Para magkaanak na… VICE, SASAMAHAN NI OGIE SA THAILAND SA PAGHAHANAP NG EGG CELLS
ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters | May 16, 2021

“Sa Thailand, mamimili ka ng egg (cells) doon na ang may-ari ay architect, engineer, doktora para sa (talino) ng bata, mamimili ka,” kuwento ni Ogie Diaz nang magsabi sa kanya si Vice Ganda na gusto na nitong magkaanak.
Ang dating manager ni Vice na si Ogie pala ang nangungulit sa kanya na magkaroon ng anak nu’ng nagsisimula pa lang siya sa karera, pero wala pa ‘yun sa isipan noon ng nag-iisang Unkabogable Phenomenal Star.
Sa vlog ni Vice kasama ang mama niyang si Gng. Rosario Viceral, inuudyukan na siya nitong mag-anak dahil para saan daw ang mga ipinundar niya kung wala namang magmamana?
Dahil dito, napaisip ang It’s Showtime host na ikonsidera na nga ang mag-anak.
Sa panayam namin kay Ogie nitong Biyernes nang gabi sa Tiger Winx Restaurant along Panay Avenue ay natutuwa siya dahil finally ay naisip na rin ni Vice ang payo niya noon.
Aniya, “Saka lang natin masasabing totoo ‘yan kapag nangulit na sa akin si Vice tulad nu’ng nagkita kami sa badminton. Sabi ko, ‘‘Teh, ano na? Kung noon mo pa in-entertain, eh, di ilang taon na (sana) ang anak mo ngayon?'
“Dahil ‘yun din naman ang sabi ni Mommy Rosario, nanay niya na, ‘Para saan itong mga (malaking bahay), pinaghirapan mo, kung wala ka namang pamamanahan?’ Kaya gusto ni Nanay na magkaanak si Vice ng dugo’t laman niya.
“Not necessarily dyudyug siya ng girl kasi may ibang way, ‘di ba? Sa Thailand na pagpunta mo ru’n, mamimili ka ng mga egg (cells) doon na ang may-ari ay architect, engineer, doktora para sa (talino) ng bata, mamimili ka.
“Willing ko siyang samahan sa (Thailand), sobra kong pangarap ‘yun for Vice na magkaroon siya ng anak kasi sabi ko sa kanya, ‘Mag-iiba ‘yung perspective mo in life, look mo in life kapag may anak ka. Mabubuhos ang atensiyon mo, nandiyang iingatan mo lalo ang sarili mo kasi gusto mong maabutan ang magkaapo ka sa anak mo.’”
Hinihintay na lang daw ni Ogie ang tawag ni Vice kung handa na silang magpunta ng Thailand.





Comments