top of page

PhilHealth funds, para sa pasyente, hindi sa ibang proyekto

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 3 hours ago
  • 3 min read

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | February 6, 2026



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go


Bilang isang health reforms crusader, mahalaga sa akin ang sapat, maayos at napapanahong pagbabayad ng benepisyo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) para sa ating mga kababayan. Malaking tulong sa mga Pilipino, lalo na ang mga mahihirap, ang iniulat ng PhilHealth na marami umanong benefit claims ang napakinabangan ng mga pasyente nitong nakaraang taon.


Lagi kong sinasabi, ang pondo ng PhilHealth ay dapat gamitin sa health. Pera ito ng taumbayan at dapat lamang na ibalik sa kanila sa pamamagitan ng maayos na serbisyong medikal. Karapatan ng mga pasyente na maramdaman ang ginhawang dulot kapag nababawasan ang pasanin sa gastos. Sa panig ng mga ospital, mahalaga ang tuluy-tuloy na daloy ng pondo upang maipagpatuloy ang serbisyong medikal.


Sa sesyon ng Senado nitong Martes, muli tayong nanawagan para matugunan ang tinatawag kong "double whammy" sa pondo ng PhilHealth noong isang taon – ang P60 bilyong "excess funds" na ilegal at imoral na kinuha sa PhilHealth para gamitin sa ibang proyekto, at ang zero budget ng ahensya sa 2025.


Salamat sa Supreme Court dahil ipinag-utos na ibalik sa PhilHealth ang P60 bilyon. Pero paano naman ang pondong ipinagkait sa mga pasyente dahil sa zero budget allocation noong isang taon? Napakarami sanang Pilipinong may sakit ang natulungan nito, napakaraming buhay sana ang naisalba. Mariin ang ating panawagan na maibalik ito sa taumbayan.


Bilang inyong senador, patuloy kong isusulong ang mga batas, programa, at reporma na mangangalaga sa kalusugan ng mga Pilipino lalo na ng mahihirap nating mga kababayan.


Samantala, tuluy-tuloy ang pagbibigay-tulong natin sa mga kababayan nating nangangailangan. Nitong January 28, personal tayong nagtungo sa Makati City para maghatid ng assistance sa mga pamilyang nasunugan doon. Nakasama ko rin ang mga barangay officials sa pag-iikot sa lugar ng insidente. Sa sumunod na araw, January 29, binigyang-pugay natin ang mga Barangay Health Workers nang dumalo tayo sa UNI Global Union Philippine Liaison Council (UNI-PLC) BHW Island Cluster Training and Planning Session sa B Hotel, Quezon City.


Personal din nating binisita ang mga residenteng nasunugan sa Barangay 139, Zone 15, Pasay City at nagbigay ng tulong sa mga ito. 


Nagpatuloy rin ang aking team sa pagbibigay ng agarang tulong sa mga biktima ng sunog sa Quezon City; Manay, Davao Oriental; Puerto Princesa City, Palawan; Sta. Rosa, Laguna; at Iligan City, Lanao del Norte. Nagbigay rin kami ng tulong sa ilang indigent na residente sa Macabebe, Pampanga. Bukod dito, naghatid din kami ng ayuda sa mga biktima ng lindol sa Lebak, Sultan Kudarat.


Nagpaabot din tayo ng pakikiramay at tulong sa mga naiwang pamilya ng mga sundalong killed in action (KIA) na sina Sgt. Gilbert P. Arnoza, Sgt. Junel M. Calgas, Pfc. Sean Mark A. Laniton, at Ssg. Diosito A. Araya, na nasawi sa isang ambush incident noong January 23 habang ginagampanan ang kanilang tungkulin.


Kaugnay ng parehong insidente, kinamusta rin natin ang wounded-in-action (WIA) na si Cpl. Rollen dela Cruz ng 10th Infantry Battalion sa Camp Evangelista, Cagayan de Oro City, bilang pagpapakita ng malasakit, pagkilala sa kanilang sakripisyo, at pagbibigay-diin sa kanyang patuloy na suporta at panalangin para sa mga uniformed personnel at kanilang mga pamilya.


Bilang mambabatas, gagawin ko ang aking trabaho sa abot ng aking makakaya upang mapabuti ang buhay ng ating mga kababayan dahil bisyo ko ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.



Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page