‘Pinas, mananatiling ligtas sa gitna ng krisis sa Middle East
- BULGAR

- 2 days ago
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | March 4, 2026

Maigi at ng hindi tayo madamay sa isang digmaang wala namang direktang kinalaman sa ating soberanya at araw-araw na buhay, ito ang malinaw na mensaheng gustong ipaabot ng kalihim ng Department of National Defense (DND), sa gitna ng tumitinding tensyon sa Middle East, dahil sa pananaw niya, walang sapat na batayan ang pangamba na mahahatak ang Pilipinas sa gulo dahil lamang sa alyansa nito sa United States.
Matapos ang press conference ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Malacañang, iginiit ng kalihim na hindi maihahambing ang sitwasyon sa Middle East sa kalagayan ng Pilipinas at ng mas malawak na Indo-Pacific region.
Ang mga kasunduang pangseguridad ng bansa, ayon sa kanya, ay nakatuon lamang sa depensa at paghahanda sa banta, hindi sa pakikisangkot sa digmaan ng ibang estado.
Ang pagpapalakas ng alyansa ay proteksyon, hindi tiket patungo sa giyera na ikapapahamak ng ating mga kapwa Pinoy.
Pinagtibay rin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na wala silang nakikitang direktang banta sa pambansang seguridad mula sa kasalukuyang labanan sa Middle East.
Para malinawan ang ating mamamayan, mahalagang malaman nila ito sapagkat ang takot sa digmaan ay kadalasang nauuwi sa pangamba sa ekonomiya, trabaho, at kaligtasan ng pamilya.
Gayunman, hindi rin isinantabi ng pamahalaan ang responsibilidad nito sa ating mga kababayan abroad.
Aktibong nakikipag-ugnayan ang DND sa Department of Migrant Workers (DMW) at Department of Foreign Affairs (DFA) upang tumulong sa repatriation ng mga Pilipino sa apektadong lugar.
Ang usapin ay naging mas nakakabahala para sa bansa matapos masawi ang isang 32-anyos na Pilipinang caregiver sa Israel nang tamaan ng missile attack sa Tel Aviv noong Pebrero 28, kasabay ng pag-atake ng US at Israel.
Sa panig naman ng Iran, iniulat na tinarget ng puwersa ng US ang mga command center, missile site at naval assets sa unang yugto ng “Operation Epic Fury.”
Inangkin pa ni Donald Trump na maraming lider ng Iran, kabilang si Ali Khamenei, ang napatay, habang may nasawi at nasugatang sundalong Amerikano ayon sa ulat ng Anadolu.
Malinaw para sa Pilipinas na manatiling alerto ngunit hindi padalus-dalos.
Ang pinakamahalaga ay ang kaligtasan ng mamamayan, sa loob man o labas ng bansa.
Ang matalinong diplomasya at malinaw na patakaran sa depensa ang magsisilbing panangga upang hindi tayo madamay sa digmaang hindi atin.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com




Comments