top of page
Search

ni Dr/Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | February 24, 2026



Sabi ni Doc Girl taking glycine supplement



Dear Doc Erwin, 


Sumulat ako upang sumangguni tungkol sa epekto ng turmeric sa ating memorya. 

Ang aking ina ay nag-umpisang uminom ng turmeric tea o tsaa ng luyang dilaw kamakailan lamang. Madalas din nyang nilalagyan ng luyang dilaw ang mga pagkain niyang niluluto.


Ayon sa kanya, nakatulong daw ang luyang dilaw sa kanyang kaibigan na nagkakaroon na ng mild memory problems. Ang aking ina at nabanggit na kaibigan ng aking ina ay magkasing-edad at malapit na umabot sa edad na 60.  


May family history rin ang aking ina ng dementia at memory problems, at ito maaari ang dahilan kaya minabuti niya na isama ang turmeric sa kanyang health regimen. 

Makakatulong ba ang turmeric sa memorya ng aking ina? May pag-aaral na ba sa larangan na ito? Makarating sana sa inyo ang liham na ito at mabigyan ng pansin ang aking katanungan. – Maria Leida



Maraming salamat Maria Leida sa iyong pagsulat at pagsubaybay sa Sabi ni Doc at  pagbabasa ng BULGAR newspaper.


Ang luyang dilaw o pangkaraniwan na tinatawag na Turmeric ay kadalasang ginagamit sa pagluluto. Ito rin ang madalas na sangkap sa mga Indian food. Ang pangunahing sangkap o bioactive substance na makikita sa turmeric ay ang Curcumin. 


Ayon sa mga laboratory animal studies at mga human studies, ang curcumin ay may anti-inflammatory at antioxidant properties. Ayon sa mga dalubhasa, ang mga ito ang maaaring dahilan kung bakit mas mababa ang prevalence ng Alzheimer’s disease at mataas ang cognitive performance sa India. Ang turmeric ay kilalang dietary staple sa India.


Sa isang double-blind at placebo-controlled study ng mga indibidwal na may edad ng 50 hanggang 90 na may mild memory complaints, pinag-aralan sa loob ng 18 buwan kung may epekto sa memorya ang curcumin. Ang lahat ng mga participants ay dumaan sa standardized cognitive assessments at monitoring ng curcumin levels sa blood. Dumaan din sa positron emission tomography of PET scan  upang malaman ang epekto ng curcumin sa mga parte ng utak na may kinalaman sa  memorya at mood.


Ayon sa pag aaral na ito, ang mga participants na uminom ng curcumin ay nagkaroon ng significant improvement sa kanilang memorya at attention abilities . Tumaas ng 28 porsyento ang kanilang score sa memory tests matapos ang 18 months na pag inom ng curcumin. 


Nagkaroon din ng mild improvement sa mood ang mga uminom ng curcumin. 


Ang brain PET scan naman ng mga uminom ng curcumin ay nakitaan ng mas kaunting amyloid at tau signals sa amygdala at hypothalamus, mga parte ng utak na may kinalaman sa memorya at emosyon. Maaring senyales ito ng anti-inflammatory at antioxidant effect ng curcumin sa brain.


Ang pag-aaral na ito ay isinagawa ng mga scientists mula sa University of California Los Angeles Department of Psychiatry and Behavioral Sciences at Semel Institute for Neuroscience and Human Behavior sa bansang Amerika na pinangunahan ni Dr. Gary Small. Inilathala ang resulta ng pagaaral na ito sa The merican Journal of Geriatric Psycaitry noong March 2018.


Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

 
 

ni Dr/Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | August 25, 2025



Photo File: FP



Dear Doc Erwin, 


Ako ay isang retiradong empleyado ng gobyerno, 71 years old at kasalukuyang nakakaranas ng pagkamalilimutin at pagiging irritable.


Sa aking pagbabasa ay napag-alaman ko na habang nagkakaedad ang tao ay lumiliit ang kanyang utak at maaaring magkasakit dahil dito katulad ng dementia. Totoo ba ito? Maaari bang maiwasan ito? Ano ang maaari kong gawin upang mabawasan ang pagliit ng utak at ma-delay ang pagkakaroon ng dementia?


