top of page

Pinainom, nilatigo at binato… 2-anyos, nakatikim ng kalupitan sa amain

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 17 hours ago
  • 5 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | August 24, 2025



ISSUE #363


Meron tayong mga batas na nagpapataw ng mabibigat na kaparusahan sa sinumang mang-aabuso o nang-aabuso sa mga kabataan. 


Mga batas na ang layon ay isulong ang kapakanan at kaligtasan ng mga miyembro ng ating lipunan na dehado dahil sa kanilang murang edad at kamusmusan.


Subalit, bakit magpahanggang ngayon ay marami pa rin sa kanila ang inaabuso; ultimo ang mga maliliit, musmos at wala pang mga muwang sa mundo? Dahil ba hindi nila kayang ipagtanggol ang kanilang mga sarili kaya sila ang madalas na sinasaktan at inaapi? 


Higit pa na nakakabahala at nakakapanlumo kung ang karahasan sa kanila ang dahilan ng kanilang pagpanaw rito sa mundo. 


Karahasan na nauwi sa kamatayan, iyan ang sinapit ni AAA - ang 2-taong gulang na biktima sa kuwento na aming ibabahagi sa araw na ito, hango sa kasong People of the Philippines vs. Roel Capangpangan y Gopio and Sheryl Magculang y Mana-ay (Criminal Case No. 10-835, May 2, 2017). 


Pitong taon ang naging pakikibaka ng musmos niyang kaluluwa, hustisya ba ay nakamit niya? Sama-sama nating alamin kung ano ang nangyari sa kaso na ito.


Paratang para sa krimen na murder ang inahain laban kay Roel sa Regional Trial Court, Branch 136 ng Makati City (RTC Makati City) sa pamamaslang kay AAA. 


Naganap ang malagim na insidente noong ika-6 ng Abril 2010, sa siyudad ng Makati. Diumano, sinamantala ni Roel ang kanyang higit na lakas at edad nang kanyang painumin ang musmos na biktima ng Gin, pinalo sa iba’t ibang bahagi ng katawan at ibinato sa sementado na sahig na siyang naging sanhi ng matinding pinsala at kalaunan naging dahilan ng kamatayan ni AAA. 


Si Sheryl, ina ni AAA na kinakasama ni Roel, ay dawit sa krimen bilang accessory sa pamamaslang kay AAA. 


Diumano, nakipagtulungan si Sheryl upang ikubli ang malagim na sinapit ni AAA sa pamamagitan ng kanyang pagtulong kay Roel na itapon ang bangkay ng kanyang anak sa ilang na bahagi ng Dasmariñas, Cavite, pati na ang hindi niya pagsusumbong sa ginawang krimen ng kanyang kinakasama.


Batay sa testimonya ni Bantay Bayan Danilo, humingi sa kanya ng tulong ang ina at kapatid ni Sheryl upang hanapin ang bata na si AAA. 


Nagtungo sila sa South Super Highway, sa ilalim ng Skyway flyover, at doon ay nakita ng kapatid ni Sheryl si Roel at tinanong ito kung nasaan si AAA. Sumagot diumano si Roel na nasa kapatid niya sa Cavite ang naturang bata. Kalaunan ay inaresto sina Roel at Sheryl kaugnay sa pamamaslang kay AAA. 


Habang papunta sa himpilan ng Criminal Investigation Division, sinabi diumano ni Roel na wala na si AAA, at patay na umano ang nasabing bata. 


Batay naman sa testimonya ni SPO1 Sadsad, inamin diumano sa kanya ni Roel na pinainom niya ng Gin si AAA, pinagpapalo at ibinalot sa damit. Itinuro diumano ni Roel kung saan sa Dasmariñas, Cavite dinala at iniwan ang katawan ni AAA, na agad namang pinuntahan ng mga operatiba. Sapagkat inilibing ang bangkay ni AAA, kinilala na lamang ni Sheryl ang kanyang anak sa pamamagitan ng mga kuhang litrato.


Si Dr. Seranillos ang nagsagawa ng post mortem examination sa bangkay ni AAA. 

Ayon sa kanya, blunt traumatic injuries na tinamo sa ulo ng batang biktima ang naging sanhi ng kamatayan nito. Nagsumamo naman sa hukuman ng paglilitis sina Roel at Sheryl na sila ay walang kasalanan sa pagpanaw ni AAA.


Batay sa testimonya ni Sheryl, unang baitang lamang sa elementarya ang kanyang naabot at na hindi siya marunong bumasa o sumulat. Kanyang kinumpirma ang pinatotohanan ng tagausig na pinaslang ni Roel si AAA. Naging tikom diumano ang kanyang bibig noong naganap ang malagim na insidente dahil maging siya ay pinagbantaan na papaslangin din ni Roel. Kinumpirma rin ni Sheryl na dinala nila ang wala nang buhay na katawan ng kanyang anak sa kapatid ni Roel sa Cavite. 


