakailangan para sa pisikal na pagpapanumbalik, tamang paggana ng ating kognitibong proseso, at para na rin sa katatagang-emosyonal. Ang posisyon sa pagtulog ay maaaring makaapekto sa lahat mula sa pagkakaayos ng ating mga gulugod hanggang sa paggana ng paghinga, at maging sa pag-usbong ng ilang kondisyon sa kalusugan. 


Para sa inyong mister, maituturing na pinakamainam na posisyon sa kanyang pagtulog ay ang pagtulog ng nakatagilid sa kaliwa. Tulad ng nabanggit, mapapanatili nitong bukas ang daanan ng hangin na makakabawas ng kanyang paghilik, maayos ang pagkakahanay ng kanyang mga gulugod, at mapapanatili ang natural na posisyon ng sikmura para mabawasan ang pag-akyat sa lalamunan ng asido sa tiyan. ( Dr. Alexis Sulit, RN, MD, JD)


Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page