top of page

PBBM, napahiya sa buong mundo dahil sa fake news na nahuli na si Zaldy Co

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 hours ago
  • 3 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | April 29, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


HINDI LANG SA MGA PINOY NAPAHIYA SI PBBM SA FAKE NEWS NA NAHULI NA SI ZALDY CO, KUNDI SA BUONG MUNDO – Malaking kahihiyan ang inabot ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM), hindi lamang sa mamamayang Pilipino kundi maging sa pandaigdigang komunidad, matapos mapatunayang mali ang kanyang naunang pahayag na nahuli na sa Czech Republic si dating kongresista Zaldy Co, na itinuturong isa sa mga utak sa umano’y anomalya sa flood control projects.

Sa kalaunan, lumabas na hindi inaresto o nakulong ang dating mambabatas. Ayon kay Department of Justice (DOJ) Secretary Frederick Vida, nakalabas na umano ng Czech Republic ang nasabing indibidwal.


Naging mas kapansin-pansin ang isyu dahil ang naunang pahayag tungkol sa umano’y pagkakahuli ay naibalita rin sa international media at mabilis na kumalat sa social media, na may malawak na abot sa iba’t ibang panig ng mundo.


Magsilbi sana itong paalala na mahalagang tiyakin muna ang katotohanan ng impormasyon bago ito ipahayag sa publiko, upang maiwasan ang kalituhan at mapanatili ang kredibilidad. Period!


XXX


PARA MAKABAWI SI PBBM SA KAHIHIYANG INABOT SA FAKE NEWS NA NAHULI NA SI ZALDY CO, DAPAT MAIPAKULONG NA RIN AGAD SI CONG. ROMUALDEZ — Para makabawi si PBBM sa kahihiyang dulot ng maling anunsyo na nahuli na si Zaldy Co, dapat umanong hilingin ni Ombudsman Boying Remulla sa Sandiganbayan na magsagawa ng marathon hearing sa kasong plunder, indirect bribery, at money laundering laban kay Martin Romualdez, upang agad itong maresolba.


Ayon sa argumento, kung hindi umano binigyan ng travel clearance ni Romualdez si Co noong siya pa ang Speaker, hindi sana ito nakalabas ng bansa. Dahil dito, posibleng nakulong na sana si Co at naiwasan din ang maling pahayag na siya ay nahuli na sa ibang bansa. Boom!


XXX


VP SARA, IWAS SA HOUSE JUSTICE COMMITTEE, ATTY. MANS IWAS SA MEDIA INTERVIEW, IBIG KAYANG SABIHIN NIYAN AY HINDI NILA KAYANG IPALIWANAG ANG BILLIONS OF PESOS TRANSAKSYON NILA SA MGA BANGKO ? — Matapos magsampa si Atty. Mans Carpio, mister ni Vice President Sara Duterte, ng mga kasong paglabag sa Bank Secrecy Law at Data Privacy Act laban sa mga opisyal ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), Anti-Money Laundering Council (AMLC), at ilang kongresista, umiwas siya sa panayam ng media at sinabing ang kanyang abogado na lamang ang sasagot sa mga katanungan.


Mistulang ginaya ni Atty. Mans ang kanyang misis na si VP Sara. Kung ang bise presidente ay umiiwas sa pagsagot sa mga alegasyon laban sa kanya sa House Justice Committee, ganoon din si Atty. Mans na tumangging harapin ang mga tanong ng media.

Ibig bang sabihin nito ay hindi nila kayang ipaliwanag ang bilyun-bilyong pisong transaksyon sa mga bangko? Period!


XXX


DAHIL SA KORUPSIYON NG 2 SK CHAIRPERSONS SA MAKATI CITY, BAKA MAGING DAHILAN ITO PARA TULUYANG BUWAGIN NA ANG SK – Dalawang Sangguniang Kabataan (SK) chairperson sa Makati City ang sinuspinde at sinampahan ng kasong graft and corruption ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Ayon sa ulat, nahaharap ang mga ito sa paratang kaugnay ng umano’y katiwalian sa kanilang tungkulin bilang mga opisyal ng SK.


Samantala, umani ng diskusyon sa publiko ang insidente, lalo na sa usapin ng integridad ng mga kabataang lider. May mga nagsasabi rin na hindi dapat agad na isisi sa buong SK system ang mga ganitong kaso, kundi imbestigahan at panagutin ang mga indibidwal na sangkot sa anumang iregularidad. Period!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page