Pax Silica project, dapat may linaw at pananagutan

ni Leonida Bonifacio-Sison @Boses | November 16, 2026

Sa bawat kasunduang pinapasok ng pamahalaan sa ibang bansa, hindi lamang interes ng mga namumuhunan at opisyal ang dapat isaalang-alang, kundi higit sa lahat ang kapakanan ng mga Pilipinong maaapektuhan nito. Hindi sapat na sabihing para sa kaunlaran ang isang proyekto kung hindi malinaw sa publiko ang mga posibleng pakinabang, panganib at epekto nito sa bansa.
Ito ang mahalagang usaping dapat bigyang-pansin sa panukalang pagtatayo ng Pax Silica Economic Security Zone sa New Clark City, Capas, Tarlac, sa pakikipagtulungan ng Estados Unidos. Ilang buwan na itong pinag-uusapan at naging dahilan ng pagtutol ng ilang grupo, lalo na ng mga estudyanteng nangangamba sa maaaring maging epekto ng naturang inisyatiba sa ekonomiya at seguridad ng Pilipinas.
Noong Biyernes, nagsagawa ng mga kilos-protesta at walkout sa kani-kanilang campus ang mga estudyante mula sa iba’t ibang pamantasan. Kasabay ito ng pagtutol nila sa nakatakdang pagbisita ng pangulo ng Estados Unidos para sa 2026 ASEAN Summit at sa planong pang-industriya na pinangungunahan ng naturang bansa.
Bilang tugon, hinimok ng pamahalaan ang mga estudyante na magsumite ng position paper na naglalaman ng kanilang mga hinaing at mungkahi. Nais nitong mailahad nang malinaw ang bawat isyu upang mapag-usapan at matugunan ang mga ito sa pamamagitan ng mahinahong talakayan. Batid din ng administrasyon ang mga kilos-protesta at inatasan ang mga awtoridad na pairalin ang maximum tolerance sa pagharap sa mga demonstrador.
Mahalaga ang ganitong panawagan sa dayalogo, subalit hindi dapat mauwi sa simpleng pagtanggap lamang ng mga dokumento. Kailangang tiyaking may pagkakataong marinig ang mga estudyante at iba pang sektor, lalo na ang mga komunidad na malapit sa planong pagtatayuan ng industrial hub.
Dapat ding ilahad nang malinaw ang layunin ng proyekto, mga posibleng benepisyo nito sa trabaho at lokal na negosyo, gayundin ang maaaring maging epekto sa kapaligiran, seguridad, soberanya at kabuhayan ng mga mamamayan. Hindi dapat maging lihim sa publiko ang mahahalagang detalye ng isang kasunduang maaaring magkaroon ng pangmatagalang epekto sa bansa.
Hindi rin dapat ituring na hadlang sa pag-unlad ang pagtatanong at pagpuna ng kabataan. Bahagi ito ng kanilang karapatang makilahok sa mga usaping may kinalaman sa kinabukasan ng bayan.
Ang kaunlaran ay hindi nasusukat sa laki ng proyektong naitatayo o sa bansang nakikipagtulungan sa atin. Mas mahalaga kung may mapapala ang karaniwang Pilipino, kung mapangangalagaan ang interes ng bansa at kung hindi maisasantabi ang boses ng mamamayan. Ang dayalogo ay dapat may kasunod na malinaw na paliwanag,
pananagutan at konkretong aksiyon. Sa anumang kasunduan, hindi dapat dayuhan o iilang makapangyarihan lamang ang nakikinabang, dapat ang taumbayan ang tunay na panalo.





Comments