PBBM, nagkaka-kickback na ng bilyun-bilyon ang mga tauhan, hindi pa alam, grabe!
- BULGAR

- 10 hours ago
- 3 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | November 20, 2025

HINDI MAITATANGGI NA MAS MASAKIT KAY FORMER FL IMELDA ANG AWAY NG MAGKAPATID NA PBBM AT SEN. IMEE KAYSA NOONG MAPATALSIK AT MA-EXILE SILA SA HAWAII -- Hindi maitatanggi na nakarating na kay former First Lady Imelda Marcos ang gusot na namamagitan ngayon sa mga mahal niya sa buhay, ang pamilya ni Pres. Bongbong Marcos at ni Sen. Imee Marcos.
Ang alitang ito ay masakit para kay former FL Imelda dahil dumating sa punto na inakusahan ni Sen. Imee ang mag-asawang PBBM at FL Liza Araneta-Marcos, pati kanilang mga anak na adik umano sa droga, at ang resbak post sa social media ni Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos na "hindi asal ng isang tunay na kapatid" ang atake ng senadora sa Presidente na naging dahilan upang mag-react si Sen. Imee na nagsabing handa siyang magpa-DNA test para patunayang may dugo siyang Marcos, basta aniya ang buong pamilya ng Pangulo ay magpapa-hair follicle drug test.
Hindi man aminin, ay tiyak ramdam ni former FL Imelda na mas masakit ang naisapublikong away-pulitika ng pamilya ni PBBM at ni Sen. Imee kaysa nang mapatalsik noon sa Malacañang si former Pres. Ferdinand Edralin Marcos, Sr. at ma-
exile sa Hawaii ang buong pamilya nila noong 1986 People Power EDSA Revolution, tsk!
XXX
SABLAY ANG PAGBUBUNYI NG MGA DDS DAHIL NATAPOS ANG MGA ATAKE NINA ZALDY CO AT SEN. IMEE, AT ANTI-CORRUPTION RALLY NG INC NA SI PBBM PA RIN ANG PANGULO NG ‘PINAS -- Matindi ang video na “pasabog” ni former Cong. Zaldy Co na si PBBM ang nagpa-insert umano ng P100 billion sa Bicam, sinundan niya ito ng isa pang "pasabog" na tumanggap daw ng male-maletang kickback ang Presidente, pagkaraan niyan ay naglunsad ang kapatiran ng Iglesia ni Cristo (INC) ng dalawang araw na rally laban sa corruption at sinabayan pa iyan ng pagbubulgar ni Sen. Imee na adik umano sa droga ang kapatid niyang Presidente at buong pamilya nito.
Nagbunyi ang mga Duterte Diehard Supporters (DDs) sa mga kaganapan na iyan, nagpakalat na sila sa social media na sa Nov. 19, 2025 ay talsik na sa puwesto si PBBM at si Vice Pres. Sara Duterte-Carpio na ang uupong presidente, pero ang masakit na katotohanan para sa kanila (mga DDS), sablay pala ang pagbubunyi nila, kasi natapos ang mga atake nina Zaldy Co at Sen. Imee at natapos din ang rally ng INC, na si PBBM pa rin ang Pangulo ng ‘Pinas, boom!
XXX
WEAK LEADER NGA YATANG TALAGA SI PBBM, NAGKAKA-KICKBACK NA NG BILYUN-BILYON ANG MGA TAO NIYA, HINDI PA ALAM – Bagama’t idinepensa ni Sen. Ping Lacson si PBBM sa isyu ng corruption, ay sinabi naman ng senador na may mga appointee, may mga tao si PBBM sa Malacañang ang tumanggap ng bilyun-bilyong pisong kickback sa flood control projects, na ang kanyang tinutukoy, base sa testimonya ni former Dept. of Public Works and Highways (DPWH) Usec. Roberto Bernardo ay sina former Presidential Legislative Liaison Office (PLLO) Usec. Adrian Bersamin at Dept. of Education (DepEd) Usec. Trygve Olaivar na parehong may koneksyon kina former Executive Sec. Lucas Bersamin at former DPWH Sec. Manuel Bonoan.
‘Ika nga, ipinagtanggol man ni Sen. Lacson si PBBM na wala itong kinalaman sa corruption, ay lumalabas na "weak leader" ang Presidente, kasi mantakin n'yo, bilyun-bilyong pisong kickback na napupunta sa kanyang mga appointee at tauhan sa Malacañang, ang Pangulo "nganga" lang, walang alam, period!
XXX
LUMALABAS NGAYON NA TOTOO ANG MGA ATAKE NI FPRRD NA UMANO’Y WEAK LEADER AT ADIK SI PBBM --Magkasunod na atake ang ginawa ng noo’y Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) sa noo’y presidential candidate Bongbong Marcos (BBM), unang atake ay weak leader at ikalawang atake ay adik ito sa cocaine.
Ang mga atakeng ito ni FPRRD noon ay lumabas na mayroong katotohanan kasi nga may nagkaka-kickback na sa mga tao ni PBBM, hindi pa niya alam; at kung totoo man ang atake ni Sen. Imee kay PBBM na adik umano ito sa droga, kumbaga pinatotohanan lang ng senadora ang mga banat ng dating pangulo na ‘drug addict’ nga ang Presidente, boom!








Comments