Paninigarilyo, may katapat na peligro sa kalusugan
- BULGAR
- 1 day ago
- 3 min read
ni Judith Sto. Domingo @Asintado | May 30, 2025

Isa sa mga espesyal na araw na sana’y hindi na kailangang tanawin ay idaraos muli ngayong Sabado, ika-31 ng Mayo: ang World No Tobacco Day.
Mga layunin sa taunang okasyong ito, na itinatag ng World Health Organization (WHO) noong 1988, ang pagbibigay-kaalaman sa publiko ukol sa mga peligrong dulot ng paninigarilyo, pagnenegosyo ng mga kumpanyang ang kalakal at produkto ay nakabase sa dahong tabako, kung ano ang mga ginagawa ng WHO upang labanan ang epidemya ng paninigarilyo, at kung ano ang maaaring gawin ng sangkatauhan sa gitna nito upang mapangalagaan ang kanilang kalusugan at ng susunod pang mga salinlahi.
Malayo-layo na rin ang narating ng iba’t ibang sikhay at pagsisikap ng Department of Health (DOH) at ng iba pang makabuluhang mga grupo o indibidwal upang masugpo ang paninigarilyo. Kabilang dito ang malaking kabawasan sa publisidad ukol sa mga produktong sangkap ang nakalalasong nikotina at ang paglalagay ng mga babala sa pakete ng mga iyon ukol sa sari-saring malubhang karamdamang dulot ng naturang bisyo. Dagdag rito ang pagpataw ng mataas na buwis sa mga sigarilyo, upang lalong maging mahal ang mga ito para sa mga mamimili.
Ngunit halos pagkapasok pa lang ng bagong milenyo ay nagkaroon ng bagong banta at ngayo’y laganap na ring panganib: ang “vaping,” na ang kagamitan ay nakapagpapabuga ng singaw o vapor na nilalanghap ng gumagamit nito.
Ang masaklap pa nito ay may iba’t ibang lasa at amoy ang “juice” ng mga iyon na lalong nakaaakit ng mga mahilig humithit at, sa malubha pang banda, nakaeengganyo ng kabataan dahil hindi usok ang naibubuga at tila astig ang dating ng aparatong pang-vape at mga tindahan nito. Wala mang makikitang pinong hiwang dahon ng tabako sa mga iyon, kanilang sangkap pa rin ang aditibong nikotina, na hango sa tabako.
Ano man ang gamit sa paninigarilyo ay hindi maikakaila ang dami ng kemikal na nakapaloob dito, na siyang nagiging sanhi ng may kinseng klase ng kanser, pati ng atake ng serebral o stroke at sakit sa puso, baga o sistemang sikulatoryo ng katawan.
Maging ang inosenteng makalalanghap ng segunda manong usok ng sigarilyo ay maaaring tamaan ng mga nabanggit na karamdaman o mga impeksyon sa paghinga at iba pa, pati ng mapapaagang pagkamatay. Ang isisilang naman ng buntis na maninigarilyo ay posibleng maging mababa ang timbang o magkadepekto sa anyo o pag-iisip.
Sa kabila ng dami ng masasamang epekto niyon sa kalusugan at malaking singil sa pangangatawan, bakit marami ang nahuhumaling sa paninigarilyo?
Marami ang kadahilanan, at pangunahin sa mga iyon ay ang malalim na pagkalulong matapos masimulan. Isama pa natin diyan ang pagiging mapagkukunan niyon ng mabilisang pagpapagaan ng pakiramdam bilang panandaliang ginhawa sa gitna ng galit sa mundo o sa pamumuhay, kung kaya’t marahil ay mataas ang bilang ng nagyoyosi rito at sa iba pang mahihirap na bansa. Baka ang paninigarilyo ay dala rin ng pagiging mapangahas, na tila pangungutya sa hamon ng kapalaran.
Saan mang anggulo tingnan, lumalabas na ang paninigarilyo ay isang makasariling gawain na maaaring maiwasan at isang kasanayang maganda lamang kung tuluyang bibitawan. Sa dami ng nagkakasakit at pumapanaw dahil sa naturang bisyo, malaki ang nagiging kawalan sa lipunan sa larangan ng kapaki-pakinabang na mga mamamayan, mapagkukuhanan ng pagpapagamot at limitadong espasyo sa mga pagamutan.
Dagdag sakit ng ulo pa nito ang pagdami ng ’di nabubulok na basura sa lansangan at kapaligiran dala ng maiiwang buntot ng sigarilyo, na may cellulose acetate na isang uri ng plastik na hibla, at ng mga kartirid o tangke ng e-sigarilyo na gawa sa plastik.
Marami namang ligtas na pamamaraan upang makamit ang “tama” kumpara sa nakukuha sa paninigarilyo, na pinangungunahan ng nakapagpapalusog, nakapagpapakilig at nakapupukaw ng diwang pag-eehersisyo.
Ang simple pa ngang pagtigil sa pagyoyosi ay makapagbubunga ng maraming daglian at pangmatagalang kabutihan. Bukod sa paglalayo sa sarili sa nabanggit na matinding mga sakit, gagaan mula sa kapagalan ang mga panloob na bahagi ng katawan o organo, makapagpapabawas ng alta presyon at makapagpapahinahon ng pulso, makapagtatanggal ng pag-ubo dahil makapagpapaginhawa ng mga baga at paghinga, makapagpapaganda ng daloy ng dugo papunta sa iba't ibang parte ng katawan, at makapagpapabawas ng kulubot o kaitiman ng ngipin. Siyempre, makatitipid pa sa gastusin ang pagkalas sa anumang produktong may nakakaadik na nikotina.
Mahirap itigil ang paninigarilyo? Kaya iyan. Subukan at piliting kumapit, gaya ng paglipas ng anumang bagyo, mawawala rin ang paghahanap o pagkatakam kung mananalig sa sariling kakayanan. Maaari ring makipag-ugnayan sa Lung Center of the Philippines o dumulog sa Quitline ng DOH o sa inyong lokal na hotline.
Sa madaling salita, ang paninigarilyo ay isang malaking pag-atras imbes na pag-usad. Kaya’t asintaduhing iwaksi ito habang may panahon.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.
Comentarios