Para sa proteksyon ng mga estudyante at guro... Public schools, dapat palagyan ni Sec. Angara ng sekyu at metal detector
- BULGAR

- 2 hours ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | June 23, 2026

SA LIVE TELECAST NG IMPEACHMENT TRIAL, D’YAN MALALAMAN AT MAKIKITA NG PUBLIKO KUNG FAKE NEWS NGA BA NA 'KINAIN NANG BUHAY' NI ATTY. SHEILA SISON SI CONG. JINKY LUISTRO – Napikon si House lead prosecutor, Batangas 2nd District Rep. Jinky Luistro, sa kumakalat na balitang "kinain siya nang buhay" ni Atty. Sheila Sison, abogado ni Vice President Sara Duterte, sa unang araw ng impeachment pre-trial conference.
Ayon sa kongresista, fake news umano ang naturang pahayag. Sa pagsisimula ng impeachment trial laban kay VP Sara, na inaasahang ite-telebisa nang live, makikita kung may katotohanan ba o wala ang sinasabing "kinain nang buhay" siya ng abogado ng bise presidente. Abangan!
XXX
TILA MADALING MAIDEDEPENSA NG KANYANG MGA LAWYERS SI VP SARA KAYA 30 DAYS LANG ANG HININGI NG MGA ITO PARA TAPUSIN ANG IMPEACHMENT TRIAL – Ang nais ng House prosecutors ay 62 araw para sa impeachment trial, habang 30 araw lamang naman ang hinihingi ng depensa ni VP Sara.
Sa isyung ito pa lang, makikitang hindi magiging madali para sa House prosecutors na maipakondena si VP Sara, lalo pa't mas mahabang panahon ang nais nila para iharap ang kanilang kaso. Sa kabilang banda, tila kumpiyansa ang depensa na sapat na ang 30 araw upang maipagtanggol ang bise presidente at mapawalang-sala siya sa impeachment case. Period!
XXX
SA MGA NAGING PRESIDENTE, SI PBBM ANG HIRAP NA HIRAP KUNG PAANO NIYA MAITATAAS KANYANG RATING – Sa mga naging presidente ng bansa, si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) ang tila hirap makaahon sa mga survey dahil sa halip na tumaas ay pababa nang pababa ang kanyang rating.
Isa sa nakikita nating dahilan kung bakit patuloy na bumabagsak ang rating ni PBBM ay ang umano’y palpak na pagganap ng ilang opisyal na kanyang itinalaga sa Presidential Communications Office (PCO). Boom!
XXX
DAPAT PALAGYAN NI SEC. ANGARA NG MGA SEKYU AT METAL DETECTORS ANG MGA PUBLIC SCHOOL PARA MAPROTEKTAHAN ANG MGA ESTUDYANTE AT GURO – Marami nang naganap na karahasan sa mga pampublikong paaralan, at ang pinakahuli ay ang pamamaril sa loob ng San Juan National High School sa Tacloban City, kung saan tatlong high school students ang naiulat na nasawi at lima pa ang nasugatan.
Ubod ng laki ang budget ng Department of Education (DepEd), na mahigit P1 trilyon, kaya sana ay maisipan ni DepEd Secretary Sonny Angara na maglagay ng mga security guard at metal detector sa lahat ng pampublikong paaralan sa bansa upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral at guro. Period!





Comments