Ang pagbagsak ng mga diyos-diyosan

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | November 16, 2026

Dumating ang naturang panahon ng mga lider-populista sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Mayabang at maingay ang mga ito. Sa kabila nito, pinapalakpakan pa ang mga ito ng kanilang mga “supporters” o disipulo. Nasundan ng matagal ng mga kababayan niya sampu ng buong mundo si Presidente Donald Trump na sa mga nagdaang Linggo ay malinaw na tumatanggap ng ‘di kanais-nais na bunga ng kanyang pagmamalaki at pagmamalabis.
Sa katapusan ng buwan na ito, magsisimula na rin ang paglilitis ng dating pangulo ng ating bansa sa loob ng anim na taon ng kanyang pamumuno, tulad ni Trump ay namayagpag at nanakot hindi lang sa salita kundi sa gawa. Anim na taon narinig, napanood si Pangulong Rodrigo Roa Duterte na walang tigil na nagbanta at nangduro. Hinangaan at pinalakpakan siya, ang pangulong astig, ang dating mayor astig ng Davao.
Sa kanyang sobrang pagtingin sa sarili, nakuha niyang murahin ang Santo Papa; si Kristo ang Diyos ng mga Katoliko na kanyang tinawag na “Stupid’ at ginamit ang kapulisan bilang malawakang “death squad” upang sugpuin ang salot na droga.
Ngunit kung anong taas, siyang bagsak nang anuman. Hindi tayo Diyos at kahibangan ang mangarap nang labis na pagtaas o tagumpay lalo na kung ikakapahamak ito ninuman. May araw din ang sinumang mangahas na ituring ang sarili na pawang Diyos maging sa salita o sa gawa.
Ang isang kaibigan ng dating Pangulo ay si Pastor Apollo C. Quiboloy na nakakulong ngayon sa Pasig City Jail dahil sa mga sumusunod na krimen: “Sex Trafficking of minors; Visa Fraud; bulk cash smuggling, atbp.
Nakilala rin si Pastor Quiboloy sa kanyang mga labis at ‘di kapani-paniwalang palagay. Una tinawag niya ang kanyang sarili na “Apointed Son of God.” Ayon sa kanya, kung si Jesu Kristo ang “Begotten Son” sa panahon ng mga hudyo, siya naman ang “Appointed Son of God” ng kasalukuyang panahon.
Pangalawa, siya raw ang may-ari ng sangtinakpan (universe) at dapat tumanaw ng utang na loob ang lahat sa mga ginawa niyang kabutihan.
Pangatlo, ang pag-angkin niya ng kapangyarihan sa kalikasan. Noong Oktubre 2019 siya raw ang nagpatigil ng lindol na may tinding 6.6. Inutusan daw niyang tumigil ang lindol habang humihigop ng kape.
At nang rumagasa naman ang bagyong Tisoy, hindi niya ito pinatigil bilang parusa sa mga lumait sa kanya ng sabihin niyang siya ang nagpatigil ng lindol. Pang-apat nagpahayag siya bago siya arestuhin noong 2024 na minamanmanan siya ng FBI; may pabuyang $2 milyon sa kanyang ulo at ang panganib na tuluyan na siyang patayin. Ganun na lang ang mataas na pagtingin ni Quiboloy sa kanyang sarili.
Nagbago ang lahat nang mahuli siya pagkaraan ng 16 na araw na paghahanap sa Kingdom of Jesus Christ Compound (mula Agosto 24 hanggang Setyembre 8, 2024). Hindi na nakita o narinig si Quiboloy sa kanyang istasyon ng radyo at telebisyon. At pina-alam na ng Estados Unidos noong nakaraang Hunyo ang kanilang intensyon na ipalipat si Quiboloy sa Estados Unidos.
Sisimulan na ang proseso ng legal na paglipat (extradition) sa Estados Unidos kay Pastor Apollo C. Quiboloy. Bilang panimulang hakbang tungo rito, nag-isyu ang Makati Regional Trial Court ng “Arrest Warrant” at “Hold Departure Order” laban kay Quiboloy. Ang naturang pagkilos ng Makati RTC ay pagtugon sa naunang pakiusap ng Department of Justice noong ika-9 ng Nobyembre, 2026 na ilipat na (extradition) si Quiboloy sa Estados Unidos.
Tila sabay-sabay nagaganap ang tila magkakaugnay na pangyayari. Malapit nang matapos ang “Impeachment Trial” ni VP Sarah Duterte. Magsisimula na sa katapusan ng buwan (ika-30 ng Nobyembre 2026) ang paglilitis laban kay Rodrigo Duterte sa mga krimen na naganap sa ilalim ng kanyang Oplan Double Barrel o Project Tokhang ng Philippine National Police. At kasabay ng mga ito ay ang paglipat kay Pastor Apollo C. Quiboloy sa piitan sa Estados Unidos para harapin ang mga kasong ginanap nito sa Estados Unidos.
Nakakapagod at nakakadismaya ang mga pangyayari sa ating bansa. Nakakawalang-gana at nakakaubos ng pasensya at pag-asa ang napakaraming bagay. Ngunit makikita ang unti-unti at isa-isang pagbagsak hindi lang sa ating bansa kundi sa buong mundo ng mga dating tila dino-diyos ng mga tao. Nagsimula nang mahuli ang ilang malalaking isda, ngunit kulang na kulang pa rin sa dami ng kilalang magnanakaw na nasa puwesto pa rin. Manalangin, magtiwala, magtiyaga at tuluyang kumilos para sa mabuti at tama. Sa Kanyang panahon, “in his time,” babagsak unti-unti, isa-isa ang mga diyos-diyosan.





Comments