top of page

Parang sinabi ni Kitty Duterte na kapag naging presidente ang Ate Sara niya, lagot ang mga kumakalaban sa pamilya Duterte

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 4 hours ago
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | March 4, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


KOREK SI SEN. IMEE, SA IMBESTIGASYON MALALAMAN KUNG TOTOO O HINDI ANG IBINULGAR NG 18 EX-SOLDIERS AT HINDI SA SATSAT NI SEN. LACSON – Hindi nagustuhan ni Sen. Imee Marcos ang privilege speech ni Senate President Pro Tempore Sen. Ping Lacson, na wala raw interes na ipatawag ang 18 ex-marines at ex-army soldiers. Ayon kay Lacson, hindi kapani-paniwala ang ibinulgar ng mga ito tungkol sa mga pulitiko at opisyal ng gobyerno na dinalhan nila ng male-maletang pera.


Para kay Sen. Imee, dapat itong imbestigahan ng Senate Blue Ribbon Committee upang malaman kung may katotohanan o kasinungalingan ang isiniwalat ng mga dating sundalo na naging security aide ni dating Cong. Zaldy Co.


May punto si Sen. Imee, dahil sa imbestigasyon lamang malalaman ang totoo at hindi sa opinyon ng isang senador. Period!


XXX


SA POST NI KITTY DUTERTE, PARANG SINABI NIYA NA KAPAG NAGING PRESIDENTE ANG ATE SARA NIYA, LAGOT ANG KUMALABAN SA PAMILYA DUTERTE – Nag-post sa social media si Kitty Duterte na mas matapang daw si Vice President Sara Duterte kaysa sa kanilang ama, si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.


Bagaman hindi ito diretsong sinabi, malamang kinilabutan ang ilang anti-Duterte na pulitiko, dahil sa post ni Kitty, para bang ipinaabot niya na kapag naging presidente si VP Sara, may kaakibat na kabayaran ang mga pulitikong lalaban sa pamilya Duterte. Boom!


XXX


HINDI LAHAT NG MAJORITY SENATORS BOBOTO PARA MA-IMPEACH SI VP SARA –Muling sinabi ni Senate Majority Member Sen. JV Ejercito na tutol siya sa impeachment laban kay VP Sara. Patunay ito na kung matuloy ang impeachment trial, hindi lahat ng 15 miyembro ng majority sa Senado ay boboto para ma-impeach ang bise presidente. Ayon kay Sen. Ejercito, malinaw niyang "no" ang kanyang posisyon. Period!


XXX


11 DAYS NA, WALA PA RIN VIDEOS NG NLEX-ROAD RAGE, PATUNAY NA DEMOLITION JOB ITO KAY GOV. FERNANDO  – Sa panahon ngayon ng teknolohiya, wala nang ligtas sa CCTV, dashcam, at cellphone video. Halimbawa, nakunan ng cellphone video ang paghuli ng traffic enforcers sa driver ng sasakyan ni Quezon City 2nd Dist. Rep. Ralph Tulfo sa EDSA Busway noong Enero 23, 2025; nakunan ng CCTV ang reckless driving ni Daniel Deakin, anak ni automotive journalist-vlogger James Deakin, sa Skyway noong Disyembre 18, 2025; at nakunan ng dashcam si DPWH Usec. Maria Catalina Cabral na nakaupo sa gilid ng bangin bago nahulog at namatay noong Disyembre 19, 2025.


Ang punto: labing-isang araw na ang nakalipas mula nang i-post ni DZME anchor Nancy Carvajal noong Pebrero 21, 2026 ang umano’y road rage sa NLEX, pati na ang dokumentong LTO show cause order, ngunit wala pa ring lumalabas na CCTV, dashcam, o cellphone video ng insidente.


Sa katunayan, ayon kay LTO chief Markus Lacanilao, fake ang LTO show cause order, na nangangahulugang walang nangyaring NLEX road rage. Malinaw na demolition job lang ito kay Gov. Fernando. Period!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page