Paninira, hindi nakapigil kay Bong Go; pinarangalan pa rin ng Gawad Pilipino
- BULGAR

- 23 hours ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | January 8, 2026

GAWAD PILIPINO, BINALEWALA ANG PANINIRA KAY SEN. BONG GO; PINARANGALAN BILANG ‘NATATANGING SENADOR NA NAGLILINGKOD SA TAO AT BAYAN’ – Walang patol sa award-giving body na Gawad Pilipino ang mga atake at paninira kay Sen. Bong Go. noong Disyembre 27, 2025, sa loob ng Camp Aguinaldo, siya lamang sa mga senador ang pinarangalan at pinagkalooban ng titulong "Natatanging Senador na Naglilingkod sa Tao at Bayan."
Ayon sa mga bumuo ng award-giving body, bukod sa kanyang mandato sa Senado sa paggawa ng mga panukalang batas para sa kapakanan ng bayan at mamamayan, si Sen. Bong Go ang natatanging senador na agad nagtungo sa mga kababayang nasunugan at mga biktima ng kalamidad upang magbigay ng tulong.
Ipinapakita nito na hindi pinapansin ng prestihiyosong Gawad Pilipino ang mga paninira ni dating Sen. Antonio Trillanes at ng mga vloggers na naglalabas ng pekeng balita laban kay Sen. Bong Go, kaya’t karapat-dapat lamang na mabigyan siya ng ganitong uri ng parangal. Period!
XXX
DAHIL WALANG KASO SA MGA PULITIKONG EPAL SA BIGAYAN NG AYUDA, ASAHAN NANG TULOY PA RIN MGA POLITICIANS SA PAG-EPAL SA AYUDA DISTRIBUTIONS – Tila pabida lamang si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) sa direktiba niyang bawal sa mga pulitiko ang umepal sa pagbibigay ng ayuda sa mga mahihirap na kababayan.
Wala kasi siyang ipinalabas na babala na kakasuhan ang sinumang pulitikong e-epal sa pamamahagi ng ayuda.
Dahil wala ngang malinaw na babala, asahan nang magpapatuloy ang epalism sa pamimigay ng ayuda ng ilang pulitiko. Boom!
XXX
ANG KUMPLETONG 'DPWH LEAKS' ANG DAPAT IMBESTIGAHAN AT HINDI ANG KULANG-KULANG NA 'CABRAL FILES' – Kung magsasagawa ng imbestigasyon ang Ombudsman sa mga pulitiko at mga opisyal ng gobyerno na nagdi-diskarte ng project insertions sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na nakapaloob sa national budget, ang dapat unahin at imbestigahan ay ang “DPWH Leaks” na hawak ng Bilyonaryo News Channel (BNC), at hindi ang “Cabral Files” na hawak ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste.
Sa “DPWH Leaks”, kumpleto ang listahan ng mga pangalan ng mga nag-insert ng proyekto sa DPWH mula taong 2016 hanggang 2025. Samantalang sa “Cabral Files” ni Cong. Leviste, kulang ang mga pangalan. Period!
XXX
CONG. GARDIOLA WA’ PAKI SA MGA CONSTRUCTION WORKERS, MANG-SCAM DAW ANG INAATUPAG SA KABAN NG BAYAN – Ang sektor ng mga construction workers ang nire-representa ni Construction Workers Solidarity (CWS) Partylist Rep. Edwin Gardiola sa Kamara, ngunit sa dalawang termino niya bilang kongresista mula 2022 hanggang sa kasalukuyan, wala pang nabalitang panukalang batas na ginawa niya para sa kapakanan ng mga manggagawa sa konstruksyon.
Sa halip, ang nabalita ay ang pagkakasangkot niya sa flood control scandal, kung saan ayon sa Anti-Money Laundering Council (AMLC), mayroong 1,193 bank accounts si Cong. Gardiola na may transaksyon na umabot sa higit P479.5 billion.
Ibig sabihin nito, nang iluklok ng mga construction workers si Gardiola bilang kongresista, wala na siyang paki sa kapakanan ng mga manggagawa sa konstruksyon at ang kanyang inatupag ay mang-scam sa kaban ng bayan. Buset!








Comments