Pare-parehong pamilya, pare-pareho ring problema
- BULGAR

- 6 hours ago
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | August 1, 2026

Ito ang tanong natin noong nakaraang linggo: "Gaano ba natin kamahal ang Inang Bayan?" Marahil kailangan din nating itanong: Kung mayroon man, sino pa ba ang tunay na nagmamahal sa Inang Bayan?
Kapag tatanungin ang kabataan—mga Gen Z, Millennials, at Alpha—marahil madalas nating maririnig ang ganitong sagot: "Ha! May natitira pa bang maaaring mahalin sa bayang pinagtaksilan, pinagsamantalahan, binusabos at binastos hindi lamang ng maraming namumuno kundi maging ng ilang pinamumunuan?" Bata pa lamang sila, ngunit tila pagod na sa kakapanood, kakapakinig at kakatanong kung may saysay pa bang magtiwala at umasa sa mga namamahala sa ating bansa.
Bagama't mahalagang marinig ang paglalabas ng mga ebidensya bilang suporta sa mga alegasyon ng katiwalian, karahasan, kasinungalingan at kataksilan sa impeachment trial, marami na rin ang pagod at sabik nang malaman ang magiging resulta ng lahat ng ito.
Habang sumusubaybay ang nakararami sa mahahalagang kaganapan sa Senado, may isa pang sektor na tiyak na masusing nakatutok. Kung tutuusin, sila rin ang itinuturong dahilan ng marami sa mga suliraning kinakaharap ng bansa.
Sila ang sagot sa mga sumusunod na tanong:
Una, sino ang paulit-ulit na nananalo sa iba't ibang sangay at antas ng pamahalaan tuwing eleksyon?
Pangalawa, bakit at paano sila nananalo? Talaga bang mahusay nilang naitataguyod ang kapakanan ng mamamayan?
Pangatlo, sila ba ang dahilan ng pag-unlad ng kabuhayan, katatagan ng ekonomiya, at pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan sa bansa?
Pang-apat, sila ba ang tunay na haligi ng isang matatag at malusog na demokrasya dahil sa bukas (transparency) at may pananagutang (accountability) pamamahala?
Sila ang mga pamilyang halos naging kasingkahulugan na ng pangalan ng mga lalawigan, siyudad, bayan at barangay. Kapag binanggit ang Makati, maiisip ang Binay; Caloocan, Malapitan; Las Piñas, Villar; Laoag, Marcos; Taguig, Cayetano; at Valenzuela, Gatchalian.
Sila ang mga dinastiyang halos hindi matalo sa eleksyon. Bukod sa pulitika, hawak din nila ang maraming mahahalagang institusyon at impluwensya sa kani-kanilang nasasakupan. Dahil dito, sila ang nagiging dominanteng puwersa sa halos lahat ng aspeto ng pamamahala at buhay ng mamamayan.
Salamat sa mga dinastiya, tila walang nagbabago sa takbo ng buhay ng maraming Pilipino. Taun-taon, buwan-buwan at araw-araw, tila pabor pa rin sa kanila ang umiiral na sistema. Tutal, bakit pa sila magpapakahirap tumakbo at gumastos sa eleksyon kung hindi rin naman sila mananalo at makikinabang sa mga puwestong kanilang napapanatili?
Hindi aksidente ang mga sumusunod na datos: humigit-kumulang 80% ng mga miyembro ng Kongreso ay mula sa mga political dynasty. Sa mga lokal na posisyon, mahigit kalahati ang nagmumula rin sa mga dinastiya. Sa 82 gobernador, 71 o 87% ay mula sa mga political dynasty, habang tinatayang 60% ng mga alkalde ay kabilang din sa mga pamilyang matagal nang naghahari sa pulitika. Sa maraming lalawigan, magkakamag-anak ang gobernador, mga mayor, konsehal, barangay captain at mga kagawad.
Pare-parehong Pamilya, Pare-parehong Problema. Same Families, Same Problems, ayon sa isang artikulo na tumukoy rin sa mga apelyidong Villar, Tulfo, Cayetano, Tolentino, Revilla, Marcos at Duterte.
Ito ang isinusulong ng grupong DAPAT ISA LANG (D1L). Kamakailan ay nagtungo sila sa San Pablo, Laguna upang magsagawa ng orientation seminar para sa mga mamamayan, kaparian, relihiyoso at lalo na sa mga kabataang magiging botante sa halalan ng 2028.
Layunin nilang maipasa ang isang tunay na Anti-Dynasty Law na maglilimita at unti-unting magwawakas sa malawak na impluwensya ng mga political dynasty. Ayon sa kanilang panukala, isa lamang ang maaaring maupo sa pambansang posisyon at isa lamang ang maaaring humawak ng lokal na posisyon mula sa isang pamilya sa bawat halalan.
Halimbawa, si Faustino "Bojie" Dy III, kasalukuyang Speaker of the House of Representatives, ay kabilang umano sa tinatayang 10 hanggang 15 miyembro ng pamilyang Dy na may hawak na iba't ibang pambansa at lokal na posisyon sa pamahalaan. Hindi rin ito natatangi, sapagkat malaking porsyento ng mga lalawigan sa bansa ay pinamumunuan ng mga political dynasty.
Isinusulong ng grupo ang panukala sa pamamagitan ng People's Initiative, na nangangailangan ng lagda ng hindi bababa sa 12% ng kabuuang rehistradong botante sa buong bansa at hindi bababa sa 3% ng mga rehistradong botante sa bawat legislative district. Kaya naman dala rin nila ang mga signature form upang makalikom ng sapat na suporta bago ito isumite sa COMELEC.
Matayog ang layuning ito upang mabago ang matagal nang problemang kinilala na mismo sa 1987 Constitution sa pamamagitan ng probisyon laban sa political dynasty. Ngunit malinaw din kung bakit wala pa ring nangyayari. Paano nga naman maipapasa ang isang batas na maglilimita sa kapangyarihan ng mga dinastiya kung ang mismong mga inaasahang boboto rito ay karamihan ay mula rin sa mga political dynasty?
Kamakailan pa nga ay naipasa ang isang panukalang tinawag na "Anti-Dynasty Bill" na iniuugnay kina Sandro Marcos at Bojie Dy. Anti ba talaga? O baka naman pro na pro sa mga dinastiya?
Sapagkat malinaw kung sino ang pinakamahal ng mga political dynasty.
Pamilya ba, o ang bayan at ang karaniwang taumbayan?





Comments