Parusa sa paglabag sa spearfishing sa scuba divera
- BULGAR
- 3 hours ago
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | June 6, 2025

Dear Chief Acosta,
Mahilig akong mag-scuba diving at nahuhumaling ako sa ganda ng ating mga karagatan. Palagi kong naririnig sa mga nagtuturo sa amin na bawal umano ang spearfishing o pagpana ng isda habang nag-scuba diving. Totoo ba ito? Nais ko sanang maliwanagan. Maraming salamat po. — Keenan
Dear Keenan,
Ang Estado ay may tungkuling protektahan at laging itaguyod ang ating mga natural na yaman. Ang pangangalaga at pag-iingat sa ating yamang tubig ay isa sa mga binibigyang pansin ng ating pamahalaan.
Ayon sa Rules and Regulations Governing the Business of Sport Scuba Diving in the Philippines, na ipinatupad ng Department of Tourism (DOT) noong ika-28 ng Enero taong 2009 sa bisa ng Letter of Instructions No. 745 at Office of the President Memorandum Order No. 275, s. 2008, ang lahat ng mga nasa negosyo ng scuba diving bilang isang sport ay dapat sumunod sa mga alituntuning itinakda ng pamahalaan. Kabilang dito ang pagbabawal ng spearfishing o pagpana ng isda habang nag-scuba diving. Nasasaad sa Kapitolo IV, Seksyon 1 ng nasabing alituntunin na:
“Chapter IV - Prohibited Acts
Section 1. Dive establishments and dive professionals shall prohibit the following acts:
a. Collection or destruction of corals;
b. Capture of or harm to endangered marine species;
c. Use of toxic chemicals in the course of diving;
d. Spearfishing using scuba;
e. Salvage of or transferring with any sunken artifacts without the necessary permit from proper authorities.”
Malinaw sa nasabing alituntunin na isa sa mga ipinagbabawal na aktibidad habang nag-scuba diving ay ang paghuli ng isda sa pamamagitan ng pana. Kabilang din sa mga ipinagbabawal ay ang pagkuha o pagsira ng mga corals, paghuli o paglagay sa panganib sa mga nanganganib na uri ng yamang-dagat, paggamit ng mga nakalalasong kemikal habang sumisisid, at pagkuha o paglipat ng anumang lumubog na artifact nang walang kinakailangang pahintulot mula sa kaukulang awtoridad.
Upang sagutin ang iyong katanungan, may katotohanan ang pagbabawal ng paghuli ng isda gamit ang pana habang nag-scuba diving. Maaaring maharap sa kaukulang parusa, multa, suspension o kanselasyon ng lisensya ng mga dive establishments o dive professionals ang mga hindi susunod sa nabanggit na alituntunin. Ayon sa Kapitolo 5, Seksyon 1(b) ng kaparehong alituntunin:
“Imposition of Fine, Suspension, Cancellation and/or Non-Renewal of License
Section 1. Grounds for the Imposition of Fine, Suspension, Cancellation and/or Non-renewal of License – Any of the following acts of omissions shall be sufficient grounds for the imposition of fine, suspension or cancellation of the license depending on the circumstance and gravity of each given case:
x x x
b. Violation of any of the provision of the Rules, circulars and orders of the Commission; x x x”
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.