‘Pinas, hindi pasok sa top 100 bansang less corruption, ibig sabihin talamak ang katiwalian
- BULGAR
- Feb 17
- 3 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Feb. 17, 2025

FAKE NEWS ANG HIRIT NI PBBM NA PRO-CHINA ANG MGA KANDIDATO NI EX-P-DUTERTE DAHIL SI SEN. BONG GO ANG DAMI NANG BESES BINATIKOS ANG CHINA -- Fake news ang atake ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) na pro-China raw ang mga kandidatong senador ni ex-P-Duterte.
Kaya natin nasabing fake news ay bigyang halimbawa natin ang sunud-sunod na pambabatikos ni reelectionist Sen. Bong Go sa China. Presidente pa noon si ex-P-
Duterte nang batikusin ito ng senador, noong Nov. 20, 2021, dahil hindi aniya katanggap-tanggap ang demand ng China na tanggalin ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal kasi sakop ito ng Pilipinas.
Hindi isang beses, kundi maraming beses binatikos ni Sen. Bong Go ang China sa tuwing may ginagawang harassment ang China Coast Guard (CCG) sa mga Pinoy sa West Philippine Sea (WPS), at ang mga pambabatikos ng senador sa China ay naganap noong Aug. 7, 2023, Nov. 12, 2023, Dec. 13, 2023 at June 17, 2024.
Hindi fake news ang mga pag-atake ni Sen. Bong Go sa pagmamalabis ng China sa WPS dahil masi-search naman iyan sa Google, at ang fake news ay ‘yung atake nga ni PBBM na pro-China ang mga kandidato ni ex-P-Duterte, period!
XXX
SA 12 KANDIDATONG SENADOR NI PBBM, BAKA 6 LANG MANALO -- Kung pagbabasehan ang mga lumalabas na survey ay “suntok sa buwan” o hindi kapani-paniwala ang statement ni PBBM na mananalo ang 12 niyang kandidato sa pagka-senador.
Sa mga survey kasi, laging pasok sa top 3 si Sen. Bong Go, at kasama rin lagi sa top 12 sina broadcast journalist Ben Tulfo, Sen. Ronald Dela Rosa at TV host-comedian Willie Revillame, at dahil sa puspusang kampanya naman nina former Vice Pres. Leni Robredo, Sen. Risa Hontiveros, Sharon Cuneta at ilan pang celebrity sa kandidatura nina former Senators Kiko Pangilinan at Bam Aquino, ay malaki rin ang tsansang sa huli, mapasok sila sa top 12 winners sa pagka-senador.
Ang nais nating ipunto rito ay malabong 12-0 ang resulta pabor sa Marcos senatorial candidates, kasi sa totoo lang, baka anim lang na kandidato ni PBBM ang lumusot at ang anim matatalo, boom!
XXX
SA DATA NG TRANSPARENCY INTERNATIONAL-CORRUPTION PERCEPTIONS INDEX, HINDI PASOK ANG ‘PINAS SA TOP 100 BANSANG LESS ANG CORRUPTION -- Sa data na inilabas ng Transparency International na nakabase sa Berlin, Germany patungkol sa “Corruption Perceptions Index 2024” ng 180 bansa sa mundo ay hindi pasok ang Pilipinas sa top 100 countries na less ang corruption.
Ibig sabihin niyan ay pasok ang ‘Pinas sa mga bansang malala o talamak ang ‘corruption’, at hindi naman talaga nakapagtataka malaglag ang bansa sa less corruption dahil ang iniluluklok sa puwesto ng mga kung tawagin ay mga “bobotante” ay mga magkakapamilyang pulitiko o political dynasty, mga trapo (traditional politicians) at mga kurakot, tsk!
XXX
DAPAT HUBARAN NA NG MASKARA ANG MGA CUSTOMS OFFICIAL NA PASOK SA ‘TARA SYSTEM’ -- Sa nakaraang hearing ng Quad Committee ng Kamara ay muling napag-usapan dito ang “tara system” ng mga opisyal ng Customs at itong sistemang payola (tara) ang sinasabing isa sa dahilan kaya naipupuslit papasok sa ‘Pinas ang mga shabu shipments.
Dahil diyan ay nagpasya ang QuadComm na imbitahan si Customs Comm. Bienvenido Rubio para makuwestiyon tungkol sa tara system, pero hanggang ngayon ay wala pang nagaganap na imbestigasyon.
Dapat ituloy na ng QuadComm ang imbestigasyon dito para mahubaran na ng maskara ang mga kurakot na Customs officials na may natatanggap na “tara” mula sa mga smuggler, period!
Opmerkingen