PBBM, may katigasan talaga ng ulo, pipirmahan na naman ang postponement ng BSKE
- BULGAR

- Aug 11
- 3 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | August 11, 2025

TIGAS NG ULO NI PBBM, PIPIRMAHAN DAW ANG POSTPONEMENT NG BSKE 2025, KASI SC NA NAGSABING BAWAL IPAGPALIBAN ANG MGA HALALAN SA ‘PINAS -- Mismong si Pres. Bongbong Marcos (PBBM) na ang nagsabing pipirmahan daw niya ang postponement ng Barangay and Sangguniang Elections (BSKE) na nakatakda sa Dec. 1, 2025.
May katigasan din pala talaga ang ulo ni PBBM, kasi Supreme Court (SC) na nga nagsabi noon na labag sa Konstitusyon na ipagpaliban ang anumang halalan sa ‘Pinas, tapos gusto raw niya mai-postpone kaya pipirmahan niya ang BSKE 2025 postponement.
Hay naku, gusto yata ni PBBM na soplahin uli siya ng SC sa katigasan ng kanyang ulo, abangan!
XXX
TULAD NG MGA DDS AT PRO-DUTERTE SENATORS, AYAW DIN NG SC MA-IMPEACH SI VP SARA -- Sa kasaysayan ng Supreme Court (SC) ay sabi nina retired Chief Justices Reynato Puno, Artemio Panganiban, retired Senior Justices Antonio Carpio at Adolf Azcuna na ngayon lang daw nangyari sa Kataas-taasang Hukuman na naglabas ito ng desisyon sa maselang isyu tungkol sa pagpapa-stop sa impeachment proceedings kay Vice Pres. Sara Duterte-Carpio nang walang isinagawang oral arguments ang Korte Suprema sa panig ng House prosecution panel at defense team ng bise presidente.
Ang naging aksyon na ito na hindi na nagsagawa ng oral arguments ang Kataas-taasang Hukuman sa magkabilang-panig, ay tila pagpapakita ito na hindi lang ang milyun-milyong Duterte Diehard Supporters (DDS) at pro-Duterte senators ang ayaw na ma-impeach si VP Sara, kundi pati ang Korte Suprema, boom!
XXX
HINDI NA USO ANG PEOPLE POWER SA KALSADA, SA SOCIAL MEDIA NA LANG NAGPI-PEOPLE POWER ANG NETIZENS -- Mula nang mauso ang social media ay hindi na rin uso sa kalsada (EDSA) ang people power sa Pilipinas.
Noong wala pa ang social media, kapag nagalit ang mamamayan sa gobyerno ay nagtutungo sa kalsada, nagpapakita ng people power para patalsikin ang mga namumuno sa pamahalaan, at nangyari iyan kina former Pres. Ferdinand Edralin Marcos, Sr. noong 1986 at former Pres. Joseph Estrada noong 2001.
Pero ngayon ayaw na sa kalsada, sa social media na lang nagpi-people power ang netizens, tulad ng ginawang pag-aresto kay former Pres. Rodrigo Roa Duterte (FPRRD), nanawagan ng people power ang mga DDS vlogger bilang suporta sa ex-president pero kakarampot lang ang nag-people power sa kalsada, ang karamihan ay sa social media na lang nagpakita ng galit kay Pres. Bongbong Marcos (PBBM) kaya ang nangyari, nadala sa International Criminal Court (ICC) jail sa The Netherlands si FPRRD. At sa isyung impeachment kay VP Sara, nanawagan ang mga civil society groups ng people power sa Senado para ituloy na ang impeachment trial pero kakarampot din lang ang dumating, kaya ang nangyari in-archive ng mga pro-Duterte senators ang mga articles of impeachment laban sa bise presidente, period!
XXX
MAINAM ANG BANGAYAN NG SENADOR AT KONGRESISTA, DAHIL SA BANGGAAN NILA BAKA MAWALA NA ANG PORK BARREL NG MGA SEN. AT CONG. -- Mainam din naman na nagbabanggaan na ngayon ang majority senators at majority congressmen, dahil sa bangayan nila ay naungkat ang higit P142 billion na isiningit daw ng kampo ni Senate Pres. Chiz Escudero sa 2025 national budget, at ang isyung ito ang naging sanhi kaya may mga senador at kongresistang nag-file ng resolution na i-open sa publiko ang 2026 bicameral budget deliberation.
Nais nating ipunto sa isyung ito, na kapag nagkatotoo na buksan na sa taumbayan ang bicameral budget deliberation, ay maging dahilan ito para wala nang makapagsingit ng pork barrel sa national budget, boom!







Comments