Pinalawak na Solo Parents Welfare Act
- BULGAR
- Apr 13, 2023
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | April 13, 2023
Dear Chief Acosta,
Mula nang isinilang ko ang aking anak, ako na ang mag-isang tumayong magulang, nag-aruga at sumuporta sa lahat ng mga pangangailangan niya. Kaugnay nito, ako ay nakatatanggap ng mga benepisyo sa ilalim ng Solo Parents Welfare Act. Bagama’t 19-anyos na ang aking anak, siya lubos na umaasa pa rin sa akin dahil tinatapos pa niya ang kanyang pag-aaral. Nang ako ay magre-renew ng aking Solo Parent ID card, tinanggihan ako sa kadahilanang nasa hustong edad na ang aking anak. Tama ba ang pagtangging ito? –Shing
Dear Shing,
Para sa iyong kaalaman, ang batas na sumasaklaw sa iyong katanungan ay ang Republic Act No. 11861, o mas kilala bilang “Expanded Solo Parents Welfare Act,” kung saan nakasaad ang mga sumusunod:
“SEC. 3. Definition of Terms – As used in this Act:
(b) Children or dependents refer to those living with and dependent upon the solo parent for support who are unmarried, unemployed and twenty-two (22) years old or below, or those over twenty-two (22) years old but who are unable to fully take care or protect themselves from abuse, neglect, cruelty, exploitation, or discrimination because of a physical or mental disability or condition: Provided, That this definition shall only apply for purposes of availing the benefits under this Act;
SEC. 4. Categories of Solo Parent. – A solo parent refers to any individual who falls under any of the following categories:
A parent who provides sole parental care and support of the child or children due to–”
Ang solo parent ay may karapatan sa mga benepisyong itinatadhana ng nasabing batas. Ayon sa mga depenisyon sa itaas, ang solo parent ay isang magulang na nagbibigay ng tanging pag-aalaga at suporta sa anak. Kaugnay nito, ang child/dependent o bata/anak na sakop ng batas ay ang nakatira at umaasa sa solong magulang para sa suporta – at ang nasabing bata/dependent ay walang asawa, walang trabaho at 22-anyos pababa.
Alinsunod dito, sa iyong sitwasyon, bilang solo parent, ikaw ay may karapatan pa ring makatanggap ng benepisyo na ibinibigay sa ilalim ng nasabing batas kung iyong mapatutunayan na ang 19 taong gulang mong anak ay pasok sa nabanggit na mga kondisyon at umaasa pa rin sa iyo para sa suporta. Sa madaling salita, dapat ang iyong anak ay napapailalim pa rin sa mga kondisyon na itinatadhana ng batas.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments