top of page
BULGARY - SHUVEE, UMUPO NA SA PRIORITY LANE SA TREN, PATI SHOPPING BAGS, PINAUPO RIN-IG _s

PINGGA-KALINGA: Pinasan at kinalinga tayo ni Inang Kalikasan, paano natin ito matutumbasan?

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 1 hour ago
  • 4 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | August 5, 2026



Fr. Robert Reyes


Matinding tag-init ang bumalot sa buong Luzon noong bandang gitna ng dekada 90. Nagkakanda-matay ang mga tanim sampu ng mga hayop mula manok hanggang mga baka at kalabaw. 


Matindi ang pagdurusa ng ating mga magsasaka at ng mga mamamayang umaasa sa kanila. Noon natin naisipang muling ikampanya ang kamalayang dating buhay at likas sa mga mamamayang Pilipino: ang ating malalim na pagkakaibigan at pakikitungo sa TUBIG. Sa mga panahong iyon, isinilang ang kampanyang PINGGA-KALINGA.


Lakad-takbo nating nilakbay pasan-pasan ang PINGGA na may dalawang timbang tubig at gulay ang laman mula sa tanggapan ng DENR hanggang Tuguegarao sa Cagayan Valley upang makipag-ugnayan sa mga LGU, NGO at Simbahan at muling tingnan ang mga dahilan at sanhi ng pagkawala, pagkatuyo ng tubig ang sama-samang hanapin ang tamang tugon sa naturang krisis.


Naulit ang kampanyang PINGGA-KALINGA noong krisis ng pandemyang COVID-19 (Marso 2020). Inilako natin pasan ang PINGGA na merong dalawang bilao ng murang mga gulay at ibinenta nang murang-mura sa mga residente ng Pinyahan


At ngayon, sa ikatlong pagkakataon, muling inilunsad natin ang PINGGA-KALINGA sa loob ng Misa sa Simbahan ng St. John Paul II sa Eastwood, Libis noong nakaraang Martes, ika-1 ng Setyembre 2026. Pagkatapos ng Misa na inalay ni Obispo Rex Ramirex ng Biliran, pinasan ni Obispo Rex ang PINGGA na taglay ang dalawang timba.


Sa una, may tubig at pagong. Sa pangalawa, isang “Narra seedling” at mga gulay. Ang tema ng kampanya, “Living Water,” ay mula sa temang galing sa Batikano para sa Pagdiriwang ng Panahon ng Kalikasan (Season of Creation). “Tubig na Buhay, Buhay na Tubig” ang napagkasunduang salin ng temang galing sa Batikano. Ganito natin ipinaliwanag ang tema at ang kampanya ng PINGGA-KALINGA:


Umulan nang siyam-siyam noong nakaraang dalawang linggo. Bumaha sa iba’t ibang bahagi ng Greater Manila at mga karatig lalawigan tulad ng Bulacan at Pampanga. Hanggang ngayon, baha pa rin sa maraming bahagi ng Bulacan at Pampanga. Ganito tayo tuwing tag-ulan. Sobra-sobra ang tubig. Nakasisira ng tanim at tahanan.


Nakamamatay ng hayop at tao. At inaasahan din natin ang kabaligtaran tuwing tag-init. Maraming lugar na halos wala nang tubig para sa tanim, hayop at tao. Namamatay ang mga tanim. Nalulugi at naghihirap ang mga magsasaka. Nagugutom ang tao at hayop. Natutuyo ang paligid. Namamatay ang mga halaman at mga puno. Nagkukulay-lupa ang mga bundok. Madalas ang biglang liyab ng mga tuyong dahon, damo at kahoy.


Spontaneous combustion o biglang pagkasunog ang tawag dito. Taun-taong nangyayari. Paulit-ulit ang pagkasira at kamatayan. Iisa ang sinasabi ng pamahalaan at ng taumbayan: GANYAN TALAGA DITO. GANYAN TALAGA TAYO. MAGTIIS NA LANG TAYO. BAHALA NA!


Huwag lang tayong magalit. Huwag lang magsisihan. Magpakumbaba! Umamin ng pagkakamali! Magbago! Kumilos na bago mahuli ang lahat!


Unawain ang dati at dapat! Alamin ang pumapatay at nagbibigay-buhay. 

Hindi magbabago ang pangangailangan natin sa tubig na buhay. Dati, saanman, kailanman maaaring inumin, ipaligo, pangluto, languyan, laruan, babaran at lubluban ng mga kailangang magpahinga’t magpahilom mula sa iba’t ibang karamdaman.


Dapat lang ibalik ang dati. Dapat lang linisin, dalisayin, sagipin, ipagtanggol, ipaglaban ang tubig. Dapat lang bantayan at pigilan ang lahat ng pang-aabuso, panglalason, pagnanakaw, paninira ng mga “watershed”: ilog, batis, lawa, dagat.


Dapat lang singilin at pakilusin ang DENR; EMB; BOM; DAR; DA; DILG; DPWH; BFAR; at lahat-lahat ng ahensiya ng pamahalaan anuman ang mandato ng mga ito, merong hayagan o tila walang hayagang kaugnayan sa Tubig at Kalikasan… Nakalimutan na kasi natin na MAGKAKAUGNAY ANG   LAHAT!!! Nakalimutan na rin natin na HINDI TAYO ANG MAY-ARI NG LUPA! KUNDI ANG LUPA ANG MAY-ARI  SA ATIN!!!


Malalim ang ating kaugnayan sa tubig. Ang katawan ng tao ay binubuo ng 70% hanggang 90% ng tubig. Ang pagkalimot sa tubig ay pagkalimot sa pinagmulan nito, ang Diyos. Ang pagkalimot sa tubig ay pagkalimot din sa tao at kalikasan, ng malalim na kaugnayan ng dalawa sa tubig. 


Maaari tayong mabuhay nang walang pagkain sa loob ng dalawa, tatlo, apat na linggo o higit pa. Naranasan natin ito noong ika-10 ng Hulyo hanggang ika-22 ng Agosto 2005. Subalit, hindi natin kakayaning mabuhay nang walang tubig mula 3 hanggang 5 araw. 

Ito ang malalim na kabuluhan ng tubig sa sakramento ng binyag. Tinanggap natin ang buhay ng Diyos noong tayo ay binuhusan ng tubig sa ulo sabay sa panalangin ng pari, “Binibinyagan kita sa ngalan ng Ama, Anak at Espiritu Santo.”


Kaya muli nating nilulunsad ang PINGGA-KALINGA. Kung dati, pinasan, binuhat, hinele-hele, binuhay tayo ng tubig mula kay Inang Kalikasan. Tayo naman ang dapat pumasan, bumuhat, humele-hele, bumuhay sa kanya. Ito ang ginagawa ng pingga sa pagbuhay ng anumang bigat sa harapan o sa likod ng magpi-pingga.


Papasanin natin muli ang pingga: Sa harapan, balde ng malinis na tubig, may kasama tayong pagong din, sagisag ng mga hayop na umaasa sa tubig; sa likuran: Baldeng taglay ang isang itatanim na binhi ng puno (seedling, mas mabuti sapling) para buhayin muli ang mga gubat at kabundukan; at mga gulay at prutas na galing sa kalikasan na ikinabubuhay ng lahat.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page