200 EMPLEYADO NG ABS-CBN, TATANGGALIN

ni Julie Bonifacio @Winner | September 16, 2026

Photo: ABS-CBN
Naglabas ng opisyal na pahayag ang ABS-CBN Corporate Communications sa pagpapatupad ng retrenchment program na makakaapekto sa humigit-kumulang 200 empleyado o 7% ng kanilang kabuuang workforce.
Ayon sa pamunuan, isang mahirap na desisyon daw ito na kinakailangan nilang gawin upang mapanatiling matatag ang pinansiyal na estado ng kumpanya.
“After careful review, we have made the difficult decision to implement a retrenchment program to keep ABS-CBN on strong financial footing. The program will cover around 200 people or 7% of the company's workforce. We know this will deeply affect our employees and their families, and we intend to manage this the way we have always done—with compassion for our Kapamilya,” saad sa official statement na inilabas ng ABS-CBN kahapon, Setyembre 15.
Binigyang-diin ng network na naging mahirap ang taon para sa content industry dahil sa mga global issues gaya ng giyera sa Middle East, mataas na inflation, at mababang paglago ng ekonomiya.
Nagdulot daw ito ng mahinang kita sa advertisement at matumal na paggasta ng mga mamimili.
Sa kabila ng pagbawas ng mga empleyado, kahit pa may pumasok na mga bagong pamumuhunan (new investments), patuloy pa rin ang hakbang ng kumpanya na muling itayo at baguhin ang ABS-CBN patungo sa layunin nitong maging isang global storytelling company.
Nagpasalamat naman ang ABS-CBN sa dedikasyon at serbisyo ng kanilang mga manggagawa. Tiniyak ng kumpanya na pangangasiwaan nila ang prosesong ito nang may pagmamalasakit at suporta para sa mga pamilyang maaapektuhan.
Bago ang anunsiyong ito, nauna nang nagbawas ang ABS-CBN ng 100 empleyado noong Oktubre 2024, bukod pa sa malawakang pagtanggal ng halos 5,000 manggagawa noong taong 2020 matapos hindi maaprubahan ang kanilang prangkisa sa ere.
Ganern, Pops?
DINGDONG, PINAYUHAN NI MARTIN BAGO IKASAL KAY JESSA KAYA TUMAGAL NG 25 YRS.
MATAGUMPAY na idinaos nina Dingdong Avanzado at Jessa Zaragoza ang kanilang Sa Aking Puso: Silver Anniversary Edition concert noong Setyembre 13 sa New Frontier Theater sa Quezon City.
Nasaksihan namin ang sold-out concert ng mag-asawa kung saan parehong naging emosyonal ang parents ni Jayda Avanzado, na nagkaroon ng tig-isang special number with Jessa and Dingdong.
Ang Sa Aking Puso ay bahagi ng selebrasyon para sa kanilang silver wedding anniversary. Kaya naman, nag-trip down memory lane ang mag-asawa sa concert.
Inawit nila ang kani-kanilang hit songs noong ‘80s and ‘90s tulad ng Hindi Na Bale, ‘Di Ba’t Ikaw, at ang kanilang sikat na duet na Sa Aking Puso.
Ini-reveal ni Dingdong sa concert na may isang international singing competition na hindi nakasama si Jessa. Buntis na pala kasi that time ang singer sa unica hija nila na si Jayda.
Samantala, naging mas makulay ang gabi dahil sa mga special guests ng celebrity couple sa concert, sa pangunguna nina Pops Fernandez, Randy Santiago, K Brosas, Ethel Booba, Tim Pavino at Noel Cabangon.
‘Kaaliw ang tuksuhan at pambubuking ni Dingdong kina Pops at Randy. Fourteen years old pa lang kasi si Pops nang maging boyfriend niya si Randy.
Pero ang kapatid ng singer na si Rowell Santiago ang naging leading man ni Pops sa early two films niya – ang Pag-ibig Pa at Just Say You Love Me.
Naibida tuloy ni Dingdong na bago siya ikinasal kay Jessa ay may ibinigay na payo sa kanya ang ex-husband ni Pops na si Martin Nievera, at pinakinggan naman daw niya ito kaya tumagal sila ni Jessa ng 25 taon.
Congratulations, Dingdong and Jessa!





Comments