Nanatiling tikom ang kanyang bibig bunsod sa patuloy na takot para sa kanyang sariling buhay. Nang hiwalayan niya umano si Roel ay ibinahagi niya sa kaibigan ng kanyang kapatid ang pagkakapaslang kay AAA, pati na ang ginawang paglibing sa katawan ng kanyang anak sa Cavite. 


Pinabulaanan naman ni Roel ang mga alegasyon laban sa kanya. Diumano, ang mga ito ay gawa-gawa lamang ni Sheryl. 


Dagdag pa ni Roel, sinabi na lamang diumano sa kanya ni Sheryl na patay na si AAA, ngunit hindi umano ipinaliwanag sa kanya kung bakit o paano ito nangyari. 


Tumestigo naman si Margie, kapatid ni Roel, na nakita niya si Sheryl nang dalhin ng huli

si AAA sa Cavite. Napansin diumano ni Margie na merong mantsa ang damit ni Sheryl, ngunit sinabi umano nito sa kanya na dumi lamang iyon ni AAA. 


Dagdag pa ni Margie, tila umano merong saltik si Sheryl dahil tumatawa ito nang walang dahilan. 


Makalipas diumano ang isang buwan ay nakita na lamang niya si Roel, lulan ng sasakyang pampulis, na merong pasa ang mukha. 


Matapos ang mabusising pag-aaral sa bawat ebidensya na isinumite sa hukuman ng paglilitis, nagbaba ng hatol ang RTC Makati City. Guilty beyond reasonable doubt si Roel para sa krimen na murder. 


Nakumbinsi ang hukuman ng paglilitis na naitaguyod ng tagausig nang higit pa sa makatuwirang pagdududa na sinamantala ni Roel ang kanyang higit na lakas at edad sa pananakit kay AAA at na walang-awa nito na ibinato ang musmos na biktima na naging sanhi ng kanyang mga pinsala sa katawan at ang kalaunan na kamatayan.


Pagbibigay-linaw pa ng RTC Makati City, hindi kapani-paniwala ang depensa ni Roel na nakisama lamang siya sa gustong mangyari ni Sheryl. 


Para sa hukuman ng paglilitis, hindi naaayon sa inaasahan na pag-uugali ng isang tao, na nalaman na pinaslang ang anak ng kanya mismong kinakasama, na sumakay na lamang sa agos ng pangyayari at ikubli ang malagim na sinapit ng biktima. 


Dahil dito, ipinag-utos ng RTC Makati City ang pagpataw kay Roel ng parusa na reclusion perpetua without eligibility for parole. 


Ipinag-utos din ng RTC Makati City ang kanyang pagbabayad-pinsala ng halagang P75,000.00, at moral damages sa halagang P75,000.00.


Ipinawalang-sala naman ng RTC Makati City si Sheryl. Sang-ayon ang hukuman ng paglilitis sa iginiit ng depensa, sa tulong ni Manananggol Pambayan M. C. Bastasa ng PAO-Makati City District Office, na ang pananagutang kriminal ni Sheryl ay pinabulaanan ng kanyang lagay ng pag-iisip. 


Para sa hukuman ng paglilitis, naitaguyod ng depensa ang labis na pagkabigla at hindi pagkatanggap ni Sheryl sa katotohanan ng pagkamatay ng kanyang 2-taong gulang na anak, dahilan ng pagkawalang-imik nito. Bagaman merong mga indibidwal na maaaring agad na maninindigan kung maharap sa ganitong uri ng sitwasyon. 


Binigyang-linaw ng hukuman ng paglilitis na ang pagiging tikom ni Sheryl sa sinapit ng kanyang anak ay hindi maituturing na pagkukulang na merong kaparusahan sa ilalim ng ating Revised Penal Code.


Ang desisyon na ito ng RTC Makati City ay ipinroklama noong ika-2 ng Mayo 2017.

Napakahirap para sa isang ina na mawalay sa kanyang anak, lalo’t higit kung ito ay dahil sa isang malagim na krimen. Karagdagan pa na pagpapahirap sa isang ina ang masangkot sa pagpanaw ng sariling anak kung ang mga nangyari ay wala sa kanyang kontrol. 


Pagkaparalisa ng kanyang buong pagkatao at pagkagunaw ng kanyang mundo – ilan lamang ang mga iyan na magiging bitbit niya hanggang ang kanya namang buhay ay matuldukan sa mundong ito.


Napawalang-sala man si Sheryl, hindi na kailanman maibabalik pa ang kanyang buhay na parte si AAA. Marahil patuloy niya ring dadalhin ang bigat sa kalooban at kanyang konsensya na sa pagmamalupit na sinapit ng kanyang musmos na anak. 


Hindi man naipagtanggol ng kanyang ina ang buhay ng musmos na anghel na si AAA, dalangin namin ang katahimikan ng kanyang kaluluwa. 


Nawa ay nakamit pa rin niya ang inaasam na hustisya sa ibinaba na desisyon laban sa amain niya na pumaslang sa kanya. Dalangin din namin na wala nang iba pang mga kabataan ang mabiktima, upang wala na ring maging dahilan ng kanilang pagdaing sa sinapit na kalupitan at kamatayan mula sa nasabing krimen.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page