top of page

Pangmatagalang reporma ay tiyakin, non-stop taas-presyo, aksyunan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 8 hours ago
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | March 22, 2026



Boses by Ryan Sison


Maalaking tulong para sa mga tsuper at negosyong umaasa sa araw-araw na biyahe ang planong dalawang buwang toll discount ng DOTr, isang pansamantalang ginhawa sa gitna ng walang prenong pagtaas ng presyo ng langis. 


Sa panahon kung kailan bawat pisong matitipid ay mahalaga, ang hakbang na ito ay tila pahinga muna sa matagal nang pagod ng sektor ng transportasyon at logistik.


Inanunsiyo ng Department of Transportation (DOTr) na mula bukas, Marso 23 hanggang Mayo 22, magkakaloob ng toll discounts sa mga public utility vehicles (PUVs), public utility buses (PUBs), at freight o logistics vehicles. 


Layunin nitong maibsan ang epekto ng tumataas na presyo ng petrolyo, na lalo pang pinatindi ng tensyon sa Middle East. Ang direktibang ito ay alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na humanap ng agarang solusyon upang mapagaan ang pasanin ng mga Pinoy.


Saklaw ng programa ang tatlong klasipikasyon ng sasakyan: Class 1 para sa jeepneys, Class 2 para sa mga bus, at Class 3 naman ay para sa mga truck na ginagamit sa freight services. 


Sa ilalim ng scheme, maaaring makatipid ang jeepneys ng hanggang P18 kada end-to-end trip, habang ang mga bus ay makikinabang ng hanggang P47, at ang mga truck ay aabot sa P72 kada biyahe. Hindi man kalakihan sa unang tingin, ang mga halagang ito ay maaaring makatulong at maging makabuluhan sa lingguhan at buwanang operasyon ng mga tsuper at operator.


Ang diskwento ay ipatutupad sa pamamagitan ng lingguhang rebate system na direktang ika-credit sa RFID accounts ng mga kwalipikadong sasakyan, gaya ng Easytrip. Kinakailangan lamang na ang mga sasakyan ay rehistrado sa LTFRB at hindi nakapaloob sa ibang toll discount programs. 


Mahalaga ring tandaan na boluntaryo ang pakikilahok ng mga tollway concessionaires.

Kung tutuusin, hindi nito tuluyang sosolusyunan ang problema sa mataas na presyo ng langis, ngunit malinaw na isa itong konkretong hakbang upang kahit papaano ay mapagaan ang gastusin ng transport sector. 


Ang epekto nito ay hindi lang mararamdaman ng mga tsuper, kundi pati ng mga pasahero at konsyumer, dahil maaaring makatulong ito upang maiwasan ang agarang pagtaas ng pamasahe at presyo ng mga bilihin.


Ang ganitong mga inisyatiba ay nagpapakita na sa gitna ng krisis, may puwang pa rin ang pakikipagtulungan ng gobyerno at pribadong sektor. Gayunpaman, hindi dapat dito magtapos ang mga reporma. 


Sana ay mas makalikha pa ng pangmatagalang solusyon upang hindi na paulit-ulit na maipit ang taumbayan sa parehong problema.




Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page