Passport, iba pang travel documents, bawal gamiting kolateral
- BULGAR

- 8 hours ago
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | February 16, 2026

Dear Chief Acosta,
Kamakailan, kumuha ako ng utang sa isang lending institution at hiningi nila ang aking pasaporte bilang kolateral. Puwede ba itong gawin? Nais ko sanang maliwanagan. Maraming salamat. — Rogel
Dear Rogel,
Tungkulin ng Estado na protektahan ang ating konstitusyonal na karapatan na makapaglakbay. Dahil sa mandatong ito, nagbalangkas ang pamahalaan ng mga patakaran upang mapangalagaan ang karapatang maglakbay habang tinitiyak na ang pag-isyu ng pasaporte at iba pang dokumento ay sumusunod sa pandaigdigang pamantayan.
Ayon sa Section 22(c) ng Republic Act (R.A.) No. 11983, o ang New Philippine Passport Act, mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng pasaporte bilang kolateral sa anumang utang. Sinasabi ng probisyong ito na:
“(c) Offenses relating to improper use of passports, other travel documents, and supporting documents; penalties. - Imprisonment of not less than six (6) years and one (1) day but not more than fifteen (15) years and a fine of not less than One hundred thousand pesos (P100,000) but not more than Two hundred fifty thousand pesos (P250,000) shall be imposed upon any person who willfully and knowingly:
(1) Uses or attempts to use any passport or other travel document issued for the use of another;
(2) Uses or attempts to use any supporting document belonging to another; or
(3) Sells, trades, pawns, mortgages, or uses a passport or other travel document as a collateral to secure debt, or in any manner uses such passport or other travel document as currency or object of commerce”
Upang sagutin ang iyong katanungan, malinaw na ipinagbabawal ng batas ang paggamit ng pasaporte o ibang travel documents bilang kolateral sa anumang utang. Sa madaling salita, ang pasaporte ay hindi pera o bagay na maaaring ibenta, ipagpalit, isangla, ipa-mortgage, o gamitin bilang seguridad o bilang kolateral. Maaari kang managot kung mapatunayan na sadyang ginamit mo ang iyong pasaporte bilang kolateral para sa utang. Gayun din, pinapatawan ng parusa ang lending institution na humingi ng pasaporte bilang kolateral. Ayon sa parehong probisyon:
“Provided, That in such situation, the buyer, trader, creditor, or mortgagee shall also be liable to the same extent as the passport/travel document holder.”
Kaya, ang sinumang humihingi ng pasaporte bago magbigay ng loan o bumibili, nagpapalit, o nagpapa-mortgage ng pasaporte ay maaaring patawan ng parehong parusa sa ilalim ng nabanggit sa itaas.
Nawa ay nasagot namin ang iyong mga katanungan. Nais naming ipaalala na ang opinyon na ito ay nakabase sa mga naisalaysay sa iyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang aming opinyon kung mayroong karagdagang impormasyon na ibibigay. Mas mainam kung personal kang sasangguni sa isang abogado.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.








Comments