Plunder case kina Recto at iba pang opisyal, Ombudsman Remulla, kikilos ba o magbubulag-bulagan?
- BULGAR

- 12 minutes ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | May 26, 2026

KASONG PLUNDER KINA ES RECTO AT IBA PANG GOV'T OFFICIALS, AKSYUNAN KAYA NI OMBUDSMAN BOYING REMULLA? – Sinampahan ni health advocate na si Tony Leachon ng kasong plunder sa Office of the Ombudsman sina Executive Secretary Lucas Bersamin, dating Finance Secretary Ralph Recto, Health Secretary Ted Herbosa, Finance Secretary Frederick Go at iba pang opisyal ng pamahalaan.
Kaugnay ito ng umano’y pagsasabwatan sa paglilipat sa Bureau of the Treasury ng mahigit P60 bilyong reserve funds ng PhilHealth at P107 bilyong pondo ng Philippine Deposit Insurance Corporation. Ayon kay Leachon, pera umano ito ng mga miyembro ng PhilHealth at depositors ng PDIC, at hindi bahagi ng kaban ng bayan.
Ang tanong ngayon, aaksyunan kaya ni Ombudsman Boying Remulla ang kasong isinampa laban sa mga opisyal na malalapit kay Pangulong Bongbong Marcos? Abangan!
XXX
MGA SENADOR AT CABINET MEMBERS MISTULANG NAGPAPALIGSAHAN SA DAMI NG KASONG PLUNDER – Sobrang lala na ng imahe ng Pilipinas sa mundo pagdating sa isyu ng korupsiyon.
Dito lang yata sa Pilipinas nangyayari na mistulang nagpapaligsahan pa ang ilang senador at cabinet members sa dami ng kinahaharap na kasong plunder na nababalita sa buong mundo. Boom!
XXX
MAY PUNTO ANG MAYORS FOR GOOD GOVERNANCE NA TULIGSAIN ANG PAMBI-BEYBI NG SENADO KAY SEN. BATO – Kinondena ng Mayors for Good Governance (MGG) ang Senado, iginiit na ang institusyon ay hindi dapat maging kanlungan ng absenteeism at pagtatakipan, kaugnay ng umano’y espesyal na trato kay Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa, na patuloy na tumatanggap ng suweldo kahit hindi regular na nakapapasok sa trabaho.
Ayon sa MGG, hindi dapat palampasin ang ganitong sitwasyon dahil nagiging isyu ito ng kawalan ng patas na pagtrato, lalo na kung ikukumpara sa mga ordinaryong manggagawa na umiiral ang “no work, no pay” policy kapag lumiliban sa trabaho.
Giit nila, dapat umiral ang mas mataas na pamantayan ng pananagutan sa mga halal na opisyal, lalo na sa hanay ng Senado, upang maiwasan ang impresyon ng “special treatment” sa ilang miyembro nito. Tsk!
XXX
KAYA PALA KUMALAS SI FRANCIS TOLENTINO SA PDP KASI MAY PROMISE RAW PALA SA KANYA NA KAPAG NATALO SIYA SA ELEKSYON, MAY BIYAYANG PAGIGING DOLE SEC. ANG NAGHIHINTAY SA KANYA – Itinalaga na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si dating Senador Francis Tolentino bilang bagong kalihim ng Department of Labor and Employment (DOLE), kapalit ni Sec. Benjamin Laguesma.
Nauna rito, kumalas si Tolentino sa partidong PDP ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at sumama sa senatorial slate ni Marcos noong 2025 election.
May mga espekulasyon naman na maaaring may kaugnayan ang kanyang paglipat sa pulitika sa inaasahang posibleng pagkakaloob ng posisyon sa gabinete, ngunit wala pang opisyal na kumpirmasyon hinggil dito. Boom!





Comments