Sana ay mabigyan n’yo ng pansin ang aking sulat at masagot ang aking mga katanungan. Mabuhay ang BULGAR newspaper at ng Sabi ni Doc column! — Lisa Marie



Maraming salamat Lisa Marie sa iyong pagsulat at pagsubaybay sa Sabi ni Doc at BULGAR newspaper. 


Ayon sa mga evolutionary anatomists, kumpara sa utak (brain) ng mga unggoy (chimpanzees), ay mas malaki ang utak ng tao. Ngunit habang tumatanda ang tao ay lumiliit ang utak nito habang ang utak naman ng unggoy ay hindi.  


Karaniwan na tinatawag na “brain atrophy” ang pagliit ng utak habang tumatanda ang tao, ngunit mas madalas itong ginagamit ng mga doktor sa mas mabilis na pagliit ng utak kumpara sa “normal” na pagliit ng utak dahil sa pagtanda.


Dahil sa pagliit ng utak ng tao habang tumatanda ay mas nagiging susceptible ito sa mga sakit gaya ng dementia, katulad ng Alzheimer’s disease at magkaroon ng cognitive dysfunction gaya ng paghina ng memory at learning capacity dahil sa tinatawag na “white matter disease”. 


Nakikita ang mga kondisyon na nabanggit sa pamamagitan ng computed tomography (CT) scan, o sa pamamagitan ng magnetic resonance imaging o MRI sa maikling salita. Ang MRI ay mas sensitibo sa mga maliit na lesions kaya’t mas madalas itong ginagamit ng mga doktor.


Bukod sa CT at MRI scan, eeksaminin din ng doktor ang brain function katulad ng memory, language, eye movement at coordination. Maaari ring eksaminin ang problem-solving ability ng pasyente. Ang ilang mga sintomas ng brain atrophy ay pagiging malilimutin (memory problems), mood at personality changes, at poor judgment. Maaaring makaranas din ng hirap sa pagsasalita o pagsusulat, at hindi maintindihan ang ibig sabihin ng mga salita.


May mga paraan ba upang maiwasan o ma-delay ang brain atrophy na karaniwan nating nararanasan sa ating pagtanda? Ayon sa Cleveland Clinic, isang kilalang health institution sa bansang Amerika, upang mabawasan ang mga risk factors sa brain atrophy ay kinakailangan ng tamang diet (katulad ng Mediterranean diet), daily aerobic exercise, tamang oras ng tulog, at pagbabawas ng stress. Kung mataas ang blood sugar at blood pressure, kinakailangang mapababa ang mga ito. Kinakailangan ding tumigil ng paninigarilyo at pag-inom ng alak.


Sa isang pag-aaral ng Harvard School of Public Health, ang regular na paglalakad, isang uri ng aerobic exercise, ay epektibo upang mabawasan ang risk upang magkaroon ng dementia, isang manifestation ng brain atrophy.


Ayon din sa mga health expert makakatulong ang Vitamin B1, B6, B12 at Folic Acid, gayundin ang omega-3 fatty acids at choline. Maaaring makuha ang mga nabanggit sa mga masustansyang pagkain o mula sa mga may kalidad na health supplements.


May mga health supplement din na nakakatulong na maging aktibo ang mga cellular mitochondria ng brain cells, katulad ng creatine, methylene blue at medium chain triglycerides supplements. Naniniwala ang ibang mga dalubhasa na ang paghina ng cellular mitochondria ang dahilan kung bakit nagkakaroon ng brain atrophy. Sumangguni sa inyong doktor kung nais gumamit ng mga nabanggit na health supplements. 


Maraming salamat muli sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y ipagpatuloy ninyo ang pag-aalaga sa inyong kalusugan.



Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

 
 

ni Dr/Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | August 18, 2025



Photo: FP


Dear Doc Erwin, 


Ako ay isang ama ng tahanan, nasa kalagitnaang edad (middle age) na ako. Awa ng Dios ay malusog ang aking pangangatawan, wala akong sakit at walang maintenance medications. Maingat ako sa aking mga kinakain at katamtaman din kung ako ay kumain. Isa pa sa aking pamamaraan upang mapanatili ang aking kalusugan ay ang pagtulog ng sapat, 7 hanggang 8 oras gabi-gabi. 


