Pinahabang validity ng pasaporte at lisensya, malaking ginhawa sa Pinoy
- BULGAR

- 3 hours ago
- 3 min read
ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | August 7, 2026

Noong August 2, ginunita natin ang anibersaryo ng dalawang mahalagang repormang ipinatupad sa panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Siyam na taon na ang nakalipas mula nang lagdaan niya ang mga batas na nagpalawig sa bisa ng Philippine passport at driver’s license.
Sa ilalim ng Republic Act No. 10928, naging sampung taon mula sa dating limang taon ang bisa ng regular na pasaporte para sa mga Pilipinong 18 taong gulang pataas. Sa Republic Act No. 10930 naman, pinalawig mula tatlo hanggang limang taon ang pangkalahatang bisa ng driver’s license. Maaari rin itong ma-extend hanggang sampung taon kung maganda ang record ng may-ari ng lisensya.
Maganda ang naging pagtanggap ng publiko sa mga repormang ito dahil direktang nabawasan ang gastos at abala ng ating mga kababayan. Hindi na nila kailangan ang mas madalas na pagbabayad ng renewal fee, paghahanda ng mga dokumento, pagkuha ng appointment, pagbiyahe patungo sa mga tanggapan, at pagliban sa trabaho.
Para sa ating mga overseas Filipino worker (OFW) na madalas lumabas ng bansa, malaking ginhawa ang sampung taong bisa ng pasaporte. Nabawasan ang pagkaantala sa pag-aasikaso ng mga dokumento para sa trabaho, paglalakbay, o paninirahan sa ibang bansa.
Huwag nating pahirapan ang mga Pilipino kung maaari namang gawing mas mahaba ang validity nang hindi isinasakripisyo ang seguridad at kalidad ng serbisyo. Pera ng taumbayan ang ginagamit sa pagpapatakbo ng gobyerno. Nararapat lamang na maayos, mabilis, at convenient para sa kanila ang serbisyong kanilang natatanggap.
Ito rin ang prinsipyong nais kong ipagpatuloy sa Senate Bill No. 2326, na inihain ko noong July 15. Layunin nitong palawigin mula tatlo hanggang limang taon ang bisa ng mga Professional Identification Card na inilalabas ng Professional Regulation Commission (PRC).
Layunin ng panukalang ito na gawing mas magaan ang proseso para sa ating mga propesyonal.
Ang serbisyo ng gobyerno ay dapat nakatuon sa kapakanan ng tao. Dapat protektado ang seguridad at pagiging maaasahan ng mga opisyal na dokumento, ngunit kailangan ding maging makatwiran ang proseso at panahon ng pag-renew.
Umaasa ako sa suporta ng aking mga kapwa mambabatas para sa panukalang limang taong validity ng mga PRC ID. Ipinakita na ng positibong tugon sa mas mahabang validity ng pasaporte at lisensya sa pagmamaneho na pinahahalagahan ng mga Pilipino ang mga repormang direktang nagpapagaan sa kanilang buhay.
Samantala, personal tayong bumisita sa Davao Oriental noong August 1 upang dumalo sa Inauguration Ceremony ng Davao Oriental State University Lupon Extension Campus.
Matapos nito, nagtungo tayo sa Barangay Tibanban, Governor Generoso sa parehong lalawigan, kung saan personal tayong nagpaabot ng tulong sa mga pamilyang naapektuhan ng sunog. Nagbigay rin tayo ng financial assistance sa humigit-kumulang 800 benepisyaryo mula sa mga mahihirap na sektor, kabilang ang mga kababaihan, miyembro ng mga religious organizations, at mga barangay functionaries.
Sa parehong araw, naging panauhin din tayo sa pagdiriwang ng ika-78 Founding Anniversary ng Governor Generoso at sa State of the Municipal Address ni Mayor Juanito “Kulot” Inojales. Ipinaabot din natin ang pagbati at pagkilala sa mga lokal na opisyal ng bayan para sa kanilang patuloy na paglilingkod sa kanilang mga nasasakupan.
Samantala, noong nakaraang linggo, naghatid din ng karagdagang tulong ang ating Malasakit Team sa mga nangangailangang mga kababayan natin. Agad nating tinulungan ang mga nasunugan sa Pasay City, Caloocan City, Valenzuela City, Muntinlupa City, Cebu City, at Anilao sa Iloilo.
Nagpaabot din ang ating Malasakit Team ng tulong sa mga naulilang pamilya nina Aron Ontong, estudyanteng mula sa Las Piñas City na nasaksak ng kanyang kaklase. Nakikiisa tayo sa kanilang mga mahal sa buhay sa gitna ng mabigat na panahong ito. Naniniwala ako na nararapat lamang na magkaroon ng kapanatagan ang bawat Pilipino.
Naghatid din ng suporta ang ating Malasakit Team sa mga nagsitapos sa technical-vocational scholarship programs sa Paranas, Samar.
Nakiisa rin ang ating Malasakit Team sa turnover ng Super Health Center sa Balo-i, Lanao del Sur at naghatid din tayo ng grocery packs para sa ating mga barangay health workers.
Bilang Mr. Malasakit, isang malaking karangalan para sa akin ang tiwalang ibinigay ng sambayanang Pilipino. Patuloy lang akong magseserbisyo sa abot ng aking makakaya. Bisyo ko ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.





Comments