top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

PBBM, nanganganib sa oras na maibalik ang war on drugs

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 5 hours ago
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 9, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


DEFENSE TEAM, 2 MAGKASUNOD NA ARAW NAKA-SCORE, BINOKYA ANG PROSECUTION PANEL – Sa dalawang araw ng impeachment trial, dalawang beses naka-score ang defense team ni Vice President Sara Duterte laban sa House prosecutors at private prosecutors.


Sa unang araw, hiniling ng House lead prosecutor na si Cong. Jinky Luistro na humarap si VP Sara sa impeachment court para sa arraignment, ngunit kinontra ito ng defense team. Kinatigan ni Presiding Officer Sen. Chiz Escudero ang pagtutol dahil, batay sa liham ng bise presidente, nakapagpasok na ito ng plea of not guilty.


Sa ikalawang araw naman, hiniling ni private prosecutor Atty. Lorna Kapunan na humarap si VP Sara sa pagdinig, ngunit muli itong kinontra ng defense team. Muli ring kinatigan ni Sen. Escudero ang pagtutol dahil mayroon namang mga abogado ang bise presidente na kumakatawan sa kanya sa impeachment court.

Sa dalawang pagkabokya ng House prosecutors at private prosecutors pa lamang, tila magiging mahirap para sa kanila na ma-impeach si VP Sara. Boom!


XXX


‘WAG NAMAN PULOS IMPEACHMENT ANG ATUPAGIN NG MGA SENADOR, DAPAT AMYENDAHAN NA AGAD ANG BATAS NI SEN. PANGILINAN – Sunud-sunod ang mga karahasang kinasasangkutan ng mga kabataan. Pinakahuli rito ang pananaksak umano ng anim na binatilyo sa dalawang high school student sa labas ng isang paaralan sa Davao City.


Marahil ay nagiging kampante ang ilang kabataan dahil sa paniniwalang hindi sila mapapanagot sa batas, kaya lalong lumalakas ang loob ng ilan na gumawa ng karahasan.


Ang nais nating ipunto rito ay huwag namang puro impeachment ang inaatupag ng Senado. Dapat ding agarang pag-aralan ang pag-amyenda sa Juvenile Justice and Welfare Act, kabilang ang panukalang ibaba sa 12 taong gulang ang edad ng maaaring managot sa krimen, upang makatulong na mapigilan ang lumalalang karahasang kinasasangkutan ng mga kabataan. Period!


XXX


KAPAG SI VP SARA ANG NAGING PRESIDENTE AT SA ILULUNSAD NIYANG 'WAR ON DRUGS', BAKA UNANG TAMAAN SI PBBM – Sakaling hindi ma-impeach si VP Sara at manalo siya sa pagkapangulo, sinabi niyang isa sa magiging prayoridad ng kanyang administrasyon ang pagbabalik ng "war on drugs" na sinimulan ng kanyang amang si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.


Naku, hindi man aminin, tiyak na kakaba-kaba na ngayon pa lang si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., lalo na't base sa naging pahayag ng kanyang ate na si Sen. Imee Marcos, isa umano siyang "durugista." Baka nga siya pa ang unang tamaan ng ibabalik na "war on drugs" ng isang Sara Duterte administration. Boom!


XXX


SA QC, MAY CASINO NA PARA SA MGA RICH, MAY SANGKATERBANG STL OUTLET PA PARA SA MGA POOR – Sa panahon ng mga nagdaang alkalde ng Quezon City, tinutulan nina dating Mayor Sonny Belmonte at dating Mayor Herbert Bautista ang hirit ng mga kapitalista na magtayo ng casino at maglagay ng mga STL outlet sa lungsod.


Ang masaklap ngayon, sa ilalim ng administrasyon ni Mayor Joy Belmonte, may casino na para sa mayayaman, nagkalat pa ang mga STL outlet para naman sa mahihirap. Tsk!


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page