Isa sa aking mga regular na exercise ang madalas na paglalakad. Ayon sa aking pagbabasa, upang makuha ang mga health benefits ng walking exercise ay kinakailangang maka-10,000 steps kada araw. Bagama’t pinipilit kong maabot ito, dahil sa kakulangan ng panahon ay hindi ko ito nagagampanan. May health benefits ba ang walking exercise kahit hindi maabot ang 10,000 steps? Anu-ano ang health benefits nito? 


Sana ay matugunan n’yo ang aking mga katanungan. Regular akong nagbabasa ng BULGAR newspaper at ng Sabi ni Doc column. -- Maria Josephine



Maraming salamat Maria Josephine sa iyong pagsulat at pagsubaybay sa Sabi ni Doc at BULGAR newspaper. 


Marami na ang mga pag-aaral tungkol sa walking exercise at health benefit nito na pagbaba ng risk ng pagkamatay sa iba’t ibang kadahilanan (all-cause mortality). May mga pag-aaral na rin na ito ay may mabuting epekto sa pag-iwas sa iba’t ibang uri ng sakit.


Ayon sa mga nasulat na, noong 1960s habang naghahanda ang Japan sa 1964 Tokyo Olympics ay tumaas ang awareness ng Japanese population sa pag-e-exercise bilang paraan upang maging malusog ang pangangatawan. Kasabay din nito ang pag-introduce sa Japanese market ng modern pedometer. Ito ay isang gadget na maaaring isabit sa beywang upang mabilang ang numero ng steps sa paglalakad o pag-jogging. Unti-unting naging popular ang pedometer at ang walking at jogging bilang ehersisyo. Naging rallying slogan ng mga dedicated walkers ang “Manpo-Kei” o “10,000 steps” at dumami ang mga walking clubs sa Japan kung saan ang daily goal ng mga miyembro ay 10,000 steps. Mula sa Japan ay kumalat na sa buong mundo ang 10,000 steps bilang daily exercise goal.


Katulad ng tanong ninyo, ang tanong ng marami ay kinakailangan ba na makumpleto ang Manpo-Kei o 10,000 steps upang makamit ang health benefits ng walking exercise? 


Ito ay isa sa mga katanungan ng mga scientist sa kanilang pinakabagong pag-aaral. Ito ay isang systematic study at meta-analysis ng mga scientific research mula January 2014 hanggang February 14, 2025. Isinagawa ito at pinangunahan ng mga scientist mula sa Sydney School of Public Health ng Faculty of Medicine and Health sa University of Sydney. Nasa 57 research studies ang isinama sa systematic review at 31 studies naman ang kasama sa meta-analyses.


Ayon sa nabanggit na study, 7,000 steps per day ang nakakapagpababa ng risk sa lahat ng mga health outcomes na kasama sa pag-aaral. Sa madaling salita, upang bumaba ang iyong risk sa lahat ng mga sakit na kasama sa pag-aaral katulad ng sakit sa puso, diabetes, dementia, cancer, depression at all-cause mortality, 7,000 steps ang nararapat na maging daily number of steps goal ninyo. 


Ngunit hindi ibig sabihin nito na walang health benefits ang paglalakad na mas mababa sa 7,000 steps. Ayon sa pag-aaral na ito, may mga health benefit sa mas mababang steps at ang risk reduction sa iba’t ibang uri ng sakit ay tumataas habang tumataas ang number of steps per day. Kahit sa 2,000 steps per day ay may mga nakitang health benefits na. Kaya’t anuman ang total number of steps na inyong naisagawa sa isang araw ito ay makakatulong upang makaiwas sa sakit.


AnG pag-aaral na nabanggit sa itaas ay na-publish nito lamang August 2025 (Volume 10, Issue 8) sa The Lancet-Public Health, isang scientific journal na sikat sa buong mundo.


Maraming salamat muli sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y ipagpatuloy ninyo ang pag-aalaga sa inyong kalusugan.


Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page